Ikinagulat ng mga siyentipiko, lalo na ng mga science enthusiast, ang pagkakatuklas diumano sa ebidensiya ng teorya ng parallel universe.
Nagsimula ang lahat sa ulat na inilabas ng New Scientist noong 2016, tungkol sa pagkaka-detect diumano ng Antarctic Impulsive Transient Antenna (ANITA) ng ilang neutrinos na nagmumula sa mga yelo ng Antartica, sa halip na sa space. Ang ANITA ay binubuo ng maraming serye ng antenna na nakakabit sa higanteng lobo na lumilipad sa ibabaw ng Antartica.
Pagkaraan ng apat na taon ng malalalimang pananaliksik tungkol sa phenomenon na ito, inilabas nitong Enero ng isa pang neutrino observatory sa Antartica na pinapatakbo ng University of Wisconsin—ang IceCube—ang isa pang teorya na magpapaliwanag sa kakaibang signal na napick-up ng ANITA noong 2016.
Ayon sa IceCube, panahon na upang ikategorya ang nasabing signal sa “exotic physics” dahil sa kabiguan ng standard model of physics natin na ma-justify ang “reversed neutrinos”.
Idinagdag pa ng IceCube na dahil sa pagtanggap na ito sa “exotic physics”, panahon na rin upang higit na seryosohin ang isa pang hiwaga na kaakibat nito—ang parallel universe o mirror universe.
Sa kaso ng reverse neutrinos, maaaring ang oras sa parallel universe ay tumatakbo ng pabaliktad o reversed, tulad ng repleksiyon ng isang salamin!
Samakatuwid, anumang kaganapan na nangyayari sa Earth at sa lahat ng nilalang na naririto ay nagaganap rin sa mirror universe, ngunit pabaliktad ang takbo o kaganapan.
Dahil sa kawalan ng konklusyon sa reversed neutrinos alinsunod sa standard model of physics na ating batayan, ang posibilidad ng iba pang teorya na nasa labas ng ating Physics ay napakalaki!
At sandaling matuklasan ang hiwaga sa likod nito, madali nang maipapaliwanag iba pang mga konseptong nakapaloob sa exotic physics gaya ng dark matter, black hole, at ang parallel universe nga. Pati ang pag-iral ng ibang dimensiyon kung nasaan ang mga espiritu at kaluluwa—o ang dako pa roon!
Sa palagay mo, mababago rin ba nito ang konsepto ng relihiyon? Iyan ang tatalakayin natin sa mga susunod na paksa.