Ang Desisyon ni Rain
EWAN ni Rain kung bakit ganoon na lang ang kabang nararamdaman niya. Pakiwari niya’y may hindi magandang mangyayari. Ganoong-ganoon din kasi ang naramdaman niya nu’ng second anniversary nila ni Karl.
Nang maisip niya si Karl ay lalo siyang kinabahan Naalala kasi niya ang koneksyon nito sa MAG Corner. Pinsan nito ang may ari ng publication na iyon at si Karl din ang dahilan kaya napasok siya roon.
“Hey, saan ka pupunta?” tanong ni Adrian.
Kahit kinakabahan ay hindi pa rin niya napigilan ang mapasinghap nang mapagmasdan niya ito. Simpleng t-shirt at maong pants lang ang suot nito pero napakalakas pa rin ng dating nito kaya naman hindi kataka-taka kung bakit maraming babae ang talaga namang humahanga at nababaliw dito.
“Sa MAG Corner.”
Kumunot ang noo nito. “Bakit ganyan ang hitsura mo?”
Kahit na hindi pa rin nawawala ang negatibong pakiramdam niya’y napangiti pa rin siya dahil kilalang-kilala siya nito. Bawat ekspresyon niya’y kabisado nito.
“Parang kinakabahan ako.”
“Why?”
“Baka nandoon si Karl kaya bigla-bigla ay pinapupunta ako sa opisina.” Kahit naman regular ang tinatanggap niyang sahod sa publication na iyon bilang photographer, hindi siya umapasok araw-araw. T-TH-S ang schedule niya at Friday pa lang.
“Sasamahan kita,” matigas na sabi ni Adrian.
“Okay. Hindi kotse ang gagamitin natin?” nasorpresang tanong niya dahil ang motor nito ang inilabas Ito ang kauna-unahang pagkakataon na iaangkas siya nito sa Harley Davidson nito.
Isinuot muna nito sa kanya ang helmet. “Coding.”
“Kaya, kumapit ka ng maigi.”
“Okay,” wika niya ng ilagay niya sa balikat nito ang kanyang kamay.
“Walang masama kung yayakapin mo ang iyong boyfriend,” nanunudyong sabi nito.
Sa tuwing sinasabi nito ang status ng kanilang relasyon, hindi niya maiwasan ang kiligin. Pakiramdam niya’y binubura nito sa isipan niya ang nakaraan niyang relasyon at ipinapalit ang mga alaalang binubuo nila ngayon.
Nang iyakap niya ang bisig sa katawan nito’y hindi niya napigilan ang mapangiti ng pagkatamis-tamis. Kahit nu’ng magkarelasyon na sila ni Karl ay hindi niya maiwasang pangarapin ang eksenang ito. Kaya naman matinding selos ang nararamdaman niya kapag may nakikita siyang babaeng umaangkas sa motor ni Adrian.
“Higpitan mo naman ang kapit baka mahulog ka.”
Sinunod niya ang sinabi ni Adrian. Hindi dahil sa natatakot siyang mahulog kundi dahil sa gusto niya talagang mayakap si Adrian kaya naman ang higit na ng yakap niya rito. Langhap na langhap din niya ang bangong ibinubuga ng katawan nito. Hindi lang dahil sa mamahalin nitong pabango pati na rin sa natural nitong amoy na nagpapagambala sa lahat ng senses niya.
“Baka naman maubos mo ang bango ko,” biro ni Adrian.
Kahit dama niyang nag-init ang kanyang pakiramdam, nakuha pa niyang sagutin ito. “Buti iyon para wala akong kaagaw.”
He laughed.
At napangiti siya. Ang tagal na kasi niyang hindi naririnig ang malutong nitong pagtawa.
SA tingin ni Rain ay talagang ini-expect ng lahat ang pagdating niya kaya lahat ng mata ay nakatuon sa kanya na para bang may ginawa siyang mali. Para tuloy mas kinabahan siya dahil kundi siya nagkakamali ay awa ang nakikita niya sa mga mata ng empleyadong naroroon. Hindi pa man ay parang nanlalambot na siya. Mabuti na lang at hindi siya pinabayaan ni Adrian na mag-isa. Sinamahan siya nito hanggang sa loob ng MAG Corner.
“Pumunta ka sa conference room,” sabi sa kanya ni Josey, ang secretaria ng may-ari ng publication — si Madam Mariel.
Tiningnan niya si Adrian.
“I’ll go with you,” matigas na sabi ni Adrian
“Eh Sir…”
Matigas ang boses ni Adrian nang magsalita. “Bakit hindi mo itanong sa amo mo kung sino si Adrian Fuentabella sa kumpanyang ito?” naghahamong sabi nito kaya natigilan ang babae.
Maging siya ay napamaang kay Adrian. “Let’s give them the dose of their own medicine.”
Hindi pa rin niya naiintindihan ang ibig sabihin ni Adrian hanggang sa buksan niya ang pintuan ng conference room. Kung saan tila may nagpa-party.
“Oh, here she is.” Natigilan sa pagsasalita si Madam Mariel nang makita nito si Adrian. “Anong ginagawa mo rito?”
“Sinamahan ko ang fiancee ko,” wika ni Adrian sabay akbay sa kanya.
Pinisil ni Adrian ang kanyang balikat na parang sinasabing hindi siya nito iiwanan at pababayaan kaya’t relax lang siya. “So, pinapunta ninyo dito si Rain para lang sabihin na ikakasal na si Karl kay Emily?” wika nito sabay sulyap sa banner na may nakalagay na Congratulations Karl and Emily, tapos sa ilalim noon ay ang ilang bandehadong kanin, putahe at pancit.
“Fiancee mo?” hindi makapaniwalang tanong ng isang sexy at maputing babae na sa tingin ni Rain ay pamilyar sa kanya. Hanggang sa maalala niyang isa ito sa mga nabaliw kay Adrian.
“Yes.”
“Sinungaling ka!” wika ni Karl. “Hindi pa kami break ni Rain.”
“Hindi pa tayo break pero magpapakasal ka na sa iba?” nahagilap sabihin ni Rain.
“Charade lang ang lahat, Rain,” wika naman ni Emily. “Isang palabas lang na iibigin ka ni Karl pero sa huli ay sasaktan. Sayang nga lang at hindi ka bumigay kagabi dahil kung nagkataon, kumalat na ang sex video ninyo.”
Sa sinabing iyon ni Emily ay parang nagkadurug-durog ang kanyang puso. Sobrang sakit ang kanyang naramdaman. Hindi dahil sa mahal na mahal niya si Karl kundi dahil sa tinraydor siya nito.
“Rain…” wika ni Karl.
Kumunot ang noo niya dahil nakita niya ang nagmamakaawang anyo ni Karl. Wari’y makikiusap pa itong pakinggan niya ito. Ngunit, anuman ang sabihin nito’y kailangan na niyang maging bingi.
Sa kaisipang nagsayang siya ng dalawang taon, bigla niyang nilapitan si Karl kahit pinipigilan siya ni Adrian. Nang makalapit siya kay Karl, iniwas nito ang mukha. Tiyak nihang inakala nito’y sasampalin niya, kaya, ganoon na lang ang gulat nito ng tuhurin niya ito.
“Your fired!” sigaw ni Madam Mariel.
Para namang kulog na umalingawngaw ang boses ni Adrian “And I will pull out all my investment at titiyakin ko ring walang kliyenteng makukuha ang kumpanyang ito.”
DAHIL sa ayaw ni Rain na ipaalam sa bahay ang nangyari ay pumayag siya sa suhestiyon ni Adrian na doon muna siya sa condo nito.
“Okay lang umiyak,” wika ni Adrian.
“Paano ako iiyak, eh, nakaganti na ako.” natatawa niyang sabi. “Sa lakas ng pagtuhod ko kay Karl, mahihirapan na siyang magkaanak.”
Napahagalpak nang tawa si Adrian. “Sorry sa nangyari.”
Kumunot ang kanyang noo ngunit hindi muna niya inintindi ang sinabi nito. Sa halip ay pinansin niya ang distasnsiya nila sa isa’t isa. Siya’y nakaupo sa may sofa samantalang ito’y nasa may pintuan. Tantiya niya’y tatlong dipa. “Para naman may nakakahawa akong sakit niyan, ang layo mo.”
Ngumisi ito “Gusto ko lang matiyak na hindi ka galit sa akin.”
“Bakit naman ako magagalit sa fiance ko?” malambing niyang tanong dito.
Ang bilis nang paglapit nito sa kanya. “Payag ka na magpakasal sa akin?” excited nitong tanong.
Napatitig siya rito. Kung umasta kasi ito’y parang mahal na mahal siya kaya gustong matali sa kanya.
“Tulad nga ng sinabi mo, tayo lang naman ang makapagtitiyaga sa isa’t isa at dahil sa pinagsamahan natin hindi natin magagawang lokohin at saktan ang isa’t isa. Mas maigi pa ngang tayo na lang ang magpakasal, tiyak pang matutuwa ang mga magulang natin saka tiyak na di mapupunta sa ibang tao ang Toy factory dahil tayong mga anak nila ang magmamana noon.”
“Nakalimutan mong idagdag ang pinakaimportante sa lahat.”
“Ano?” nagtatakang tanong niya habang nakatitig sa labi nitong pilyong-pilyo ang pagkakangiti.
“Siguradong maganda at pogi ang magiging anak natin.”
Sa sinabi nito’y biglang nanlaki ang kanyang mga mata. Bigla kasi siyang kinabahan. Ngunit hindi iyon sa takot kundi sa excitement.
“Tiyak na tiyak ‘yan,” nakuha pa niyang sabihin tapos biglang nag-flash sa kanyang isipan ang mga little Rain at little Adrian na naghahabulan habang sila ni Adrian ay magkaakbay na nagmamasid.
Muli, narinig niya ang pilyong tinig ni Adrian. “Para tuloy gusto ko na umpisahan ngayon.”
May kilabot kasi siyang naramdaman sa sinabi nito. Para siyang biglang gininaw at hindi niya iyon naramdaman nu’ng tinangka ni Karl na may mangyari sa kanila. Ngunit, bigla niyang naalala ang sinabi kanina ni Adrian Let’s give them the dose of their own medicine, na para bang may ideya na ito sa maaaring mangyari.
Ngunit, bago pa man siya makapagtanong ay sinagot na nito ang laman ng isip niya. “Friend ko pa si Emily nang mag-post siya ng picture nila ni Karl na sobrang sweet, inilagay pa niya sa profile niya kaya kinabahan ako. Ang bigla ko kasing naisip ay ang banta ni Emily dati na gagawin niya ang lahat para saktan ka . Noon pa man kasi pinagseselosan ka na niya. Kaya ka pinaibig ni Karl ay para masiyahan ang tunay niyang mahal — si Emily.” Marahas na paghinga ang pinawalan nito pagkaraan. Kaya, noon pa man ay hindi ko na gusto ang Karl na ‘yan para sa’yo. Kung hindi lang ako nakapagpigil talaga kanina…” anitong kumuyom pa ang kamao.
“Baog na siya, okay?”
“Hindi na talaga kita maipagkakatiwala sa kahit na sinong lalaki. Kaya sa ayaw mo’t sa gusto, sa akin ka magpapakasal.”
Nagniningning ang mga mata niya ng matitigan niya ito. “At wala na akong gugustuhing pakasalan kundi ikaw.” Awtomatikong napapikit siya nang bumaba ang labi nito sa kanyang labi.