Malamang ay nakita mo na kaming pangiti-ngiti sa camera. Sa tuwing nag-uulat ang mga reporter ukol sa isang kalamidad, nakapagtataka ang Pilipino — na kilalang may masiyang pag-uugali —sa kanilang kakayahan na ngumiti sa kabila ng trahedya. Abot-tenga ang ngiti ng ilan sa amin at pakaway-kaway pa habang nag-aantay na mahagip ng camera para makita sa telebisyon.
Karamihan sa amin ay namumuhay sa minimum na sweldong nagkakahalaga ng humigiit-kumulang USD $8 isang araw (PhP 350 sa National Capital Region; PhP 275 sa mga probinsya), ngunit nakapagtataka na masiyahin pa rin ang mga Pilipino sa kabila ng kahirapan. Walang nakakaalam kung paano o kailan nag-simula ang ganitong katangian ng mga Pinoy.
Pinaniniwalaan ng iba na ang aming pagiging masiyahin ay dulot ng saganang sinag ng araw. Sagana ang mga Pilipino sa pag-absorb sa Vitamin D na nagpaparami ng serotonin, isang hormone na nagdudulot ng pakiramdam na kasiyahan. Nakatutulong rin ang aming diyeta na sagana sa protina at carbohydrates sa pagpaparami ng serotonin.
Ang tanong ng iba: sabog ba sila? May iniinom ba silang pampa-lutang sa saya? Marahil ay hindi. Ang pagka-masayahin ng mga Pinoy ay may pinaguugatan pang mas malalim, tila isang genetic trait, at hindi ito lumilipas sa pagtagal ng panahon. Higit sa lahat, nakatatak na ito sa kultura ng mga Pilipino.
Karaniwan na ang ideya ng kasiyahan sa kultura ng mga Pilipino. Sa katunayan, normal sa amin na gumamit ng mga pangalang may kaugnasayan sa salitang saya. Sa isang punto sa aming buhay, hindi imposible na may makilala kaming Pilipino na ang pangalan ay Joy, Happy, Jolly, Ligaya, Bliss o di kaya ay Merry Joy. Literal na naninirahan rin kami sa kasayahan dahil ang ilan sa aming mga kalye ay pinangalanang Masaya, Maligaya o kaya ay Galak. Sa pag-uugali man o sa aming kultura, naisasabuhay ng mga Pilipino ang katangiang ito kaya naman hindi nakakapagtaka na maganda ang estado ng Pilipinas sa World Happiness report. Ito ay isang survey na naglalayong alamin kung gaano kasaya ang mga mamamayan sa isang bansa bilang indikasyon ito ng social progress.
Happiness Index
Sa loob ng bilang na 155 na bansa, kabilang ang Pilipinas sa nakatataas na kalahati ng Happiness Index. Pang-72 ang Pilipinas base sa pinakabagong survey na isinagawa ng United Nations Sustainable Development Solutions. Hindi man ganoon kataas ang ranggo ng Pilipinas ngunit nakakabilib na nakabilang pa ang Pilipinas sa first half ng survey kahit na ang bansa ay maituturing na third-world country. Ang mas nakabibilib pa ay naluklok rin ang Pilipinas sa pang-limang puwesto at kahanay nito ang mayayamang bansa gaya ng United States, Japan, Canada at maging ang Baltic states gaya ng Norway, Denmark at Iceland. Base ito sa kaibang survey na isinagawa ng Gallup Positive Experience noong 2014.
Ang survey ay binase ng United Nations sa iilang mga salik: pag-kalinga (care), kalayaan (freedom), generosity (pagiging mapagbigay), katapatan (honesty), kalusugan (health), sahod (income) at mabuting pamumuno ng gobyerno (good governance). Kapansin-pansin na ang tatlong huling salik ay hindi maaring makontrol ng mga mamamayan ng Pilipinas. Mahirap tantyahin ang kalusugan samantalang ang sahod at mabuting pamumuno ng gobyerno ay iilan sa mga bagay na dapat pang ayusin sa aming bansa. Samantala, ang unang apat na salik ay katangiang dala ng karamihan sa mga Pilipino. Hindi naman sa hindi malaya, mapag-bigay, matapat o mapag-kalingan ang ibang lahi. Natatangi kasi ang mga Pinoy dahil mayroon pa silang ugali na hinasa ng kultura: ang ibang klaseng pagbibigay ng importansya sa relasyon ng pamilya at ang kanilang katatagan o resilience.
Ang ideya ng katatagan ng mga Pilipino ay unang pinag-aralan noong 1989 ng isang American developmental psychologist na si Emmy Werner. Inilarawan niya ito bilang “internal locus of control” o kakayahang intindihin na ang mga aksyon ang siyang humubog sa buhay at hindi ang mga pangyayari.
Sa madaling salita, ang resiliency ay ang kakayahang lampasan ang isang pagsubok at pagbalik ng mas may nakatandaan. Ang kanyang pag-aaral ay binuo noon ng halos 700 na kabataan. Napansin ni Werner na ang iilan sakanila ay may “risk backgrounds” pa, gaya ng kahirapan at problema sa pamilya. Gayunpaman, nakitaan ang ilan sa mga ito ng nasabing katangian.
Iba’t ibang positibong bunga ang dulot ng resilience tulad ng pagkatagumpay, at napatunayan ito ni Werner matapos niyang masundan ang mga kabataan ng tatlumpung taon. Maliban doon, ang resilience ay nagtutulay rin sa kasiyahan kung ang isang tao ay naging kuntento at matagumpay sa kanyang mga layunin.
Ang ugnayan ng resilience sa kalidad ng kasiyahan ay malinaw na hindi maikakaila. Sa kaso ng mga Pilipino, ang aming katatagan ay napatunayan na nang paulit-ulit gaya na lamang nang magkaroon ng bagyong Yolanda, isa sa pinakamalakas na bagyo na naitala. Ang Yolanda, o mas kilala na Haiyan, ay kumitil ng humigit-kumulang na 7,000 na buhay. Sa kabila ng taglay nitong lakas, hindi natinag ang tatag ng mga Pilipino sa pagkawala ng bilyon-bilyong halagang ari-arian.
Kumalat ang mga larawan ng mga Pilipino sa bayan ng Tacloban sa internet at nakaani ito ng papuri mula sa iba’t ibang ng lahi. Naipahayag ang imahe ng mga Pilipino na tumutulong sa kapwa Pilipino at kamasid-masid ang kanilang katatagan, maging sa pag-ngiti sa gitna ng trahedya. Naitala sa $12 bilyon ang naging pinsala ngunit tila naging numero lamang ito sa mata ng mga Pilipino. Kung ang kanilang mga pamilya ay ligtas, lahat ay maayos at mayroon silang dahilan upang maging masaya — isang malinaw na indikasyon na para sa mga Pilipino, ang pamilya ay napakahalaga.
Sanggang-dikit na relasyon ng pamilya
Ang pamilyang Pilipino ay katangi-tangi sa mga bansang kanluran. Sa bansang tulad ng Estados Unidos, kapag umabot na sa edad na 20 o 21, inaasahan na ang isang tao na bumukod sa pamilya o mag-aral sa unibersidad nang wala o kahit maliit na tulong lang mula sa magulang. Ito ay mas laganap sa mga bansang may magandang ekonomiya hindi tulad sa Pilipinas.
Maaring may negatibong epekto itong dala ngunit hindi naman masisisi ang mga Pilipino dahil nakasanayan na ang pagpapanatili ng mahigpit na relasyon sa ating mga pamilya. May mga Pilipinong bumubukod sa oras na magpakasal sila at magsimula ng kanilang sariing mga pamilya. Subalit kadalasan, naninirahan pa rin ang karamihan sa kanilang mga magulang kahit may sariling pamilya na sila. Ang siste ng mga Pinoy ay mayroong isang malaking lugar or compound kung saan sama-sama ang pamilya ngunit nakabuklod ito sa iilang mga bahay.
Sa Pilipinas, nakagawian rin na samahan ating mga magulang lalo na sa kanilang pagtanda at ang solusyon para dito ay hindi kailan man naging home for the aged, kundi, manatiling magkakasama ang mga kaanak.
Ang ganitong sistema ay maituturing na mahirap ngunit ito ay isang paraan kung paano napapanatili ng mga Pilipino ang kanilang kasiyahan. Iba ang saya ng pamilyang Pilipino. Mas marami, mas masaya, ika nila — kaya naman karaniwan na sa atin na makita na nakatira kasama ang aming mga tiyo, tiya at iba pang kamaganak.
Mapag-bigay halaga ang mga Pilipino sa kanilang mga pamilya. Napatunayan na ito sa maraming paraan — ultimo ang kaibigan ng ating mga magulang ay naituturing nating tiyo at tiya. Maluwag tayo sa pag-turing sa mga tao bilang pamilya, kahit na ba ito ay hindi natin kakilala. Subukan mong pumunta sa isang lugar at maririnig mo na ang matatanda doon ay tatawagin ng lolo at lola kahit hindi nila kakilala ito. Sa ibang kultura, wala ang ganitong klaseng pag-tanggap sa ibang tao ngunit sa mga Pilipino, ang ganitong pakikitungo sa tao ay isang indikasyon ng kanilang pagiging magalang at natural na pagiging malapit sa tao.
Maka-pamilya at hindi materialistiko
Sa isang TED Talk, si Robert Waldinger na isang psychiatrist ay nagbigay ng katanungan: “Ano ang nagpapanatili sa atin na malusog at masaya sa paglipas ng ating buhay?” Sinagot niya ito sa pamamagitan ng isang pag-aaral mula sa Harvard University — maituturing na pinakamatagal na pag-aaral sa buhay ng isang taong may edad na.
Sa loob ng 75 years, sinubaybayan ng henerasyon ng mga tagasaliksik ng Harvard ang halos 2,000 kalalakihan hanggang ang bilang ay naging 60. Kabilang sa pag-aaral ay ang mga kabataan na nag-aral sa nasabing unibersidad 75 na taon na ang nakalilipas at pati na rin ang mga pinakamahihirap na kalalakihan sa Boston. Tumanda ang mga ito, tinahak ang iba’t ibang daan sa buhay at naging mga abugado, doktor, trabahador sa pagawaan at pag-gawa ng bahay at maging ang isa ay naging pangulo pa ng Estados Unidos. Sinagot nila ang isang tanong na matagal nang ninanais sagutin ng sangkatauhan at matapos ang libo-libong mga sagot nila, napag-alaman na ang sagot.
Hindi salapi o kasikatan, ang nakapagpapasaya ng tunay sa isang tao ay ang mga relasyon na mayroon siya sa iba.
Sa madaling salita, ang relasyon natin sa ibang tao ang siyang nakapagbibigay saya at lakas sa atin, at ganito rin ang eksaktong pananaw ng mga Pilipino. Karamihan man sa amin ay maaring sukdulan sa hirap o di kaya’y nagtitiis lamang na manirahan sa barong-barong ngunit sagana kami sa pagmamahal at relasyon sa aming pamilya. Nadadagdagan pa ito ng katangiang katatagan. Kaya naman para sa mga Pinoy, ang mga pinaka-importanteng bagay sa mundo ay hindi naman pala mga bagay.