27.3 C
Manila
Wednesday, September 11, 2024

Kahihiyan at Kapighatian: Ang Masalimuot na Kuwento ng mga Kalapating Mababa ang Lipad

Ang prostitusyon ay isa sa mga pangunahing at laganap na mga isyu na sinusubukan lutasin at ayusin ng pamahalaan ng Pilipinas sa loob ng maraming taon. Sa katunayan, ang bansa ay may internasyunal na imahe bilang isang “sex destination,” at ito ay dahil sa presensya ng mga Amerikanong militar sa panahon at pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Ang prostitusyon (pagbabayad sa sex o pagbebenta ng katawan para sa sex) ay itinuturing na ilegal o labag sa batas pero ito ay tinatanggap ng lipunan. Sa katunayan, tinataya ng mga awtoridad na ang bilang ng mga prostitute sa bansa ay nasa pagitan ng 500,000 hanggang 800,000. Ang nakalulungkot, ang kalahati sa mga ito ay pinaniniwalang mga menor de edad.

Sa Pilipinas, ang prostitusyon ay tila’y naging pangkaraniwang kalakal na madalas at lantarang inaalok sa mga bar, Karaoke bar (KTVs), massage parlor, bahay-aliwan o casas, sa mga lansangan at escort service. Ang mga prostitute ay may tatlong uri: 1) mga babaeng nagtatrabaho sa mga bahay-aliwan o casa at kinokontrol ng mga bugaw at mga may-ari ng bahay-aliwan; 2) mga babaeng nagtatrabaho bilang mga waitress, singer, dancer o guest relations officers at kontrolado ng mga may-ari ng kanilang pinagtatrabahuan; at 3) mga tinaguriang “freelancers” na nagtatrabaho sa mga lansangan upang personal na naghahanap ng mga customer o mga kliyente.

Ang prostitusyon sa bansa ay nagbibigay serbisyo sa parehong mga lokal at dayuhang customer. Ayon sa Coalition Against Trafficking of Women, may tinatayang 15,000 na Australyano ang bumibisita sa Angeles City (o ang tinatawag na Sin City ng Pilipinas) taun-taon para sa mga sex tour. Maraming mga Amerikano, Briton at iba pang mga kalalakihan mula sa Europa ang sumasali rin dito. Habang ang mga Asyano tulad ng mga Intsik, Taiwanese at Koreans ay pumupunta sa mga karaoke bar at restaurant sa kalunsuran.

Ayon sa dating U.S. Ambassador sa Pilipinas na si Harry K. Thomas Jr., 40 porsiyento ng mga kalalakihang turista ay pumupunta sa Pilipinas para sa sex. Dahil sa tinatawag na sex tourism, ang ilang mga lungsod kabilang ang Olongapo City at Subic Bay sa Zambales, Angeles City sa Pampanga, Legazpi City sa Albay at Pasay City sa Metro Manila ay tinaguriang mga lugar na may mataas na bilang ng prostitusyon sa bansa. Ang Olongapo City at Angeles City ay naging napaka-tanyag dahil sa mga Amerikanong militar sa Subic Bay Naval Base at sa Clark Air Base.

Ang ibang mga panturistang lugar tulad ng Cebu ay kilala rin sa reputasyon nito pagdating sa prostitusyon. Bukod pa rito, ang Baguio City ay isa din sa mga nangungunang panturistang lugar sa bansa kung saan laganap ang prostitusyon at ito ay may tinatayang 3,000 sex workers na nagtatrabaho doon, ayon sa ulat ng Philstar.

Mga Dahilan Bakit Maraming Kababaihan ang Naakit sa Prostitusyon

Marahil, ang pinakamadalas na tinatanong natin sa ating mga sarili ay kung bakit ito nangyayari sa napakaraming mga kababaihan sa bansa o kung bakit pinipili nila ang ganitong klase ng trabaho sa halip na maghanap ng mga disenteng mapapasukan. At sa tanong na ito, alam na natin ang pangkaraniwang sagot — KAHIRAPAN.

Sa mas malalim na konteksto, gayunpaman, ang paglaganap ng prostitusyon sa Pilipinas ay hindi lamang maiuugnay sa isang dahilan lamang at ang kahirapan ay isa lamang sa mga ito. May iba pang mga pangunahing at importanteng kadahilanan kung bakit ang prostitusyon ay naging pangkaraniwan sa

maraming mahihirap na kababaihang Pilipino at kabilang dito ang saloobin o pananaw ng mga mamamayan patungkol sa pera, mga kultural na salik at ang panlipunang pagtanggap sa prostitusyon ng maraming Pilipino.

Batay sa ilang mga survey, 34 porsiyento ng mga kababaihan na pinasok ang prostitusyon ay nagsasabi na kanilang pinili ito dahil kailangan nilang suportahan ang kanilang mahihirap na mga magulang, habang ang 28 porsiyento ay nagsasabing ito ay paraan upang suportahan ang kanilang asawa o kasintahan at 8 porsiyento naman ang nagsasabi na ginagawa nila ito para suportahan ang ang kanilang mga kapatid. Sa kasamaang palad, 20 porsiyento lamang ng mga kababaihan ang nagsasabi na kumikita sila ng sapat sa ganitong uri ng trabaho. At higit sa 30 porsiyento ng mga kababaihan ay nakakaranas ng karahasan o panggigipit mula sa pulisya, mga opisyal ng lungsod at mga mambubutang o gangster.

Ang kanilang mga Kuwento

Ang mga prostitute ay kadalasang tinuturing bilang mga taong walang pinag-aralan, makasalanan at maninira ng pamilya dahil sa uri ng kanilang trabaho. Ngunit ayon sa isang dating prostitute na si Liza Gonzales, ang mga patutot o prostitute ay talagang “mga biktima” ng iba’t ibang pangyayari o karanasan. Binigyang diin ni Gonzales na ang iilang kababaihan ay mga biktima ng panggagahasa o incest, habang ang iba ay naloko at naakit ng mga ilegal na recruiter na nangakong mabibigyan sila ng magandang trabaho.

Isang magandang halimbawa ay ang kuwento ni Andrea, isang 14-taong-gulang na batang babae mula sa Cagayan de Oro na napilitang pumasok sa prostitusyon upang tulungan ang kanyang pamilya. Tulad ng karamihan sa mga prostitute o mga kalapating mababa ang lipad, kahirapan din ang nagtulak kay Andrea para pasukin ang mundo ng prostitusyon. Bilang panggitnang anak sa siyam na magkakapatid, naramdaman ni Andrea ang responsibilidad sa paghahanap ng pera kahit sa napakamurang edad.

Ang kanyang ama ay isang pedicab drayber habang ang kanyang ina ay isang maybahay. Ngunit dahil sakitin ang kanilang ina, napilitang huminto sa pag-aaral sina Andrea at ang kanyang mga kapatid dahil hindi sapat ang kinikita ng kanilang ama upang tustusan ang gastusin ng pamilya. Kung minsan, may mga pagkakataon na sila ay natutulog na lamang para makalimutan ang kagutuman.

Dahil sa kanilang mahirap na kalagayan, naging desperado si Andrea na kumita ng pera para sa kanyang pamilya. Ito ang dahilan kung bakit nung alokin siya ng kanyang kaibigang babae (na may parehong edad sa kanya) kung siya ay handang magbenta ng kanyang pagkadalaga kapalit ng pera, pumayag si Andrea kahit ayaw na sa ideyang iyon.

Nang ikuwento ni Andrea ang kanyang unang karanasan, malinaw na ang inosenteng batang babae ay nabulag sa halaga ng P1,000 ($20) na inalok sa kanya ng mga kliyente kapalit sa pakipagtalik o sex. Dahil ang halaga ay higit sa pangangailangan niya, si Andrea ay naglalagi sa mga lansangan gabi-gabi upang maghanap ng mga customer at at makipagtawaran. Ayon sa batang babae, ang kanyang unang karanasan sa pakikipagtalik ay nangyari sa isang 40-taon gulang na lalaki. “Ako ay naging paralisado sa takot. Siya ay malaki kaya dinugo ako,” sabi ni Andrea sa World Vision Philippines.

Noong panahong iyon, kumikita si Andrea ng P1,500 ($30) bawat linggo at para sa kanya, ito ay napakalaking halaga ng pera. Sinabi rin niya na ang ilan sa kanyang mga kaibigan ay ginagawa ang pagbenta ng kanilang mga katawan halos bawat gabi ngunit para sa kanya, itong ay magagawa niya

lamang minsan o dalawang beses sa isang linggo dahil ang pakiramdam niya siya ay isang napakaruming babae.

Dahil sa hindi niya mapigilan ang kanyang damdamin sa tuwing nakikipagtalik siya sa kanyang mga kliyente, nagsimulang gumamit si Andrea ng solvent upang lunorin ang sakit at kahihiyan na nadama niya. Ayon kay Andrea, ang paggamit ng solvent ay naging paraan ng paglimot sa kanyang pinagdaraanan.

Sa kasamaang palad, si Andrea ay hindi lamang ang nag-iisang biktima ng prostitusyon sa kanilang pamilya dahil ang kanyang tatlong nakababatang mga kapatid na babae (na may edad 13, 11 at 8) ay napilitang din ibenta ang kanilang mga katawan. Ang dahilan? Ayon sa kanyang mga kapatid, kailangan nila ng pera upang mabuhay. Sa kabutihang palad, nailigtas sina Andrea at ang kanyang mga kapatid na babae at sa kasalukuyan sila ay nasa pangangalaga ng isang silungan para sa mga batang biktima ng prostitusyon sa kanilang lugar.

Bukod kay Andrea, isa pang biktima ng prostitusyon ay si Gina, isang 22-anyos na dalaga mula sa Bacolod City. Siya ay ikaanim na anak sa 12 magkakapatid at ang kanyang ama ay nagtatrabaho bilang isang construction worker habang ang kanyang ina ay isang maybahay. Siya ay lumipat sa Olongapo City dahil sa paguudyok ng kanilang nakatatandang kapatid na babae na kasalukuyang naninirahan doon.

Si Gina ay nagtatrabaho bilang saleslady sa isang lokal na mall at kumikita lamang ng pinakamababang sahod. Ngunit nung matapos ang kanyang kontrata, siya ay naghanap ng ibang trabaho at di kalauna’y namasukan sa isang bar na tinatawag Catwalk, kung saan ang karamihan sa mga customer ay mga dayuhan, Bulatlat iniulat.

Bilang bahagi ng kanyang trabaho, kailangan ni Gina na “sumayaw, uminom at mag-aliw” ng mga customer at para kumita ng P250 ($5). At kung oorder ang customer ng ladies’ drinks na nagkakahalaga ng P150 ($3), siya ay makakatanggap ng P50 ($1).

Sa nasabing bar, ang isang kakaibang tampok ay ang basket na puno ng mga plastic na bola na inilalagay sa bawat mesa. Ayon kay Gina, ang isang customer ay maaaring bumili ng basket sa halagang P250 ($5) at kung ihahagis ng mga customer ang mga bola sa kanila, makakatanggap sila ng P20 ($0.40) sa bawat bolang tatama sa kanila.

Kahit hindi ipinaliwanag ni Gina kung ano ang nagudyok sa kanya para pasukin ang ganitong uri ng trabaho, binigyang-diin niya na ang pamamasukan niya sa isang bar ay pansamantalang trabaho lamang. Bukod kay Gina, marami pang mga kababaihang Pilipino, kabilang ang mga ina, na pinipiling ibenta nag kanilang katawan upang kumita ng pera.

Pagtanggap ng Lipunan, Ignoransiya at Kawalang-interes

Sa ibang nagmamalasakit na Pilipino, ang paglaganap ng prostitusyon sa Pilipinas ay sadyang nakakabigo. Ito ang mapait na katotohanan na sinusubukang itago ng pamahalaan upang hindi makita ng nakararami. Gayunman, mahirap ang manghusga dahil ang mga kababaihang ito ay may kanya-kanyang pinagdadaanan hirap sa buhay. At sa isang bansang lubog sa kahirapan at kawalan ng trabaho, ang desperasyon at kawalang pag-asa ay mahirap sugpuin.

Marahil, ang problema ay hindi lamang nakasalalay sa ating pamahalaan. Dahil sa panlipunang pagtanggap, ignoransiya, at kawalang-interes natin, hinahayaan na lamang natin ang paglaganap ng isyung ito. Dahil sa pagtanggap ng mga Pilipino sa prostitusyon, nagtataka ang aking boss na si Ginoong

Robert J. Dornan, isang Canadian na may-akda, pilantropo at may-ari ng PhilippineOne website kung bakit marami ang tila’y walang pakialam sa problemang ito. Sa kanyang sariling artikulo na may pamagat na, “3F’s, Lost Girls and the Usual Useless Excuses,” isinalaysay ni G. Dornan ang kanyang sariling karanasan at obserbasyon tungkol sa prostitusyon sa ating bansa nang bumisita siya dito kamakailan lamang. Sa katunayan, tinanong niya ang isang taxi drayber tungkol sa sariling saloobin nito sa pagkalat ng mga batang Pilipina na binebenta ng kanilang mga katawan sa mga dayuhan para kumita ng pera at ang sagot na nakuha niya ay ang karaniwang katwiran — kahirapan.

Nang sabihin niya sa amin ang tungkol sa kanyang mga obserbasyon at tinanong kung kami ay nagagalit tungkol dito, nahiya ako dahil nakita niya ay ang malungkot na katotohanan na nangyayari sa ating bansa. At tama siya na tayo ay mayroong responsibilidad upang protektahan at iligtas ang ating mga kabataan at mga kababaihan ngunit napaisip ako sa aking sarili at nagtanong, “Siyempre, nagagalit tayo pero ano nga ba ang magagawa natin? Sino ba tayo para husgahan sila?

Ngunit bigla kong napagtanto na ang gustong ipahiwatig ni G. Dornan ay kung ipagsawalang-bahala na lang ba natin ang pagsasamantala ng mga dayuhan sa ating mga kabataan at kababaihan. Magiging bulag, pipi at bingi na lang ba tayo at ikibit-balikat ang problemang ito?

Hinihimok ni G. Dornan ang mga Pilipino para baguhin ang sitwasyon at ipaglaban natin ang ating mga kababayan. Sinasabi niya sa atin na kailangan nating pigilan ang pagtanggap sa pagsasamantala ng mga dayuhan sa ating mga kababaihan. Alam ko na hindi magagawa ng iisang tao o organisasyon lamang ay pagpapahinto sa lumalagong problemang ito ngunit kung tayo ay magkakaisa, walang rason na hindi natin kayang sugpuin ang salot ng prostitusyon. Subalit ang tanong ngayon — Handa nga bang ipaglaban ng mga Pilipino ang kanilang mga kababaihan? Hanggang saan ba natin kayang makipaglaban para sugpuin ang prostitusyon?

written by Kristine Joyce Belonio of Bacolod. This article was published in 2018 but is still relevant today. Can we work together to end this curse on Filipinos?

Related Articles

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

- Advertisement -spot_img

Latest Articles

Join us today!

Get access to exclusive content

Are you ready to take your experience to the next level? Unlock a world of exclusive benefits by joining our premium content community. As a member, you'll gain access to a wealth of valuable resources, tailored specifically for you.