Nakapanaginip ka na ba ng dugo? May tao akong kilala na takot sa dugo at nadadala niya ang takot niya rito hanggang sa panaginip. Kapag nakakita siya ng dugo ay nangingilabot siya at kahit sa ga patak na dugo mula sa ineksyon ay kinatatakutan niya. Ang tawag dito ay haemophobia. Sa pamahiin, may iba’t-ibang kahulugan naman ang panaginip tungkol sa dugo.
1.Sugat na nagdurugo.
Kung sa panaginip mo ay nakakita ka ng sugat na nagdurugo o sugat mo mismo ang nagdurugo, ito ay nangangahulugan na ikaw ay malapit sa karamdaman at pagkabalisa kaya kailangan mong ingatan ang iyong kalusugan at emosyon.
2.Nakasulat na ‘dugo’ sa salamin
Kung sa iyong panaginip ay may nakita kang nakasulat na ‘dugo’ sa salamin, ito ay indikasyon na ang sitwasyon na gusto mong mabago ay hindi magkakaroon ng pagbabago. Mananatili ito sa kung ano ang kalagayan nito sa kasalukuyan.
3.Isinulat sa pamamagitan ng dugo
Kung nakakita ka naman ng kahit na anong salita na ang ginamit na panulat ay dugo, ibig sabihin ikaw ay nagbubuhos ng iyong buong atensyon at panahon sa isang bagay , tao o proyekto.
4.Dugo ng ibang tao
Kapag naman dugo ng ibang tao ang nakita mo sa iyong panaginip, ito ay nangangahulugan na ikaw ay may mahirap na pinagdaraanan sa iyong buhay. Yung nahihirapan kang makibagay sa mga taong nakakasalamuha mo sa kasalukuyan. Kapag ganito ang iyong panaginip, kailangan mong palakasin ang iyong espiritwal na pananalig.
5.Regla
Kung ang napanaginipan mo naman ay may kinalaman sa iyong monthly period o regla, ibig sabihin ay wala ka dapat masyadong ipag-alala dahil ang problemang pinagdaraanan mo ay matatapos na. At ang nagpapagulo sa iyong isip ay agad mo na ring makakalimutan.
6.Sinasalinan ng dugo
Kapag naman nakakita ka ng sinasalinan ng dugo sa iyong panaginip o ikaw mismo ang sinasalinan ng dugo, ito ay indikasyon ng isang pagkakaligtas mo mula sa isang mahirap na sitwasyon. Pwede rin naman na isang malaking pagbabago na magaganap. O kaya ay isang pag-aampon.
7. Mantsa ng dugo
Ang mantsa sa dugo na nakita mo sa panaginip ay nangangahulugan na meron kang kaaway na nagbabalak na pabagsakin ka.