Bawat isa naman sa atin ay nais na magkaroon ng maraming pera para magawa nating mabili ang lahat ng nais natin. Bukod doon, kapag marami tayong pera ay magagawa nating masuportahan ang lahat ng kailangan natin. Kaya nga lang, di naman sa lahat ng panahon ay may pera tayong naitatabi sa ating bulsa.
May panahon lang na magkakaroon tayo ng pagkakataon para magkaroon tayo ng pera. Ang magandang balita, hindi lang iyon mangyayari sa isang araw kundi sa buong taon. Ang kailangan mo lang gawin, maghanda sa nalalapit na Bagong Taon. Kinakailangan mong maglagay ng pampasuwerte para magkaroon ka ng sankaterbang salapi.
Ang payo ko sa’yo, magsuot ka ng damit na mayroong mga bulsa at doon mo ilagay ang iyong mga barya at perang papel. Alug-alugin mo iyon kapag sumapit na ang alas dose. Kapag nagawa mo iyon ay magiging maganda ang pasok ng pera sa’yo sa susunod na taon lalo na siyempre kung ikaw ay mayroong trabaho o kaya negosyo.
Kung mayroon kang maliit na lalagyan, ilagay mo din doon ang mga barya mo at saka alugin mo ng husto. Sa pamamagitan ng mga kalansingan noon ay papasok ang suwerte sa’yong bahay. Kaya, maigi rin kung bawat sulok ng iyong bahay, lalo na ang mga bintana, ay lalagyan mo ng barya para magawa nitong matawag ang mga suwerteng lumulutang-lutang lang sa paligid at namimili ng bahay na papasukan.
O, gagawin mo ba ito sa Bagong Taon?