Ang mutya ay mula sa kalikasan. Ito ay nagtataglay ng kapangyarihan na magagamit ng sinumang nagmamay ari nito upang umakit ng swerte sa ibat ibang aspeto ng buhay.
May iba’t ibang paraan ng pagkuha ng mutya depende sa klase nito. Ito ay maaaring makuha mula sa loob ng isang prutas, sa mga biyak ng lupa, o kaya ay sa mga bagay na tinamaan ng lintik o kidlat.
Narito ang iba’t ibang klase ng mutya at ang taglay nitong galing.
1. Mutya ng kidlat–para sa bilis at lakas ng katawan.
2. Mutya ng Buhawi–para sa liksi ng pagkilos.
3. Mutya ng Alitaptap–panghalina sa tao at pangontra sa mga masasamang tangka.
4. Mutya ng Mani–pampaswerte sa kabuhayan
5. Mutya ng Monggo-mainam sa mga nagsisimula sa negosyo.
6. Mutya ng Sitaw–masuwerte sa mga negosyong may kinalaman sa gulay.
7. Mutya ng Dayap-pampaamo sa tao.
8. Mutya ng Papaya–pampalakas ng karisma sa tao.
9. Mutya ng Pusa-may kakayahang tagabulag.
Sa sandaling ikaw ay magmay-ari ng mutya, ikaw ay kikilalanin na nitong “amo”. At bilang nagmamay-ari, nararapat lamang na pangalagaan mo ang mutya upang ito ay magtagal sa iyo at hindi ka layasan.
Ang pinakaimportante: ilihim mo ang iyong mutya. Ibig sabihin, hindi mo ito dapat na ipagyabang kanginuman at ipangalandakan. Dapat ay ikaw lamang ang nakakaalam na mayroon ka nito.
Huwag na huwag mo itong ipapakita sa iba, ni kukunan ng larawan. Ayaw ng mutya na makipag-picture taking sa iyo. Sa sandaling ipaalam nyo sa ibang tao na kayo ay may mutya, asahan ninyong unti-unti na ding mawawala ang buhay at bisa nito.
Ayaw din ng mutya na sila ay hinahamon. Ibig sabihin, ayaw nila na susubukan mo ang kanilang galing. Ang ibang may mutya kasi, inilalagay nila ng kusa sa bingit ng kamatayan ang kanilang buhay para lamang masabi nila at matiyak na gumagana nga ang kanilang mga mutya. Naroong magpataga sila, magpabaril at magpasaksak sa pag-asang ililigtas sila ng mutya. Nagkakamali sila. Ang “galing” ng mutya ay lilitaw sa oras ng pangangailangan.