Ang mga Overseas Filipino Workers (OFW) ay tinaguriang mga bagong bayani sa Pilipinas. Isa sa mga rason sa pagkilala ng kadakilaan ng mga OFW ay ang katotohanan na ang pag-unlad ng ekonomiya ng bansa ay dahil sa pagpapadala nila ng pera sa kanilang mga pamilya dito sa Pilipinas.
Batay sa datos mula sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA), ang pinakamaraming OFW ay nasa Saudi Arabia. Kabilang rin sa mga popular na destinasyon ang mga bansa sa Gitnang Silangan at Timog Silangang Asya tulad ng United Arab Emirates (UAE), Singapore, Qatar at Kuwait.
Ayon sa Rappler, ang pandarayuhan sa Gitnang Silangan ay nagsimula noong dekada ’70 kung saan pinahintulutan ng mga bansang mayayaman sa langis ang pagkuha sa mga tinatawag na “guest workers.” Subalit noong 1975, nakita ang pagagos ng mga Pilipino na nagsimula magtrabaho sa ibang bansa matapos ang implementasyon ng “Development Diplomacy” ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Habang maraming Pilipino ang naghahanap ng mas magandang pagkakataon sa mga banyagang lugar, nananatili pa rin ang katotohanan na karamihan sa kanila ang humaharap din sa maraming pagsubok at paghihirap kapalit ng mga mas magandang oportunidad sa ibang bansa. Ang iba sa kanila ay nakakaranas din ng diskriminasyon, pang-aabuso at pang-aapi habang ang iba naman ay nakukulong o namamatay. Ngunit sa kabila ng mga paghihirap, ang pagiging matatag ng mga Pilipino at magandang katangian ng pagiging mapagsakripisyo ang nangingibabaw upang mabigyan ng magandang kinabukasan ang kanilang mga pamilya at mahal sa buhay.
Pagiging isang OFW
Ang buhay ng mga OFW ay nailarawan na ng maraming pelikulang Pilipino. Sino nga ba ang makakalimot sa mahusay na pagganap ni Batangas Rep. Vilma Santos-Recto bilang isang ina at OFW sa pelikulang “Anak?” Sa nasabing pelikula, ang mga paguusap ng mga karacter ay tumagos sa mga puso ng mga Pilipino, lalo na nung sinabi nya na, “Bakit pag ang lalake ang nagbigay ng damit, pagkain, sasabihin ng mga tao ‘Aba mabuti siyang ama’ pero pag ang babae, kasama na pati pusot kaluluwa hindi pa rin sapat?”
Isa pang nakalulungkot na katotohanan ng mga OFW ay nailarawan din sa pelikula. Sa paghaharap ng mag-ina, naipahayag ng karacter ni Santos ang mga hinanakit ng bawat inang OFW na naging estranghero sa kanilang mga anak. Ang dyalogong, “Habang nilulustay mo ang perang pinapadala ko, sana maisip mo rin kung ilang pagkain ang tiniis kong hindi kainin para lang makapagpadala ako ng malaking pera rito. Sana habang nakahiga ka diyan sa kutson mo, natutulog, maisip mo rin kung ilang taon akong natulog mag-isa habang nangungulila ako sa yakap ng mga mahal ko. Sana maisip mo kahit kaunti kung gaano kasakit sa akin ang mag-alaga ng mga batang hindi ko kaano-ano samantalang kayo, kayong mga anak ko hindi ko man lang maalagaan. Alam mo ba kung gaano kasakit iyon sa isang ina? Alam mo bang gaano kasakit iyon? Kung hindi mo ako kayang ituring bilang isang ina. Respetuhin mo man lang ako bilang isang tao,” ay tila totoo.
Kaya para magkaroon tayo ng mas malawak na kaalaman tungkol sa mga karanasan ng mga OFW at para mas mabatid natin kung bakit kailangan natin sila dapat bigyan ng angkop na paggalang at konsiderasyon, nagsagawa ako ng panayam sa isang OFW na si Richard Degojas, na nagtrabaho sa Gitnang SIlangan sa loob ng mahigit tatlong taon.
Ang bawat OFW ay may iba’t ibang kuwento pero tila lahit sila ay may magkakatulad na kadahilanan kung bakit sila ay napipilitang mangibang bansa — at ito ay dahil sa kahirapan. Kaya kapag tinanong mo kung ano ang nagudyok sa kanila para lisanin ang bansa, ang iahon sa kahirap ang pamilya ay wari’y naging karaniwang sagot.
Kapalit ng paghihirap at pangungulila, maraming OFW ang nakikipagsapalaran para makahanap ng mas magandang oportunidad sa ibang bansa. Ngunit maliban sa malaman ang mga karanasan ni Richard, ang panayam na ito ay naglalayong magbigay ng mas malalim na pag-unawa at pananaw tulong sa mga bagong bayani ng ating bansa ngayon.
Ang mga nakasulat sa ibaba ay ang pag-uusap naming ni G. Richard Degojas.
Tanong: Ano ba ang nagtulak sa iyo para mangibang bansa at bakit?
Richard Degojas: Mayroon akong determinasyong ituloy ang pagtatrabaho sa ibang bansa dahil sa kahirapan at paghahanda sa kinabukasan ng aking pamilya. Nagpasya din ako na iwan ang Pilipinas para humanap ng mas magandang oportunidad at karanasan.
T: Ano ang ayaw at gusto mo sa paninirahan at pagtatrabaho mo sa ibang bansa? Mayroon ba kayong anumang di malilimutang karanasan?
RD: Habang nasa ibang bansa, nagustuhan ko ang pagkakataon na magkaroon ng magandang oportunidad at mahasa ang aking kasanayan at karanasan. Ngunit, hindi ko nagustuhan ang klase ng klima sa Gitnang Silangan, kung saan sobrang mainit kapag tag-init at sobrang lamig kapag tag-lamig. Isa rin sa mga hindi ko nagustuhan ay ang kapootang panlahi (racism) doon kung saan pakiramdam ng ibang lahi ay mas nakalalamang sila sa mga Pilipino. Di ko rin makalimutan ang karanasan ng diskriminasyon sa kung paano ako tratuhin ng aking amo at ng ibang lahi doon.
T: Makalipas ang ilang taon na mapalayo sa iyong pamilya at mga mahal sa buhay, alam kong ang unang pag-uwi mo ang siyang pinakasinabikan mo. Subalit, karamihan sa mga OFW ay nagsabi na nakaramdam sila ng paninibago na tila’y naging estranghero sila sa kanilang sariling bansa, Nakaranas ka rin ba nang ganun o naging estranghero ka ba sa iyong pamilya at mga kaibigan?
RD: Naiintindihan ko ang pakiramdam na ganun pero masuwerte ako na hindi ko naranasan na maging parang estranghero sa aking pamilya at mga kaibigan. Salamat sa tulong ng makabagong teknolohiya, nakakatawag at nakakausap ko ang aking pamilya sa kahit anong oras, kahit kalian at kahit saan.
T: Ang mga OFW ay pinipili na magtrabaho sa ibang bansa para may makamit sa buhay. Ano ba ang iyong mga layunin at malapit mo na bang maabot ang mga ito?
RD: Ang aking mga layunin sa pagtatrabaho sa ibang bansa ay para sa pag-aaral ng aking anak at para magkaroon ng desenteng tirahan at sapat na ipon para sa mga negosyo at investment sa hinaharap. Subalit, ito ay patuloy ko pa ring inaabot.
T: Habang nasa ibang bansa, paano ba ang pagpaplano ng iyong pag-uwi sa Pilipinas?
RD: Batay sa aming kontrata, mayroon kaming pribilehiyo sa isang-buwang bakasyon na may bayad bawat taon. Ngunit, ang paguwi ay nakasalalay kung may ipon na kaming naihanda para sa bakasyon, kung saan karaniwan ay umaabot ng ilang buwan.
T: Ang buhay at karanasan ng pagiging isang OFW ay dapat maging daan din para ikaw ay mapabuti bilang isang tao. Habang ang kasiyahan ay sariling desisyon natin, naging masaya ka ba sa mga narating mo sa buhay? At anong uri ng pamumuhay ang iyong hinahangad matapos ang iyong pagtatrabaho sa ibang bansa?
RD: Oo naman, naging masaya ako kahit may mga paghihirap at pagsasakripisyo. Sa uri ng pamumuhay na gusto ko, hinahangad ko na maging isang negosyante at ang magtrabaho dito sa sarili nating bayan. Dahil para sa akin, hindi ko pa rin pagpapalit ang pamumuhay dito sa Pilipinas.
T: Bilang pagtatapos, ano ba ang iyong masasabi sa mga Pilipinong naghahangad din mangibang bansa para magtrabaho?
RD: Kung may mga oportunidad naman dito, mas maganda ang manatili pa rin sa sariling bayan kaysa magtrabaho sa mga banyagang lugar.
Habang nakikinig ako sa mga karasan ni Richard, wari’y napakasimple lang ng kanyang pinagdaanan. Ngunit binigyang-diin nya na kailanman ay hindi naging madali ang buhay nya sa Gitnang Silangan. Pero bilang isang matatag at determinadong Pilipino, kakayanin nya ang lahat ng paghihirap at pagsasakripisyo para sa kanyang pamilya at mga mahal sa buhay.
Kahit na may mga bagay-bagay na ang mga OFW lamang ang makakaintindi, ang kuwento ni Richard ay nagbigay daan, kahit papano, na maintindihan kung bakit pinili o kinailangan nilang lisanin ang Pilipinas at kung bakit sila ay tinaguriang makabagong bayani ngayon.