Maraming kinasangkutang kontrobersiya ang British Royalty sa kasaysayan. Maging ito man ay haka-haka o talagang katotohanan. Kabilang sa binubusising intriga noon sa kanila ang ilang kakatwang gawi at mga di kanais-nais na lihim.
Hindi nakaligtas sa intrigang ito si Countess Elizabeth Bathory na sinasabing isang infamous serial killer ng Hungarian-Slovak history. Bakit inakusahang mamamatay tao ang kontesa? Ano ang isa sa itinatago niyang kakatwang lihim upang suspetsahan siyang kriminal?
Ayon sa mga tala at mga nakalap na sabi-sabi, ang babae na esposa ng isang Earl ng British nobility ay naliligo aniya sa dugo ng kanyang mga biktima. Kumalat ang balitang ito noong 1588 bunsod ng ilang serye ng pagkawala ng mga peasant ladies; na inalok ng mataas na sahod kapag nagtrabaho’t naglingkod sa palasyo.
Ang balitang gumagawa ng kakatwang bagay ang kontesa at ang nangyari sa mga kababaihan ay nakarating kay King Matias II; na nagpadala ng mga kalalakihan sa kastilyo ng Csejthe.
Nakita roon ng mga kalalakihan (knights) ang isang patay na babae at ang isang nanghihingalo na. Bukod dito, nakakita rin sila ng isang babaeng sugatan at ang isa ay nakakulong sa isang silid. Batay sa nakalap na salaysay mula sa mga testimonya ng mga saksi, ang mga babae ay sinasaktan. Anila, ang ilan sa kanila ay tinutusok ng karayom ang ilang bahagi ng katawan, sinusunog o pinaparikit sa apoy ang kamay— pati na rin ang kanilang mukha at maseselang parte ng katawan.
Kinakagat din ng salarin ang laman sa mukha ng mga biktima, na halos matuklap na ang balat. Gayun din ang ibang bahagi ng katawan.Ang masaklap pa, bago gawan ng kalupitan ang mga kaawa-awang mga pesante, ginugutom sila upang manghina.
Ayon sa talang nakalap, pinalalagay na ang kabuuang bilang ng biktima ng pagmamalupit ay humigit sa 100 kababaihan sa nakalipas na 25 taon. Siniyasat ang tungkol sa insidente at natuklasan sa huli na ang salarin sa pagmamalupit sa mga kababaihan si countess Bathory.
Nakita ang kontesa sa isang kakahuyan na binabalatan ng buhay ang isang babae na nakatali sa puno. Sa salaysay naman ng mga kalalakihang naglilingkod kay Bathory, inuutusan sila na dumukot ng mga babae at pinasasahod ang dugo ng mga ito sa bariles. Ang mga naipong dugo ay siya umanong ipinapaligo ni countess Bathory.
Gayunman, sa masusi pang pagsisiyasat, walang nakitang ebidensiya na ginagawa nga ng kontesa ang kahindik-hindik na gawi— na ipinapanligo ang nakolektang dugo ng mga kababaihan. Subalit, sa sumbat ng kanyang konsensiya, inamin ni Bathory na ipinapanligo nga niya ang dugo. Katuwiran niya, upang mapanatili ang kanyang magandang kutis at hindi tumatanda o kumukulubot ang balat.
Dahil sa kanyang estado sa lipunan, hindi nilitis si Countess Bathory. Gayunman, isinailalim siya sa house arrest. Inilagak siya sa isang silid at hindi na pinahintulutang lumabas. Doon niya ginugol ang kanyang mga araw hanggang sa siya’y malagutan ng hininga noong 1614.