ni Geraldine Monzon
“RIGOOOOOOO!”
Ang ubod lakas na sigaw ni Rain ay halos bumasag sa teynga ni Rigo. Parehong nasa edad beinte dos.
“Rain, ano bang problema mo? Hindi mo ba nakikita, natutulog ako!”
“Nakita ko, kaya nga ginigising kita eh, diba sabi mo sasamahan mo akong mamili ng paninda sa Divisoria?”
Napakamot ng ulo si Rigo.
“Teka muna naman besty, tingnan mo nga ang oras, alas singko ng madaling araw, tulog pa mga tindera don!”
“Anong tulog, 24 hours sila do’n, puro pinagpilian na ang makukuha nating paninda kung magpapatanghali pa tayo kaya, tara na, bangon ka na diyan!” sabay hampas ni Rain ng unan sa kaibigan.
“Oo sige na, magkakape lang ako susunod na’ko.”
Inirapan ni Rain ang binata bago lumabas ng kuwarto nito. Siyang pasok naman ni Aling Nora (nanay ni Rigo)
“Nay sa susunod nga wag mong papapasukin ng kuwarto ko ang babaeng ‘yon, iniistorbo ang pagtulog ko eh.”
“Sa susunod din, ‘wag kang mangangako sa bestfriend mo. O siya, bangon ka na at ipinagtimpla na kita ng kape.”
Sa Divisoria.
Huminto sa paglalakad si Rain at napatitig sa display ng damit sa estante ng sarado pang botique shop.
“Rigo, tingnan mo oh, yung dress na matagal ko nang gustong bilhin naka-sale!”
“Kaya naka-sale kasi walang bumibili, tagal tagal na niyan dyan eh, ibig sabihin pangit kaya walang magkagusto!”
“Ganun ba yun?”
“Oo, naku, tara na nga, baka maubusan ka ng mga sariwang gulay.”
Habang naglalakad ay nakalingon pa rin si Rain sa damit.
Sa bangketa pumupuwesto si Rain bitbit ang bilao ng paninda niyang mga gulay. May talong, okra, kangkong at kung anu-ano pa. Ito ang raket niya tuwing bakasyon at ang napagbentahan ay iniipon niya para sa kanyang kolehiyo. Habang si Rigo naman ay suma-sideline sa isang isdaan kung saan nagbubuhat naman siya ng mga banyera ng isda sa Navotas. Pero kapag gusto niya lang. Elementary pa lang ay matalik na silang magkaibigan. Kung ihahanay sa mga pangkaraniwang dalaga sa kanilang lugar ay nasa average lang ang maamong mukha at balingkinitang katawan ni Rain. Si Rigo naman ay may maganda ring pangangatawan, hindi dahil sa banat sa trabaho kundi dahil mahilig lang siyang mag-ehersisyo. Ang totoo ay may taglay na katamaran sa katawan si Rigo. Kabaligtaran ng kasipagan ni Rain.
Isang umaga. Nagulat si Rain nang magpulasan ang mga tindera sa bangketa.
“Putek, ayan na naman sila!” bulong ng dalaga sa sarili.
Ang tinutukoy niya ay ang mga pulis na nanghuhuli sa mga nagtitinda sa bangketa. At kabilang si Rain doon kaya kasama rin siya sa mga tinderang nakikipagpatintero sa mga pulis.
Nang bigla siyang mapatid sa isang lubid. Nabitawan niya ang isang bilaong paninda. Buti na lang at napakapit siya sa kotse kundi ay tuluyan na siyang bumagsak sa semento. Bumukas ang bintana ng kotse at sumungaw ang mukha ng isang guwapong binata.
“You need help?”
Natulala si Rain. Hindi agad siya nakasagot. Mabilis na binuksan ng lalaki ang kotse at ipinasok siya sa loob.
“You’re safe here.”
“S-Salamat…” halos pabulong na sagot ni Rain.
“By the way, my name is Darrell. And you are?”
“Rain…”
Nag-alinlangan pa si Rain na makipagshake hands sa binata. Pero naghihintay ito kaya’t iniabot na rin niya ang kamay niya.
Galit na galit naman si Rigo nang malaman ang nangyari.
“Ano, nagtago ka don sa kotse tapos may kasama kang lalaki na hindi mo kilala?”
Naupo sa hagdan ng bahay nila si Rain.
“Pasalamat nga ako at may nagmagandang loob na tulungan ako.”
“E pa’no kung masamang tao pala yon?”
“E kaso hindi nga, saka wala naman akong choice, kundi ako pumasok sa kotse niya baka nasa kulungan pa rin ako ngayon at naghihintay na mapiyansahan ni nanang.”
Siyang lapit ng nanang ni Rain sa kanila.
“O sige na, tama na ang pagtatalo, magmerienda na muna kayo.”
Habang nagmemerienda ay dinampot ni Rain ang Horoscope Magazine at binasa ang kanyang kapalaran.
“Rat- Sa ibang tao ka nakatingin subalit ang tunay na nagmamahal sa’yo ay nasa tabi mo lang. Ikaw ang magpapaibig sa kanya at magpapabago sa kanyang pagkatao…hmmm.”
Napatingin si Rain kay Rigo.
“Hoy dahan dahanin mo naman ang pagkagat ng tinapay para kang mauubusan, mabulunan ka dyan eh.”
“Yaan mo na, may juice naman eh.” Tatawa-tawang sabi ni Rigo.
Ang pagkakaibigan sa pagitan nina Rain at Darrell ay nagsimula. At nagsimula ring umasa si Rain sa isang fairy tale.
Nakasalubong ni Rigo si Rain sa pag-uwi nito mula sa pagtitinda.
“O, nagtitinda ka na rin ba ng prutas?”
“Hindi, bigay sa’kin ‘to ni Darrell, dumaan siya sa puwesto ko kanina sa bangketa. At alam mo ba, sabi niya tutulungan daw niya ko na makakuha ng puwesto sa loob ng palengke para raw hindi na ako hulihin ng pulis!”
“Ano? Alam mo ba kung gaano kamahal ang mga pwesto sa palengke?”
“Alam ko naman eh, kaya nga tutulungan niya ko tapos huhulugan ko na lang siya kung kelan ako makaluwag.”
Sumimangot si Rigo.
“Rain, buti pa hanggang maaga iwasan mo na yan si Darrell, hindi maganda ang kutob ko diyan eh!”
“Asus, baka naiinggit ka lang kasi may bago na akong kaibigan na guwapo na, mayaman na at super bait pa!” pang-aasar ni Rain.
“Ewan ko sa’yo!” sabay talikod ni Rigo sa kaibigan.
Tumagal pa ang pagkakaibigan nina Darrell at Rain. Hanggang isang araw. Magkatabi silang naupo sa damuhan ng isang parke.
“Rain, may sasabihin sana ko sa’yo eh…”
“Ano ‘yon?”
“Okay lang ba kung…”
Deep inside ay kinilig si Rain. Parang alam na niya kung ano ang sasabihin ng binata. Tulad siguro ng mga napapanood niya sa pelikula at sa telebisyon. Yung magtatapat na ng pag-ibig niya ang lalaki sa babae. Kaya naman sobrang kaba niya.
“Okay lang na?” sabik na tanong ng dalaga.
Tumitig muna si Darrell kay Rain bago dinugtungan ang sinasabi.
“Okay lang ba na…ayain ko nang magpakasal ang gf ko?”
“M-may gf ka?”
“Actually ex ko sya, tapos mga one week pa lang mula nang magkabalikan kami…natatakot kasi ako na mawala ulit siya sa’kin kaya gusto ko na sanang pakasalan siya.”
Sobrag na-disppoint si Rain.Marami siyang gustong sabihin pero tila napipi siya sa sobrang sakit na naramdaman niya.
Nagulat si Rigo nang makita si Rain hawak ang isang karton na may nakasulat na for sale habang nakaupo ito sa hagdanan.
“O ano yan?”
“Napulot ko sa harap ng botique shop, nabili na yung damit na gusto ko…”
“E bakit pinulot mo pa yan?”
“Wala lang, naisip ko pwede rin kayang i-sale ang pag-ibig…o ang puso…para mawala nato sa’yo…para pagnabili na ng iba, hindi ka na ulit masaktan…pero may bibili kaya ng pag-ibig ko, diba sabi mo ang nilalagyan lang ng for sale ay yung di mabenta? Kasi pangit…”
Kinuha ni Rigor ang kartong hawak ni Rain.
“Ako na lang ang bibili, pero utang muna pwede?”
Napangiti pero sabay irap ni Rain sa binata.
Hinawakan ni Rigo ang kamay ni Rain.
“Bestfriend, natatandaan mo ba yung horoscope mo, yung nakatingin ka sa iba pero nasa tabi mo lang ang taong tunay na nagmamahal sa’yo? Na ikaw ang magpapaibig sa kanya at magpapabago sa kanyang pagkatao?”
“O-Oo, natatandaan ko…”
“Ako yun…at handa akong patunayan sa’yo…magbabago ako para sa’yo…at alam mo ba kung anong chinese zodiac ko?”
“Hindi.”
“Baka, Ox, ang compatible sa Rat. Parang ikaw at ako.”
Ikinagulat iyon ng dalaga.
Matagal na ligawan bago binitawan ni Rain ang matamis niyang oo para kay Rigo.
Sa muling pagpupulasan ng mga tindera sa bangketa. Dinampot ni Rigo ang bilao ni Rain at hinawakan ang kamay nito habang tumatakbo sila palayo sa mga pulis.
“Rain, ito na ang huling beses na tatakbuhan mo ang mga pulis!” ani Rigo habang patuloy sila sa pagtakbo.
“Bakit?”
“Dahil naipakiusap na kita kay Aling Sita na makipwesto sa pwesto niya, kapalit ng pagtulong mo sa kanya sa paninda rin niya.”
“Talaga?”
“Oo, at ako nakakuha na’ko ng trabaho sa isang fastfood tapos babalik na rin ako sa pag-aaral sa pasukan.”
“Wow, pinapahanga mo ko ha!”
Nang tuluyan silang makalayo ay nagpahinga sila sa isang waiting shed. Hindi pa rin binibitawan ni Rigo ang kamay ni Rain. Nang biglang bumuhos ang malakas na ulan.
“Rigo, ba’t hindi mo pa rin binibitawan ang kamay ko?”
“Wala akong balak bitawan ang kamay mo, lalo na kapag umuulan.”
“Ang korni haha!” sabay sandal naman ng ulo ni Rain sa balikat ng binata.
Rat and Ox- Maaari silang magsama ng matagal at masaya sa ilalim ng matrimonya ng kasal dahil sila ay compatible sa isa’t-isa.