(This article was originally published in 2019 but is still very relevant)
Ito ang Metropolitan Manila, ang kapital na rehiyon ng Pilipinas na binubuo ng 24.3 milyong tao, at isa sa 37 lamang na megacity sa buong mundo.
Ang megacity ay isang urban na area na binubuo ng populasyong lumalagpas sa 10 milyong tao. Ito ay isang area, ibig sabihin ito ay maaaring binubuo ng maraming mga syudad na nagsama-sama gaya ng Metro Manila na binubuo ng 16 syudad, o nag-iisang syudad lamang gaya ng Tokyo. Unang nagamit ang salita noong 1900s, kung saan ginamit ito ng United Nations upang tukuyin ang isang syudad na mayroong lagpas sa 8 milyong taong naninirahan. Sa ngayon, ang megacity ay gumagamit ng hanggangan na 10 milyon.
Ayon sa National Geograhic, mayroon lamang na tatlong megacity noong 1975: ang New York, Mexico City, at Tokyo. Noong 2005, tatlumpu’t limang taon ang makalipas, umabot na ang bilang nito sa 20. Ang Manila ay unang naitala bilang megacity noong 2000, ika-18 syudad na napasama sa lista. Sa parehong time span na tatlumpu’t limang taon, ang Manila ay nakaranas ng paglaki ng populasyon na umabot sa 2.54 porsyento, mas mataas sa average na paglaki ng mga populasyong urban sa mundo na nsa 2.4 porsyento lamang. Hindi rin nakagugulat na naitala ng World Urban Project na ang mga syudad na nakaranas ng parehong pagtaas ng bilang ng populasyon ay kabilang sa mga bansang papaunlad pa lamang gaya ng Dhaka sa Bangladesh, Lagos sa Nigeria, Delhi sa India, Karachi sa Pakistan, Jakarta sa Indonesia, at Mumbai sa India.
Sa ngayon, mayroong 37 megacity sa buong mundo, 23 dito ay mga syudad na matatagpuan sa Asya. Sa katunayan, ang limang pinakamaraming populasyon sa listahan ay nasa kontinente. Ito ay binubuo ng Tokyo-Yokohama, Jakarta, Delhi, Manila, at Seoul-Incheon na mayroong populasyong 37.9 milyon, 31.8 milyon, 26.5 milyon, 24.3 milyon, at 24.1 milyon.
Mula sa limang nabanggit, ang Manila ang may pinakamataas na population density. Ang kabuuang lawak ng lugar ay tinatayang nasa 1,790 kilometro kwadrado, ibig sabihin umaabot ng 13,600 kada kilometro kwadrado ang density ng populasyon dito.
Malaking Problema
Ang biglaang pag-usbong ng Manila ay maaaring isang magandang oportunidad para sa bansa dahil sa naidudulot nitong paglago sa industriya at ang pagdami ng mga banyagang nagtatayo ng opisina at negosyo rito. Ngunit, ito ay nagdala rin ng maraming problema para sa gobyerno tulad ng biglaang pagdami ng mga walang tirahan at iskwater, kahirapan sa seguridad at pagdami ng krimen, paglala ng trapik at polusyon, pati na rin ang iba pang mga problema sa kapaligiran. Malaki man ang naitutulong ng Manila para sa paglago ng ekonomiya ng bansa, hindi naman ito nakatutulong para sa mga Pilipinong naninirahan dito.
Ayon kay Gil-Hong Kim, isang infrastracture expert sa Asian Development Bank, ang mga syudad ay nangangailangan ng mga pinuno na marunong magpatupad ng isang hangarin upang ito ay maging matagumpay. Sa loob lamang ng 17 taon, ang Manila ay umangat mula sa ika-18 hanggang sa ika-5 bilang pinakamalaking megacity sa mundo. Dahil diyan, maaari nating masabi na hindi ito napag-isipin o napagplanuhan ng gobyerno. Sa katunayan, ang malaking populasyon ng lugar ay bihirang mapag-usapan sa bansa, at mas lalong bihirang mabanggit bilang isa sa mga problema nito.
Isinaad ng McKinsey Global institute na ang paglaki ng mga urban na syudad ay nakabase saa abilidad nitong ma-maximize ang mga oportunidad ng lugar sa pinakamurang paraan. Kung hindi maayos na mapangangalagaan, malaki ang tyansa na maghirap lamang ito.
Slums
Dahil sa pagiging sentro ng bansa, natural na nakapapang-akit ng tao ang Manila. Maraming mga galing sa probinsya ang pumupunta sa syudad upang magtrabaho dahil mas maraming oportunidad ang makikita rito. Ang ganoong gawain ay nakatutulong sa mga nakapagtapos ng pag-aaral o di kaya’t mga propesyonal. Samantalang ang mga walang maayos na pinagaralan ay napipilitang maging katulong o pumasok sa mga trabahong kinakailangan ng manwal na lakas, habang ang iba naman ay nananatiling walang trabaho.
Ang mga mahihirap sa Manila ay tinatawag na urban poor, mas magandang terminolohiya para sa mga iskwater at illegal settlers. Tinatayang aabot sa 4 na milyon ang mga urban poor sa Manila. Hindi na ito nakapagtataka. Ang syudad ay halos 0.5 porsyento lamang ng kabuuang lupa ng bansa samantalang ang bilang ng mga nakatira rito ay aabot sa 24 porsyento ng kabuuang populasyon ng bansa.
Isa sa mga pinakamalaking problema ng mga nakatira sa iskwater ay ang kawalan ng tubig at kuryente, pati na rin ang sanitasyon at iba pang pangunahing pangangailangan. Ang kanilang mga tirahan ay gawa sa mga bagay na madaling masira o mabulok tulad ng mga sirang plywood o cardboard. Patong patong at dikit dikit ang mga kabahayan, kaya naman mabilisan ang pagkalat ng mga nakakahawang sakit tulad ng tuberculosis, diarrhea, at dengue.
Krimen at Seguridad
Ang ideal na ratio ng bawat pulis sa tao ay 1:500. Noong 2012, nag-propose si dating Interior Secretary Mar Roxas na abutin ang ratio, ngunit ayon sa Philippine National Police, imposible itong maabot dahil sa mga budget cut at hirap sa pag-recruit ng mga bagong kapulisan. Idagdag mo ito sa milyon milyong Pilipino na nagugutom at walang ibang makapitan kundi mga krimen, at mayroon ka nang isang lugar na may hindi kapani-paniwalang taas ng krimen.
Lahat ng mga lumalaking komunidad ay nakararanas ng pagtaas sa dami ng krimen, ngunit ang mga urban na lugar ay mas mabilis na nakararanas nito dahil sa pagdami ng mga tao na may iba’t ibang kalagayan sa buhay. Sa karamihan ng mga megacity, ang pagnanakaw ang pinakamaraming kaso ng krimen. Sumusunod dito ang pagpatay, panggagahasa, at mga krimen at aksidenteng buhat ng mga sasakyan.
Ang mga mahihirap na lugar sa Manila ay isa sa pinakadelikadong luagr sa bansa. ito ay nagsisilbing breeding ground para sa mga adik at drogista, at lungga ng mga mobs at organized crimes.
Trapik
Sa probinsya, ang 26 kilometrong byahe ay tinatayang aabot ng isang oras. Ang parehong distansya sa Manila ay aabot ng kalahating araw o higit pa. Hindi na ito nakapagtataka. Normal na sa Manila ang walang katapusang trapik at matagal na pila ng mga sasakyan na halos hindi gumagalaw, lalo na sa kahabaan ng EDSA.
Ang pampublikong transportasyon ng Manila ay magulo at hindi disiplinado. Ito ay binubuo ng sobrang daming sasaknyan na humihinto, nagsasakay, at nagbababa ng pasahero kung kailan nila gusto. Binubuo ito ng napakaraning jeepney at sira-sirang mga bus. Sa kahabaan ng EDSA, 226 na iba’t-ibang kompanya ng bus ang bumabaybay rito samantalang may 1,122 pa na bumabyahe sa iba’t-ibang parte ng syudad. Ngunit, ang mga ito ay hindi pa rin sapat upang ma-accomodate ang milyong tao na nakatira sa lugar.
May dalawang railway system ang Manila – ang light rail transit (LRT) at metro rail transit (MRT). Subalit, ang mga ito ay masyadong siksikan at umaabot pa sa punto na hindi makagalaw ang mga pasaherong nasa loob ng mga kart, lalo na tuwing rush hour. Ang malala pa riyan, upang makasakay lamang kinakailangan mo na mag-antay sa napakahabang pila na minsan ay umaabot pa sa isang kilometo ang haba.
Ang pagdami ng mga pamilyang gumagamit ng mga sasakyan ay nakadaragdag din sa problema ng trapik sa lugar. Ayon sa Land Transportation Office (LTO), ang nilang ng mga mayroong kotse sa Manila ay tumaas mula sa 1.7 milyon noong 2008 hanggang sa 2.1 milyon noong 2015. Ibig sabihin, ito ay tumaas ng 26 porsyento sa loob lamang ng pitong taon.
Tinatayang nasa 1,000 oras kada taon ang nasasayang sa paghihintay ng normal na commuter sa Metro Manila. Ito ay 700 oras na mas mahaba kumapara sa mga commuter sa ibang lugar. Ayon sa Japan Internation Cooperation Agency, umaabot ng halos 3 bilyong piso ang nawawala sa bansa kada araw dahil lamang sa trapik. Kung iisipin, ang perang nawawala sa bansa ay maaari na sanag magamit para sa mga bagay na makapagpapaunlad sa bayan.
Ano ang magagawa natin
Ang pinakasimpleng solusyon ay ang pagtigil ng migrasyon ng mga tao papuntang Metro Manila, ngunit sa katunayan hindi ito ganoon kasimple. Upang mapigilan ang mga tao sa paglipat, kinakailangan maging mas maganda ang pamumuhay sa kanikanilang mga probinsya. Ibig sabihin, kailangang magkaroon ng mga oportunidad at trabaho sa mga mas maliliit na syudad. Kailangan ring paunalrin ang mga ito upang makatulong sa ekonomiya ng bansa.
Ang gobyerno ay kinakailangang gumawa ng paraan upang mapanasiwaan ang Manila. Kailangang magkaroon ng mga batas at ordinansya na kayang isagawa at hindi lamang maganda sa papel, lalo na sa isyu tungkol sa trapik at transportasyon. Importante rin na magkaroon ng mga pabahay at relokasyon para sa mga mahihirap, at magbukas ng mga oportunidad upang mapaganda ang kondisyon ng kanilang pamumuhay. Ang mga problema ng mga megacity ay isang malaking hamon para sa gobyerno, ngunit kung mapaglalaanan ng tamang serbisyo at pondo hindi ito imposibleng malutasan.