Excited ako habang naglalakbay ang kinalululanang bus patungo sa probinsya kung saan ako isinilang at lumaki sa isang bayan sa Bikol. At matapos ang mahigit sampung oras na paglalakbay ng sasakyan, narating ko ang lugar na aking sadya, isang liblib na barangay sa Camarines Norte.
“Salamat at nauwi ka, Gabby”, tuwang-tuwang wika ng ina kong sabik akong niyakap.
“Mahigit hong isang Linggo ang bakasyon ko, uubusin ko ang aking emergency leave”, sagot ko.
Habang niluluto ng aking inang si Aling Precing ang paborito kong ulam na tinolang native na manok, nananatili ako sa balkon ng aming bahay na gawa sa kawayan, pawid at kahoy. Katulad ng lagi kong ginagawa tuwing magbabakasyon sa probinsya, iginala ko ang paningin sa paligid ng aming bahay na kahit matagal ng namayapa ang aking ama, nananatili pang buo at maayos.
“Inay, wala na pala ang malaking punong balite. . .”, pabulong kong wika habang nakatingin sa lugar kung saan nakatindig ang malaking punongkahoy.
Magkahalong tuwa at panghihinayang aking naramdaman. Natuwa ako dahil wala na ang malaking punongkahoy na naghatid sa akin ng iba’t-ibang uri ng katatakutan noong bata pa at hanggang magbinata. Katatakutang natitiyak kong kagagawan ng mga engkanto at malignong nakatira sa malaking punongkahoy na kinatatakutan din ng mga taong dumadaan sa maliit na daang hindi kalayuan ng puno.
“Nabuwal ang balite noong bumagyo ng malakas”, kuwento ni inay habang nilalantakan ko ang tinolang lutang na lutang ang makatulo-pawis na sarap at linamnam ng native na manok. “At dahil sabi ni Tata Edoy na puwede kong sunugin ang punong balite, sinunog ko ng matuyo!”
Matapos kong kumain, dahil nakaramdam ng pagod sa biyahe, nakatulog agad ako sa kuwartong paborito kong tulugan noong bata pa kahit kumakagat pa lang ang dilim ngunit pagsapit ng hatinggabi nagising sa tawag ng kalikasan. Matapos kong dyuminggil sa boteng plastic na paborito kong ihian noong bata, inilagay ko ito sa gilid ng dingding na kawayan at muling nahiga para matulog.
Muli na sana akong makakatulog ng mahimbing ngunit narinig ko ang ng ingay na madalas umiistorbo sa pagtulog ko noong bata, ingay na naghahatid sa akin ng malaking takot at pangamba. Mabilis akong sumilip sa bintanang bahagya kong ibinukas para makita ang paligid ng aming bahay sa direksyon ng nabuwal na malaking punong balite na lagi kong ginagawa kapag narinig ang ingay noong bata pa sa gabing bilog ang buwan.
Labis akong nagulat sa nakita, naglalaro sa lugar kung saan nakatindig ang punong balite ang mga engkanto at malignong nakikita ko noong nakatindig pa sa lugar ang malaking puno, uri ng kahoy na hindi lamang kinatatakutan sa aming barangay kung hindi sa lahat ng sulok sa Pilipinas. Kahit nakaramdam ng takot at pangamba, patuloy kong pinagmasdan ang pangyayaring batbat ng hiwaga at kababalaghan sa tulong ng bilog na buwan na nakabitin sa kalangitan.
“Talagang madalas bumabalik ang mga engkanto at maligno kung saan dating nakatindig ang punong balite dahil paboritong galaan at laruan ang lugar ng mga nilikhang ito” paliwanag ni Tata Edoy, kabarangay naming albularyo na magtatawas din.
Kuwento ni BOBBY V. VILLAGRACIA batay sa karanasan ng isang kaibigan