Ito ang naging paksa namin ng isa kong dating kakilala nang aksidente kaming magkita. Kaanib na siya ng isang malaking organisasyon o sektang pangrelihiyon na naniniwalang si Kristo ay isang tao lamang.
Marami kaming napagkuwentuhan hanggang sa madako ang aming paksa tungkol sa relihiyon. Inanyayahan niya akong dumalo minsan sa kanilang pagtitipon.
Doon ko tinanong ang tungkol sa pundasyon ng kanilang paniniwala. Ayon sa kaniya, si Kristo ay hindi Diyos at isang tao lamang na Siyang nagtatag ng Iglesia. Open-minded ako tungkol sa iba’t ibang paniniwalang panrelihiyon. Iginagalang ko ang tradisyon at paniniwala ng lahat. Ang hindi ko lamang nagustuhan sa kakilala ko ay ang paraan ng pagpapahayag niya ng kaniyang paniniwala. Maaari kang mapagliwanag tungkol sa paniniwalang panrelihiyon mo, ngunit upang manira ka pa ng ibang sekta at tapakan ang paniniwala ng iba, ibang usapin na iyon. Ang KAWALANG RESPETO SA PANINIWALANG PANRELIHIYON NG IBA ay isang napakalaking KAMALIAN.
Kaya naman for the sake of argument, ipinaliwanag ko kung bakit pinaniniwalaan ng ibang relihiyon na si Kristo ay Diyos at hindi lamang tao.
Ipinakita ko sa kaniya ang dala kong bag. Tinanong ko siya kung ano ang hawak ko. Sumagot naman siya na bag at sinabi ang brand nito. Sunod kong ipinakita ang suot kong belt. Tinanong ko siya kung ano ito. Sinabi niya na sinturon at kagaya ito ng brand ng aking bag. Tinanong ko siya kung ano ang pinagkaiba ng dalawang bagay na ipinakita ko. Sabi niya, ang unang ipinakita ko ay bag, at ang sumunod ay belt. Tapos ay tinanong ko siya kung ano ang brand ng mga bagay na ipinakita ko sa kaniya. Sumagot siya na parehas ang mga ito ng brand. Samakatuwid, ang bag at belt ay magkaibigang bagay. Magkaibang-magkaiba ang kanilang kayarian at kalagayan. Ngunit, parehas sila ng brand. Hindi dahil hindi ko maisusuot sa baywang ko ang bag na dala ko ay hindi na nangangahulugan na hindi ito magkatulad ng brand. At hindi dahil hindi ko mapaglalagyan ng mga gamit ang belt, hindi rin nangangahulugan na hindi ito magkatulad ng brand. Ang punto: ang bag at belt ay parehas ng brand, bagama’t magkaiba sila ng kalagayan.
GAYUNDIN SI KRISTO. Oo, siya ay nagkatawang tao, ngunit hindi nangangahulugan na nabawasan na ang Kaniyang pagka-Diyos.
Ginamit ng Banal na Espiritu Santo ang isang tao upang lahian at magkaroon ng laman ang isang “Diyos”. Pero, hindi nangangahulugan na nabawasan na ang pagka-Diyos ni Kristo nang dahil lamang nagkatawang-tao Siya. Nag-assume siya ng laman ng isang mortal upang makapamuhay siya sa daigdig na ito. Kung paanong ang isang astronaut ay nagsusuot ng space suit upang maka-adapt siya sa environment ng space, gayundin, kinailangan ng Diyos na magkaroon ng laman ng isang tao upang mabuhay siya sa planet Earth. Kinailangan niya ng physical body upang maka-adapt sa physical realm ng mga tao na kailangan ng oxygen, kumain at uminom. Ngunit, ang nasa loob ng laman o katawang-lupa ay walang iba kundi Diyos pa rin. Si Kristo ay nananatiling Diyos sa ibang kalagayan!
Pagkatapos kong magpaliwanag, hindi na muli pang binanggit ng aking kaibigan ang kaniyang paanyaya na dumalo ako sa kanilang pagtitipon.
Tunay na mahiwaga ang sansinukob. Sa totoo lang, maraming teorya ang tumatalakay tungkol sa Diyos. May ilang teorya na nagsasabing ang Diyos ay mga extraterrestrial being na mula sa malayong kalawakan na minsang bumisita sa planet Earth. Mayroon ding nagsasabi na ang Diyos ay bunga lamang ng imahinasyon ng mga tao na naghahanap ng masasandigan at matatawagan ng tulong sa oras ng pangangailangan.
Para sa akin, hindi mahalaga kung ano ang pananaw o tingin mo sa Diyos. Isa akong Katoliko at iginagalang ko ang mga tradisyon at paniniwalang nakamulatan ko, Ngunit may sarili akong pananaw tungkol sa Diyos. Para sa akin, hindi mahalaga kung sino Siya, o kung ano Siya. Ang mas mahalaga ay ang bukas na ugnayan mo sa Kaniya. Anuman ang itawag mo sa Kaniya; ano mang kaparaanan mo ipakita ang paggalang at pagpupugay sa Kaniya, ang mahalaga ay naniniwala ka sa puso mo na may isang makapangyarihang puwersa sa buong sansinukob. Higit sa lahat, gumawa ka ng tama para sa iyong kapuwa. Sapagkat sa dakong huli, hindi naman ang relihiyon mo ang susukat ng iyong pagkatao. Kundi ang iyong sariling GAWA. Palasimba ka nga, pala-attend ka ng mga bible study, at kung ano-ano pang panrelihiyong aktibidad, pero bumabalong naman sa bibig mo ang mga salitang nakakasakit sa iyong kapuwa tao; nanlalamang at nantatapak ka ng iba; wala ring kabuluhan ang iyong pagiging relihiyoso.
Kaya ang punto ko rito, MATUTONG GUMALANG NG PANINIWALA NG IBA. Wala sa atin ang may karapatang husgahan ang pananaw ng iba tungkol sa relihiyon. Sapagkat ang paniniwala sa Diyos ay PERSONAL NA BAGAY. Dahil sabi nga, ang Diyos ay nasa puso lamang natin.