Kung paanong hindi natin naiiwasan ang pana ni Kupido para tayo ay magmahal ng isang taong hindi pa natin kilala, hindi rin natin maiiwasan ang pagkakataon na tayo ay makaramdam ng panlalamig sa taong napili nating mahalin. Sadyang mahiwaga nga ba ang pag-ibig o tayo mismo ang gumagawa ng dahilan para sa ating sariling pakiramdam? Tulad na lang halimbawa kung ikaw ay na-inlab sa isang tao, ito ay dahil kinakitaan mo siya ng isang espesyal na bagay tulad ng maganda o guwapong panlabas na anyo. O kaya naman ay isang magandang katangian na umangat sa iba. O isang talento at kakayahan na pambihira sa iyong paningin. Pero paano kung ang pagmamahal na ito ay unti-unting maglaho o biglang maglaho? Siguradong may dahilan ito. Maaaring may mga tagong katangian siya na natuklasan mo at hindi mo nagustuhan. Maaari rin namang may mga bagay kayong hindi napagkasunduan. Anuman ang dahilan ng panlalamig ng iyong pag-ibig ay may paraan pa naman para ang init nito ay muli mong maibalik kung gugustuhin mo.
Balikan mo ang inyong pinagmulan. Yung mga araw na una kang kinilig sa kanya. Kung paano ka niya tinitigan. kung paano niya unang hinawakan ang iyong mga kamay. Kung paano namutawi sa labi niya ang mga salitang ‘Mahal kita’. Kung paano ka niya pinangiti sa bawat oras na magkasama kayo. Kung paano niya pinuno ng pagmamahal ang bawat araw mo. Baka kailangan mo lang balikan ang lahat ng ito upang muli mong maramdaman ang pagmamahal sa kanya na nanlamig na. Isa pang paraan ay unawain ang mga bagay tungkol sa kanya. Tanggapin mo ang kanyang mga kakulangan at yakapin ang lahat ng meron siya. Alamin ang ugat ng iyong panlalamig baka naman kasi may nakita ka ng iba. O baka kulang pa ang pagkakilala mo sa kanya. Ayain mo siyang muli na lumabas at gawin ang mga dati ninyong ginagawa. Tingnan mo siya ulit gaya ng dating pagtitig mo sa kanya. Baka sakaling sa mga ganitong paraan ay maalala ng puso mo kung bakit mo siya minahal at kung paano mo siya dapat na mahaling muli.