Naniniwala ka ba na ang mga abandonadong bahay o gusali ay pinamamahayan ng mga hindi nakikitang nilalang? Mga kaluluwang namatay doon, mga kaluluwang ligaw, mga engkanto at iba pang nilalang sa dilim. Kung naniniwala ka rito ay siguradong maniniwala ka rin sa mga pamahiing nakakabit sa isang abandonadong bahay at gusali. Kung gusto mo ay makamura at nagpasya kang bumili ng isang abandonadong bahay dahil sa mababang presyo nito, asahan mo na ang kamalasan na maaari nitong idulot sa’yo. Dahil ang isang bahay na matagal nang hindi natirahan ng tao ay inaari na ng iba.
Mga nilalang na hindi pangkaraniwan at hindi natin nakikita. Kung ang namamahay sa abandonadong bahay ay isang mabait na kaluluwa, bibigyan ka niya ng suwerte subalit kadalasan ang nananahan dito ay mga multong mapaglaro at may hindi magandang pag-uugali. Kapag ganito ang klaseng natapat sa’yo ay tiyak kamalasan ang mapapala mo. Kaya naman maraming umiiwas na bumili ng abandonado. Lalo na ang mga abandonadong gusali. Ang mga negosyanteng naniniwala sa mga pamahiin ay hindi bumibili ng abandonadong gusali unless kung mabibili nila ito sa napakababang presyo.
Sa Japan ay napakaraming abandoned house na ipinamimigay na lang o di kaya naman ay ipinagbibili sa pinakamababang presyo na katumbas lamang ng 4$. Ayon kasi sa pamahiin malas ang tumira sa bahay kung saan nagkaroon ng patayan, pagpapakamatay o anumang uri ng malungkot na kamatayan gaya ng malubhang sakit.
Sinasabing ang mga hindi magagandang karanasan na ito ay maaari ring sapitin nang susunod na magmamay-ari ng bahay. Habang ang mga gusali naman na nagkaroon din ng mga hindi magandang karanasan gaya ng pagkalugi, sunog, at iba pang trahedya ay magdudulot din ng katumbas na kamalasan sa susunod na magmamay-ari nito. Umaakit ito ng negatibo sa paligid at sa mga tao na nasa paligid nito. May mga paniniwala rin na kung ikaw ay dadaan sa isang abandonadong gusali at bahay ay huwag kang tititig sa loob nito dahil may makikita kang ikakatakot mo.
Dapat ka ring magtabi-tabi kung dadaan ka dito. Kung wala ka namang choice at kapalaran mo talagang magmay-ari ng isang abandonadong bahay o gusali, kailangan mong humingi ng pahintulot sa mga di nakikitang nagmamay-ari nito at pagkatapos ay saka ka magpa-bless.Makakatulong din ang mga lucky charms.