Ang problema, madali lang sabihin pero, NAPAKAHIRAP GAWIN!
Sadyang hindi ganoon kadaling kalimutan ang lahat ng kasamaan at kamaliang nagawa sa atin ng ating kapuwa. Paano pa ang patawarin sila?
Ganiyan rin ako dati noong hindi pa malalim ang aking espirituwalidad. Nagtatanim ako ng poot at galit sa kapuwa ko na nakagawa sa akin ng hindi mabuti. Gusto ko na laging makaganti at hinahangad ko ang masamang kapalaran para sa kanila.
Pero noong mga panahong iyon, tila hirap na hirap ang kalooban at pati buhay ko. Iyong tipo na may darating na oportunidad, pero laging nasisilat. Hindi natutuloy. Hirap akong makaahon sa sitwasyon na kinalalagyan ko.
Hanggang sa may mapanood akong isang simpleng video sa Youtube. Tungkol ito sa energy block at kung paano ito nakakaapekto sa ating kapalaran at suwerte. Ayon sa napanood ko, ang poot, galit, bitterness, hang-up, at iba pang negatibong emosyon na nasa ating puso at isipan ay siyang nagsisilbing harang o bara sa ating mga chakra. Kapag tayo ay may energy block, mahihirapang dumaloy sa atin ang suwerte at mga biyaya.
Isa sa paraan na itinuro upang matanggal ang energy block ay ang PAGPAPATAWAD.
Hindi madaling magpatawad. Kahit sabihin mong napatawad mo na ang isang tao, pero kung sa puso at isip mo ay naroroon pa rin ang galit at poot, hindi ka pa talaga tuluyang nakapagpapatawad.
Nagnilay akong mabuti. Ni-reassess ko ang aking kalooban. Naisip ko, sino nga ba ang higit na nahihirapan sa pagdadala ko ng poot at galit sa aking dibdib? Ako rin! Dahil sa kinikimkim kong galit sa ilang tao na malamang ay hindi naman ako naiisip na, nadi-delay tuloy ang mga biyaya at suwerte na dapat ay nasa akin na!
Nagdasal ako ng mataimtim. Hiniling ko sa Diyos na pakawalan niya ako sa tanikala na gumagapos sa akin.
Hindi naman kisap-mata na mawawala ang poot at galit. Araw-araw akong nagdarasal at nagninilay. Hanggang sa dumating ang point na ramdam ko sa sarili ko na wala na akong galit at poot na nararamdaman sa aking puso.
Simula nang mapatawad ko ang mga taong nakagawa sa akin ng kamalian, unti-unti ay pumasok nga ang biyaya sa aking buhay. Nagkaroon ako ng napakagandang oportunidad upang magbago ng career. Ang maganda pa, ang naging career ko ay iyon talagang passion at hilig ko—ang pagsusulat. Hindi lang iyon, napansin ko na naging magaang ang pasok sa akin ng pera. Maraming oportunidad na dumarating sa akin upang kumita ng mas malaki at mainam. Mas nakaipon pa ako ng marami ngayong freelancer lang ako kumpara noong may regular income ako bilang isang government employee.
Isa pa sa napansin ko ay ang pag-aliwalas ng aking aura at mukha. Noon, napakadilim ng aura ko. Matalim ang aking mga mata at matapang ang aking mukha. Pero ngayon, parang ang gaan-gaan ng aura ko. May mga nagsasabi pa nga na nakakahawa raw ang saya ng aura ko.
Hindi madali ang pagpapatawad. Isa itong mahaba at masalimot na paglalakbay. Ngunit, mahalagang isaisip natin na gaano man kalaki o kabigat ang kasalanang nagawa sa atin ng ating kapuwa, mas mabuti pa rin na matuto tayong patawarin sila at mag move on sa ating buhay.
Kung sa araw araw na lang ay pinili mong sariwain sa alaala mo ang pait ng nakaraan, hinding hindi ka magiging masaya. Binigyan mo lamang ng higit na kapangyarihan ang taong gumawa sa iyo ng masama. Isaisip na lahat ng taong dumarating sa ating buhay ay may dahilan. Sila ay may aral na hatid sa atin. Kung niloko ka ng isang tao, isipin na dapat ay maging wais ka na sa susunod. Kung nilait ka at inalipusta, isipin na sign iyun upang iimprove mo ang iyong sarili.
There is good in everything. Kung negatibo man ang naging karanasan mo sa isang tao, sa halip na mapoot ka, isa- isahin ang mabuting naidulot niya sa iyo in some ways, at magpasalamat ka sa kaniya na kung di siya dumating sa buhay mo ay hindi ka natuto.
Move-on and remember the 12 Laws of Universe—the Law of Karma and Law of Cause and Effect. Sa tamang panahon ay ibibigay din sa iyo ng kapalaran ang hustisyang nararapat. Just move on and enjoy the blessings!