“Denise, apo tama na ‘yan. Ilang oras ka na bang nasa harap ng computer?” si Lola Diana.
“Wait lang po mamita, hindi pa kami tapos mag-chat ni lollipop ko!” sagot ni Denise na hindi inaalis ang mata sa computer.
Nilapitan ni Lola Diana ang apo at sinipat ng malabong mata ang pinagkakaabalahan nito sa computer.
“Sino kamong ka-chat mo, lollipop? Aba’y kendi iyon diba?”
Natawa si Denise.
“Mamita naman eh,patawa ka, tawagan lang po namin ‘yan ng bf ko, lollipop ang tawag ko sa kanya at candy naman ang tawag niya sa’kin, term of endearment.”
“Ah ganun ba…naaala ko nung araw…” sabay upo ng matanda sa tabi ng apo.
Napatingin si Denise sa lola niya na tinatawag naman niyang mamita.
“Ano pong naalala mo mamita?”
“Ang tawagan namin noong araw ni Ernesto…siya ang aking irog at ako naman ang kanyang sinta…”
“Yuck!” natatawang biro ni Denise.
Biglang sumilay ang luha sa mga mata ng matanda. Natigilan si Denise.
“Mamita, sorry po, joke lang naman po yung yuck eh”
“Alam ko…naisip ko lang, kung uso na siguro noon ang facebook, baka hindi kami nagkalayo ni Ernesto…baka nalaman ko kung ano ba talaga ang nangyari sa kanya…”
Naging interesado si Denise sa kuwento ng lola niya.
“Magkuwento ka pa nga mamita…”
“Bago ko ituloy ang kuwento, maari bang ipagtimpla mo muna ako ng kape?”
“Ay, sige na nga po.”
Pumuwesto sa terrace ang maglola habang nagkakape at nagkukuwentuhan.
“Nagkakilala kami ni Ernesto, kasi isa siyang mangingisda at ako naman ay nagtitinda ng kape. Tuwing madaling araw bumibili siya sa’kin bago mangisda at ako mismo ang nagtitimpla para sa kanya…hanggang sa ligawan niya ko…naging magkasintahan kami…tinawag niya kong irog at tinawag ko naman siyang sinta…isang araw dumating ang malakas na bagyo, sinalanta ang lugar namin at nagkahiwalay kami. Ang usap-usapan ay naabutan daw ng bagyo si Ernesto at mga kasama niya sa dagat. Mula noon ay hindi na sila nakita. Ipinagluksa sila ng buong bayan kabilang na ang puso ko na labis din ang pagluluksa noon. Hanggang sa makilala ko ang lolo mo. Bagamat hindi niya lubusang napawi sa puso ko si Ernesto ay nagawa naman niya akong pasayahin. Dinala niya ako sa Maynila at dito na nga kami bumuo ng pamilya.May nakarating sa aking balita na buhay daw si Ernesto pero dahil malayo na ako ay hindi ko na alam kung may katotohanan ba iyon o ano ba talaga ang nangyari…hindi ko na rin inalam dahil noon ay asawa ko na ang lolo mo… ang malaki kong kasalanan sa lolo mo…ay hindi ko kailanman naiwaglit sa puso ko si Ernesto…at hanggang sa kamatayan ng iyong lolo ay pinili kong huwag nang ipagtapat sa kanya dahil ayoko rin naman siyang masaktan…”
Humugot ng malalim na buntong hininga si Denise.
“Ang lungkot pala ng love story nyo ni Ernesto mamita…”
Makalipas ang ilang buwan. Araw ng kasal ni Denise.
“Mamita, darating po ang lolo ni Emil, since wala na po siyang father kaya tinawagan po niya ang lolo niya sa America para siya ang tumayong ama niya sa kasal namin.” Kuwento ni Denise habang sakay sila ng bridal car.
“Ganun ba, kapangalan pa ni Ernesto ko…nakakalungkot kasi wala ka na ring mga magulang para saksihan ang kasal mo…”
“Sus, nandito ka naman mamita eh, sapat ka na sa’kin”
Nang makaharap ni Lola Diana ang Lolo Ernesto ni Emil ay labis ang pagkabigla niya.
“T-Teka…parang kilala kita?”
“Hindi Diana…hindi ka maaaring magkamali…ako ang iyong irog!”
Nagkatinginan ang bride at groom.
“E-Ernesto?”
“Diana!”
Isang mahigpit na yakap ang iginawad ni Ernesto sa dating kasintahan.
Sa reception ay nagkaroon ng pagkakataon ang dalawang matanda na magkakuwentuhan.
“Tinangay ako ng nagngangalit na mga alon sa kabilang isla…doon ko nakilala si Patricia, naging kaibigan siya sa akin sa panahon na halos hindi ako makasalita dahil sa trauma na naranasan namin nung bagyo…nang makarecover na ako ay nabalitaan ko na sumama ka sa isang lalaki patungong Maynila. Noon ay nagpasya akong kalimutan ka. Ibinigay ko ang sarili ko kay Patricia, nagsimula kami ng negosyo at umunlad. Hanggang sa mapunta kami sa America. Nagkasakit si Patricia at doon na rin siya binawian ng buhay dahil sa sakit niyang kanser. Naiwan sa akin ang nag-iisa akong anak, ang ama ni Emil. Ang mama ni Emil ay mayroon ng bagong pamilya habang ang aking anak ay namatay na rin sa isang car accident…”
“Napakalungkot naman…”
“Oo Diana, subalit ang puso ko ngayon ay sumaya nang makita ka…dahil sa maniwala ka’t hindi…hindi ka kailanman nawaglit sa aking isip…”
Nagulat pa si Lola Diana nang hawakan ni Lolo Ernesto ang kamay niya.
“Ernesto!”
“M-Mahal pa rin kita Diana…”
Hindi makasagot si Lola Diana, sapat na ang pagkakanulo sa kanya ng kanyang mga mata.
Makalipas ang ilang araw.
“Mamita,tama na po ‘yan, ilang oras na kayo sa harap ng computer!” sita ni Denise sa lola niya.
“Saglit na lamang apo, magka-chat pa kami ng irog ko eh!”
Natawa si Denise.
“Baligtad na ngayon mamita, ikaw na ang abala sa pakikipag-chat, at ako magiging busy na ako sa pagsisimula ng buhay may asawa namin ni lollipop ko.”
“Oo apo, at sana dalas dalasan mo ang pagdalaw dito dahil mamimiss kita.”
“Opo mamita, pero sigurado naman na hindi ka mabobored kahit wala na’ko dito sa bahay mo, kasi busy ka na dyan sa chatmate mo!”
“ Kayo noon, kami naman ngayon! Teka, magsesend pa’ko ng emoticon, asan na ba’yon?” natatawang sagot ni Lola Diana.