Isa sa mga mabilisang lumalago na industriya sa bansa ay ang cosmetics at skincare. Sa kasalukuyan, ito ay inaasahan na patuloy pang sisikat at lalago sa darating na mga taon. tayong mga Pilipino ay matagal nang kilala sa pagiging maalaga sa balat. Noon, ito ay nakaikot sa kagustuhan ng karamihan na pumuti at magmukhang banyaga. Samantalang ngayon, mas nakasentro na ang demand ng skincare sa kabuoang pangkalusugan ng ating balat. Ito ay dulot ng malaking pagbabago sa ating kapaligiran tulad ng mas mainit na temperatura at mas maduming hangin na nagreresulta sa maraming Pilipino na nakakaranas ng maagang palatandaan ng pagtanda. Kaya naman marami ang naghahanap ng paraan upang mabawi ang kanilang kagandahan.
Ito ay mapapansin natin sa nagbabagong trend sa skincare market kung saan ang anti-aging cosmetics ay nananatili bilang pinaka popular na produkto. Maging ang consumer base nito ay nagbago rin mulas sa 35-40 taong gulang ay lumipat ito sa mga nasa edad 20 pataas. Maging ang mga kalalakihan ay apektado din at kapansin pansin na parami ng parami ang skincare products na ibinibenta sa mga lalaki.
Ang face cream ay ang may pinakamalaking market share sa lahat ng mga anti-aging cosmetic products. Ang pinakasikat na anti-aging cream sa bansa ay galing sa Olay at L’Oreal na may mga produktong pumapatak mula P700 hanggang P2000. Isang popular na alternatibo din ang Ponds para sa kabataan o di kaya’y naghahanap ng mas murang produkto.
Ang paggamit ng mga topical na produkto ay isang mahusay na paraan upang maprotektahan ang balat mula sa mga nakakapinsalang pollutants na maaaring maging sanhi ng dehydration ng balat, pagkatigang, wrinkles, sagging, at dark spots. Sila ay nagsisilbi bilang pagkain para sa balat at naglalaman ng mga sangkap na makakatulong sa pag-ayos ng damage mula sa environmental factors. Gayunpaman, mahalagang tandaan na ang mga produktong ito ay magkakaroon lamang ng epekto sa ibabaw o mababaw na parte ng ating balat. Maaari nitong alagaan ang ating balat mula sa labas, ngunit upang talagang magbigay ng sustansiya at pasiglahin ito ay kailangan ng mas malalim na gamutan. Dito na papasok ang paggamit ng mga supplement.
Ayon sa mga eksperto, mas epektibo ang paggamit ng mga supplements sapagkat ito ay nagpapagaling at pinoprotektahan ang katawan natin mula sa loob sa pamamagitan ng pagtugon sa mga pangunahing proseso na kinakailangan upang mapalakas ang paglago at pag-aayos ng balat. Ang mga supplement ay direktang sumusuporta sa formation ng collagen, pag-aayos at pagpapadami ng skin cell, nagbabawas ng free radicals, at tumutulong sa paghydrate at kabuoang moisturization ng ating kutis.
Kung ikukumpara sa mga creams at serums na nakakaapekto lamang sa bahagi ng katawan kung saan pinapahid ito, ang mga supplement ay gumagana sa buong katawan kabilang ang mga lugar na hindi mo madalas nabibigyang atensyon. Karamihan ng mga ito ay may magandang dulot din sa ibang parte ng katawin natin tulad ng buhok, at kuko. Ito rin ay mas mura kung tutuusin dahil may pang matagalan itong epekto sa iyong balat, at hindi basta bastang mawawala kung titigilan mo na ang pag gamit nito. Ilan sa mga popular na supplement sa bansa ang glutathione at collagen capsules. Ito ay nagkakahalaga mula P600 hanggang P3000. Isang sikat na brand ay ang Belo gluthathion with collagen na nagkakahalaga ng P1500 para sa 30 piraso.
Kung ganon, ano ba ang mas magandang skin care? Ayon sa mga dermatologists, mas makakabuti kung ang topical creams at supplements ay magkasamang gagamitin para sa maximum na epekto nito. Pero kung hindi ito pasok saiyong budget, mainam na kumonsulta sa iyong doktor upang mabigyang payo para sa produkto na swak sa iyong balat. Ikaw, alin sa tingin mo ang mas maganda para sayo?