34.6 C
Manila
Sunday, April 28, 2024

Nakakabaliw!

Noong 2001, may lumabas na isang pambihirang pelikula na pinamagatang A Beautiful Mind. Hango sa buhay ni John Nash, isang laureado ng Nobel sa larangan ng ekonomika, ang pelikula ay masidhi, punung-puno ng emosyon na naglalarawan sa buhay ng isang napakatalinong akademiko na nagdanas ng schizophrenia. Ito ay nagpapakita kung paano unti-unting kinukunan ng kapangyarihan ng kanyang mental na kondisyon ang kanyang pag-iisip at kung paano dahan-dahang gumuguho ang buhay niya sa paglipas ng araw.

Sa ating panahon ngayon, napakaraming mga katulad ni John Nash sa ating kalagitnaan. Mayroon nga lang mga kapuna-punang mga pagkakaiba – marami sa kanila ay hindi naman talaga henyo tulad ni John Nash, marami sa kanila ang hindi alam mayroon pala silang karamdaman, at marami sa kanila ay hindi nakatatanggap ng kinakailangang atensyon at rehabilitasyon na nagamit ni John Nash sa kanyang kapanahunan.

Sa Pilipinas, iilan lamang ang katulad ni John Nash ang mapalad na magkaroon ng pagkakataong makapunta sa mga psychologist/therapist. Gayundin, iilan lamang ang may lakas na makipag-usap sa mga healthcare professional tungkol sa kanilang kalagayan, hindi dahil hindi nila kayang tustusan ito ngunit dahil sa dalawang dahilan (na hindi rin nila aaminin) – 1) pangamba sa estigma na maikakabit sa kanila kapag nalaman ng ibang tao na nakikipagkonsulta sila sa mga mental health practitioners; 2) hindi malawak ang pagkaunawa ng kondisyong ito, kaya maraming tao ang natatakot na harapin ito.

Nakakabaliw na Katotohanan

Isa sa limang indibidwal ay nagdurusa mula sa isang mental health issue. Sa kasalukuyan na may populasyong 100 milyon, mayroon lamang 700 psychiatrists and libong psychiatric nurses. 17-20% ng mga Pilipinong may sapat na gulang ay nakararanas ng psychiatric maladies, habang 10-15% ng Pilipinong kabataan, edad 5 hanggang 15, ang nakararanas ng mga suliranin sa mental health.

Ayon sa istatistika na mula sa World Health Organization (WHO), ang Pilipinas ang may pinakamataas na dokumentadong kaganapan ng depresyon sa Timog-Silangang Asya. Sa taong 2004 lamang, nag-ulat ang Department of Health ng 4.5 milyong kaso. Sa kabilang dako, inilalahad ng National Statistics Office (NSO) na ang mental health ailments ang pangatlo sa pangunahing uri ng karamdaman para sa mga Pilipino. Bukod pa roon, nahagilap ng pambansang sensus noong 2010 na 1.4 milyong katao na may kahinaang hayag at nagpakita ng mental disability ay bumubuo ng 14% sa lahat ng mga Kapansanan. Sa kaparehong pag-aaral ng NSO, 88 kaso ng problema sa mental health naiulat sa bawat 100,000 Pilipino.

            Ang nakalulungkot lang, bilang isang pampublikong suliranin sa kalusugan, tila hindi prioridad ang mental health at iyon ay napapansin  sa pamamagitan ng kawalan nito sa mga health insurance packages. At kahit idinagdag ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), isang insurance firm na pinapamahalaan ng gobyerno, ang mental illness sa saklaw nito, iyon ay para sa matinding mga kondisyon lamang at para sa hospitalisasyon ng maikling panahon.

Kahit sa komunidad ng mga mediko, maraming mga practitioners ang nagsasawalang-bahala sa psychiatry bilang isang medikal na kasanayan at ito’y kinumperma ng National Center for Mental Health key player Dr. Bernardino Vicente.

Mga Batas

Ang bansa ay mayroong limang naipasang panukalang-batas ukol sa mental health as of Disyembre 2014. Itu-ito ay ang National Mental Health Act of 2009 (SB 3509) na pinangunahan ng pangulo ng senado na si Juan Ponce Enrile, ang National Mental Health Act of 2010 (HB 1419) na ipinakilala ni Representative Susan A. Yap, ang National Health Act of 2010 (HB 3390) na sinimulan nila Representative Rufus Rodriguez at Representative Maximo Rodriguez Jr., and Philippine Mental Health Act of 2014 (SB 2450) na itinaguyod ng Senador Loren Legarda, at ang Philippine Mental Health Act of 2014 (SB 2484) na pinangunahan ng Senador Vicente Sotto III. Sa lima, ang mga panukalang-batas mula 2014, (SB 2450 at SB 2484), ang pinakanapahusay dahil ito ang mga may akmang paglalarawan sa mga may suliranin sa pag-iisip, kanilang mga karapatan at ang mga patakarang binabalak para matugunan ang kanilang mga pangangailangan.

Ang limang panukalang-batas ay sumusuporta na isali ang mental health sa ating pambansang health care delivery system. Ayon sa limang panukalang-batas, ang ahensya na tatawaging Philippine Council for Mental Health (PCMH) ay isasailalim sa pagtangkilik ng DOH at ito’y mananagot sa ebolusyon at distribusyon ng mga serbisyo na ukol sa mental health sa buong bansa.

Tanaw ng mga Pilipino

Lumalaki na ang patunay na nagdadalawang-isip ang mga Pilipino na humingi ng tulong propesyonal para sa kanilang suliraning pan-isip. Halimbawa, ang pag-aaral ni Hechanova at ang mga kasama niya noong 2013 ay nagpahiwatig na may mababa ang intensyong humingi ng pagpapayo online sa mga nangingibang-bansa. Sa ibang pagsasaliksik naman ni Bello noong 2013 na nagtanong sa 359 na mga estudyanteng Pilipino, 22% lamang ang humingi ng tulong para sa mga suliraning academic o non-academic, at may mas mataas na porsyento ng mga mas pumipiling lumapit sa mga kaibigan at kapamilya kaysa humingi ng tulong mula sa mga professional counselors at psychotherapists.

Ang pagtingin ng mga Pilipino sa mental health ay nakaaapekto rin sa pagtamo ng mga serbisyo ukol rito. Sa mga pamilyang Pilipino na may kaanib na may mental na karamdaman, sa pasimula pa lamang siya na ang nasisi kung bakit may taglay siyang ganoong sakit. Itinataboy ang karamdaman ng maysakit sa pamamagitan ng pagsabi sa kanya na “Nasa utak mo lang yan” o hindi kaya’y “Mahina ang loob mo”. Bilang resulta, nauudyukan silang tulungan na lamang ang kanilang mga sarili sa halip na humingi ng tulong sa iba. Tangi pa riyan, naging kaugalian na ng mga pamilyang ganito na itago ang kalagayan ng pasyente dahil na rin sa istigma na nakakabit sa ganitong klase ng kondisyon. Sa kabukiran, ang mental illness ay kinikilala na nanggaling sa mga pang-ispirituwal na dinamika o mga paranormal na aktibidad tulad ng pagkukulam o pagsusuyo ng mga kahima-himalang mga nilalang. Kaya, ang ganitong tanaw ng mga pagsusumpa at panggagaway ay nagtutulak sa mga pamilya na maghanap ng lunas mula sa mga albularyo at hindi sa mga mental health professionals.

Isang kaso na nagpapakita sa ganitong uri ng pagtingin ay ang pag-aaral na sinimulan nina Brolan, Dooren, Gomez, Fitzgerald, Ware at Lennox noong 2014 tungkol sa intellectual disability at mga maaaring pagpiliang panggamot nito sa Negros Occidental. Nahayag sa pag-aaral na ang mas kinikilingang lunas o management ay ang paghingi ng tulong mula sa “suranho”, isang shaman  o manggagamot. “Pinaliwanag ng mga impormante na ang mga kapamilya ang tumatawag sa suranho para paalisin ang masamang espirito na nag-aangkin sa taong may intellectual disability, bunga ng paniniwalang ang taong ito ay may naging kamalas-malas na pagtatagpo sa isang espirito o multo.” (Brolan et al., 2014, p. 76).

Ang iilan sa mga gawain ng suranho ay ang pagsipsip ng mga katas ng erbal o banal na tubig, ang paggamit sa mga anting-anting at gayuma, mainit na mga pamahid, pag-aalay sa mga espirito, pag-awit ng mga dasal, at ang paggawa ng luya at usok mula sa sunog ng uling  (Brolan et al., 2014, p. 78). Gayundin ay ibinunyag ng pag-aaral na kahit hindi epektibo sa lahat ng panahon ang pamamaraan ng suranho, may mga pamilyang hindi pa rin humihingi ng tulong medikal at sumusuko na lamang. Ang mga dahilan ng hindi paghangad ng medikal na tulong ay ang mga sumusunod: kakapusan ng salapi, pagtanggap ng maling impormasyon at kakulangan ng edukasyon tungkol sa mental disabilities, kaya kung minsan, ang suranho ang tanging kinikilalang lunas.

Istigma

Mayroong napakalaking pagpapapahalaga ang mga taga-Asya sa reputasyon ng kanilang pamilya, lalo na ang mga Pilipino.  Kaya naman, mas pinipili nilang lumapit muna sa pamilya bago humingi ng tulong mula sa mga mental health professionals o ibang tagalabas. Ito ay upang iwasan ang nakakapinsalang panghuhusga, na umaakay sa pagpapatagal ng paghingi ng akma at propesyonal na mental health care at ang wastong management ng kondisyon. (Lin, K, Inui, Kleinman, & Womack, 1982).

Anong Maaaring Gawin

Matatagalan pa bago maisabatas ang isang komprehensibong pambansang batas na ukol sa mental health. Sa ngayon, dapat bigyan ng mga tao ng seryosong pagpapahalaga ang mental illness. Hindi ito dapat tingnan bilang isang kondisyong buhat ng mga masasamang espirito at multo o mga misteryosong kahoy ng dalagit, at kailangang tanggapin ang katotohanang ang utak ng tao ay magugulo kahit anong oras.

Para sa mga ahensya ng gobyerno at mga kinatawan ng pribadong sektor, importante na ang mga modernong kaalaman sa topikong ito ay maipon sa isang mapakikinabang database. Total, ang isang mabuting database ay kinakailangan at napakahalaga upang makalikha ng epektibong batas na may malawak na saklaw.

Para sa mga natitirang “matino” sa lipunan, huwag nating tingnan ang mga baliw (maliban nalang kung dahil sa droga) ng may pagsusuklam. Hindi naman nila piniling magkaroon ng ganoong karamdaman at hindi nila kailanman naging intensyon na maging palanta sa ating sibilisasyon. Sawi nga lang nila na ang hindi nakakaya ng kanilang utak ang kahirapan ng buhay. Kaya, maging mahabagin tayo at magkaisa tayong maisulong ang isang batas na makatutulong upang magkaroon ng mabuting pag-iisip ang mga nababaliw.

Related Articles

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

- Advertisement -spot_img

Latest Articles

Join us today!

Get access to exclusive content

Are you ready to take your experience to the next level? Unlock a world of exclusive benefits by joining our premium content community. As a member, you'll gain access to a wealth of valuable resources, tailored specifically for you.