Sa mga nakalipas na taon, ang globalism ay nakatagpo ng karaniwang diwa sa iba’t ibang lahi at nasyonalidad. Sa katunayan, ang paglipat at paninirahan sa isang banyagang bansa ay naging isang perpektong pagkakataon upang maunawaan at magbuo ng isang bagong paraan ng pamumuhay.
Sa pamamagitan ng pamumuhay sa ibang bansa, natuklasan ng maraming Pilipino kung paano lumabas ang kanilang tunay pagkaPilipino nang walang labis na pagsusumikap, sa halip na hanapin ang kanilang pagkakakilanlang Pilipino. Ayon kay Rica Facundo ng Rappler, ang buhay sa ibang bansa ay nagtulak sa kanya na magtanto sa mga magkakaibang bagay na naglalarawan kung sino siya bilang isang Pilipino.
“Ang pagmumuhay sa ibang bansa ay nagpapaalala sa ating mga kalakasan at kahinaan na nagmula sa kulturang Pilipino — mga katangian na maaari nating gamitin at trabahuhin upang maging mas mahusay na mga Pilipino para makipagtagisan sa globalisadong ekonomiya, mga aral na maaari nating baunin kapag bumalik na tayo sa ating bansa,” sabi ni Facundo.
Sa loob ng maraming henerasyon, ang mga Pilipino na may mga propesyonal na ambisyon at mga layunin sa kanilang mga karera ay pinipili na umalis sa Pilipinas upang matiyak na magkakaroon sila ng mas magandang kinabukasan. Mula noong ’70s, ang pangingibang bansa ay ang pinakaseguradong paraan upang umunlad, upang makakuha ng mas malaking sahod at makamit ang anumang layunin nila sa buhay, ayon sa Wall Street Journal. Ito rin ay naging solusyon ng mga nawawalan ng pag-asa na natatakot mabaon sa kahirapan.
Ngunit habang naghahangad sila ng magagandang oportunidad o pagkakataon at kinabukasan sa ibang lugar, umaalis sila na may dalang mabibigat na maleta na hindi lamang napunan ng kanilang mga gamit kundi pa na rin ng mga kuwento ng pamilya, mga kaibigan, ng pag-asa at pangarap.
Hindi man ako naninirahan sa isang banyagang bansa ngunit nasaksihan ko kung paano iniwan ng aking ate ang Pilipas para manirahan sa Canada. Ang paghahatid sa kanya sa airport ay isang nakakalungkot na pangyayari. Sa katunayan, gustong-gusto ko siyang pigilan sa kanyang pag-alis ngunit sino ba ako upang hadlangan ang kanyang mga pangarap?
Sa unang pagkakataon pagkatapos niya manirahan sa Canada sa loob ng limang taon, nagkita kami ng aking kapatid noong umuwi sila sa bansa noong May 2015. Nakita ko rin ang aking bayaw at dalawang pamangkin na babae. Nang panahong iyon, ang aking ate ay buntis sa kanilang pangatlong anak. Ang pagkikitang iyon ay tila panaginip lamang ngunit ang talagang tumatak sa akin ay nang makita ko ang mga pagbabago sa kanyang pamumuhay sa ibang bansa. Ang aking kapatid at ang aming ina, na nanirahan sa Canada sa loob ng dalawang taon, ay palaging nagsasabi na ang buhay sa ibang bansa ay hindi madali. May mga hadlang na kailangang pagtagumpayan at mga paghihirap na dapat tiisin.
Samantala, ang mga nakasulat sa ibaba ay ang personal na kuwento at karanasan ng aking kapatid na si Inah Mae B. Chavez, na kasalukuyang naninirahan sa Canada.
Madalas nating maririnig sa mga tao na nagsasabing, “Buti ka pa nasa Canada, ako kaya?” o “Wow! nasa Canada ka? Mayaman kana cguro, dami mo nang pera, pautang naman?” Ang mga salitang ito ay hindi mailalarawan ang katotohanan at realidad. Sa palagay ko, ito ay isang pamantayan ng mga Pilipino na may mga kakilalang nagtatrabaho o naninirahan sa ibang bansa — maaaring ito ay isang kaibigan o isang kamag-anak, itinuturing nila itong mga mayaman o nabubuhay sa karangyaan. Ngunit taliwas ito sa katotohanan.
Ang Canada ay isa sa mga bansa kung saan gustong tirhan o puntahan ng karamihan na mga Pilipino. Madalas nilang naririnig ang tungkol sa suporta at mga benepisyo na inaalok ng bansang ito. Ngunit nakaranas ba kami ng mga paghihirap noong dumating kami dito? Oo, syempre.
Kahit na ang Canada ay isang bansa ng iba’t ibang uri, kailangan pa rin nating maging mapagkumbaba upang matanggap nila tayo. Bilang isang imigrante, kailangan nating matutuhan at tanggapin ang kanilang kultura upang makapagtrabaho tayo nang magkakasuwato. Bilang isang Pilipino na naninirahan dito sa loob ng 7 taon, nakikita ko ang iba’t ibang mga paghihirap ng aking kapwa mga kababayan.
Ang pagpupunyagi namin ay hindi lamang pisikal kundi pati na rin emosyonal. Kailangan din naming iwan ang aming mga pamilya at ang iilan sa amin ay iniwan pati ang kanilang mga anak sa Pilipinas upang magkapagtrabaho at masuportahan ang mga ito. Habang ang karamihan sa amin ay nagtatrabaho ng higit sa isang hanapbuhay, mayroon ding mga Pilipino na masuwerteng nagtatrabaho sa mga malalaking kumpanya at kumikita ng malaki.
Gayunpaman, wala masyadong pagkakaiba dahil nagpapadala o nagbibigay pa rin kami ng pinansiyal na tulong at suporta sa aming mga pamilya sa Pilipinas. Iyan ay isang bagay na ang iilang Canadians ay gustong malaman. Dito, tinuturuan nila ang kanilang mga anak na magsasarili sa murang edad, isang katangian na gusto kong ituro sa aking mga anak.
Noon, naiisip ko na ang pagkuha ng isang digri mula sa isa sa mga pinakamahusay na mga unibersidad sa Pilipinas ay maaaring magbigay sa akin ng magandang trabaho sa isang malaking kumpanya ngunit ito ay hindi nangyari dito. Noong una akong dumating dito noong 2011, handa akong humarap sa mga hamon ng pagiging isang imigrante (nasa ilalim ako ng spousal sponsorship). Ang aking asawa na mas naunang dumating kaysa sa akin ay nagbigay sa akin ng maikling pananaw kung ano ang aasahan at ako ay handa para sa mga hamon.
Maaari kong sabihin na isa ako sa mga masuwerteng tao noong dumating ako rito dahil mayroon akong sariling bahay na matitirhan at kami ay may sapat na ipon (salamat sa aking asawa na nakapagtrabaho sa isa sa mga nangungunang kumpanya sa pagmamanupaktura dito at sa parehong kumpanya na pingnagtrabahuhan noon sa Pilipinas). Ang pagtratrabaho sa Canada ay medyo mahirap, may tinatawag silang “Canadian Work Experience” na hindi pamilyar sa atin. Upang magkaroon ng karanasan sa Canada, ang ilang mga imigrante ay gagawa ng mga “volunteer work” upang maging pamilyar sa kultura at inaasahang trabaho bago mag-apply.
Ang ilan sa amin ay nagpasya na mag-aral dito upang mapahusay o madagdagan ang kanilang kaalaman sa kani-kanilang mga larangan. Meron ding nag-aaral ng mga bagong kurso na mas kinakailangan ngunit lahat ay may magkatulad na layunin — upang makakuha ng isang magandang trabaho na may sapat o malaking sahod. Ang iilan sa amin ay mapalad ngunit may iilan ding hindi.
May mga Pilipino na palipat-lipat ng trabaho sa loob lamang ng maikling panahon. May mga tao din na hindi makahaanap ng mga tamang trabaho na talagang gusto nila kaya sila sumusuko at umaalis.
Makalipas ang dalawang buwan na pamamalagi sa Canada, nakatanggap ako ng trabaho bilang Finance Associate ng Call Center ng isang nangungunang retail store dito. Batay sa aking karanasan, ang mga tagapag-empleyo ay kadalasang nagtatanong ng mga sitwasyonal na katanungan sa panahon ng mga panayam (salamat sa aking siyam na taon ng mga karanasan sa pagtatrabaho sa Pilipinas kaya nakuha ko ang posisyon).
Ang komunikasyon o pakikipag-usap sa iba ay naging isang hamon sa akin dahil hindi ako komportable na magsalita ng Ingles sa harap ng mga Canadian na magagaling sa wikang Ingles. Naiisip ko kasi na baka pagtawanan nila ako o baka magkamali ako sa pagbigkas ng mga salita at dahil sa ako lng ang nagiisang Asyano sa aming grupo. Naalala ko nung ako’y nasa Pilipinas pa, ang pagsasalita ng Ingles ay ginagawa lamang sa klase o kung obligado kami. Kaya, wala akong kumpiyansa kahit na nag-aral ako ng American English bago dumating dito (dumating akong handa tulad ng isang girl scout).
Sa paglipas ng panahon, ang mga takot at pag-aalala ay hindi naging totoo at naisip ko na mali ako. (Marahil, dahil sa kapraningan ko.) Araw-araw, kinakausap ako ng aking mga kasamahan sa trabaho, kahit na mga simpleng tanong lamang. Nais din nilang mas makilala ako nang mabuti at nagpakita sila ng interes sa bansa na pinanggalingan ko.
Nagulat din ako na alam nila ang tungkol sa mga magagandang tanawin sa Pilipinas. At isang araw, sinabihan nila ako na mahusay daw ang pagsasalita ko ng Ingles na para bang sanay na sanay akong magsalita nito. Ngunit nang sabihin ko sa kanila na ang mga Pilipino ay nagsasalita ng iba’t ibang dialekto, sila ay nagulat.
Simula noon, naging umpisa na iyon ng aking magagandang karanasan sa pagtatrabaho. Noong panahon na nagpasya silang ilipat ang call center sa Pilipinas, naging tagapayo nila ako. Ngunit mayroon ding iilang sagabal dito. Sa katunayan, may maririnig ka na nagsasabi na kung paano namin kinuha ang mga trabaho mula sa kanila. Maaari mong marinig ang mga reklamo nila tungkol sa kung paano at bakit namin nakuha ang mga trabaho sa halip na sa kanila mapunta.
Ang pamumuhay dito ay isa pang hamon na kinakaharap namin. May mga Pilipino na nakatira sa mga basement ng kanilang mga kababayan habang naghahanap pa sila ng trabaho. At dahil wala kaming mga kapamilya o kamag-anak na naninirahan sa amin, ang pagkakaroon ng mga anak ay mahirap din. Kailangan naming magpasya kung sino sa amin ang hindi magtrabaho para maalagaan ang aming mga anak o di kaya gumastos ng pera para sa daycare. Sa aming pamilya, ako ang nagpasyang iwan ang trabaho pagkatapos ng apat na taon upang maalagaan ko ang aming tatlong anak. Maaari din kaming mag-sponsor ng isang miyembro ng pamilya tulad na lng sa nangyari sa ang aking ina na nabigyan ng pagkakataon na manirahan sa Canada sa loob ng dalawang taon at ito ang pagpunta at pamamalagi niya dito ay malaking tulong sa amin.
May mga pagkakataon na bumabaling ang aking isip sa nakaraan at pinaghahambing ang aming buhay dito at doon sa Pilipinas. Kung nanatili kami roon, nagbago kaya ang aming mga buhay? O kami nga ba ay namumuhay sa Canada upang marating ang aming mga pangarap? Ang pagiging malayo sa aming mga pamilya ay nagpapalakas sa aming kalooban. Ang pagpaplano para sa bakasyon ay tumatagal ng maraming buwan upang paghandaan ang mga gastos. Ngunit kung iisipin ng mabuti, ang mga hamon na naranasan naming ay hindi panghabangbuhay kundi ito ay mga pagsubok lamang para hindi kami sumuko ay mawalan ng pag-asa sa pag-abot naming sa aming mga pangarap at upang mabigyan ng magandang kinabukasan ang aming mga pamilya.
Para sa amin, ito ay isang panibagong buhay! Ang bawat araw ay isang hamon na dapat naming harapin ngunit bilang mga Pilipino, kami ay determinado at masisipag na indibidwal — na tiyak nagpapaiba sa atin mula sa ibang mga lahi.