25.5 C
Manila
Wednesday, September 4, 2024

My Best Friend Adrian: Chapter 4

Ang Pag-Level Up sa Relasyon nina Adrian at Rain

“ANO?” gilalas na gilalas na tanong ni Rain. Para kasing may granadang sumabog sa harapan niya ng mga sandaling iyon. Pakiramdam niya’y nagkapira-piraso siya tapos nabuong muli.

“Magpakasal tayo.” Paraang walang anumang sabi nito. Ang uri nga ng tonong ginamit nito ay iyong tipong nagyayaya lang kumain sa fast-food.

Hindi tuloy niya mapigilan ang mapantastikuhan. Hindi naman kasi ang tipo ni Adrian ang nagpapakasal. Kaya nga kailanman ay hindi niya ito nakitang nagseryoso sa isang relasyon. Kaya’t talagang gulat na gulat siyang gusto nitong magpakasal sila.

“Bakit ba tayo magpapakasal?” Nalilito niyang tanong kahit parang gusto ba niyang magsabi ng Oo, magpapakasal ako sayo.

“Dahil gusto na natin ang isa’t isa.”

“Love lang dapat ang dahilan kaya nagpapakasal ang dalawang tao,” paalala niya rito.

“Kung si Karl ba ang nagyaya sa’yo ng kasal eh magpapakasal ka na sa kanya?”

Hindi siya nakakibo. Para kasing sa puso niya kahit sila ni Karl ang magkarelasyon ay hindi pa rin niyang maaatim na magpakasal dito.

“No,” tiyak niyang sabi.

“Good. Ibig sabihin, hindi mo siya ganoon kamahal.”

“At hindi rin natin mahal ang isa’t isa.”

“Mag-best friends tayo kaya magagawa naman nating ibigin ang isa’t isa,” sigurado nitong sabi.

“Paano ka nakatiyak?”

“Dahil ikaw lang ang makakaya kong makasama sa buong buhay ko,” anitong titig na titig sa kanyang mga mata, tila nangungusap ang mga mata nito na paniwalaan niya.

Bata pa lang sila ay gustung-gusto na niyang titigan ang mga mata nito. Sobra kasi siyang nagagandahan doon pati na sa kilay nitong makapal at salubong.

“Enough na bang dahilan iyon?” duda niyang tanong.

“Ikaw ba ay may gugustuhin pang ibang lalaki na makakasama sa habambuhay?” Tanong niya sa halip sagutin ang tanong nito.

“No,” mabilis niyang sabi.

Maaari ngang inisip niyang gusto niyang pakasalan si Karl pero hindi sa kadahilanang mahal niya ito kundi dahil sa isipan niya ay iyon ang nararapat. Ito naman kasi ang kanyang karelasyon. Isa pa’y inakala niya na mabait ito at mapagkakatiwalaan pero sinira nito ang kanyang tiwala.

“Kaya dapat tayong makasal.”

“Mahal ba natin ang isa’t isa?”

“Nagmamahalan naman tayo. Maaari ngang nasa best friend level pa lang nu’ng isang araw pero kagabi napatunayan natin na pwedeng mag-level up ang nararamdaman natin sa isa’t isa. Hindi tayo maaapektuhan ng halik kung best friend lang talaga tayo.”

“Kahit naman sinong babae, hinahalikan mo.”

Tumawa ito. “May nahihimigan ba akong selos sa tono ng pananalita mo?” nanunudyo nitong tanong sa kanya.

Hindi siya kumibo. Ayaw niyang aminin ditong ‘oo’ ang kanyang sagot. Para ngang gusto niyang manakit kapag may nakikita siyang babaeng nagpi-flirt dito. Napahugot siya ng malalim na paghinga dahil pakiramdam niya’y iyon ang dahilan kaya napilitan siyang sagutin si Karl. Pilit niyang nilalabanan ang damdamin niya sa kanyang best friend.

“Bakit ikaw ba, nagselos kay Karl?”

“Paano kung sabihin kong oo?”

Napalunok siya. Sinalubong kasi nito ang kanyang mga mata. Para bang sinasabi nitong nasa mga mata nito ang katotohanan.

“BOLERO.pati ako binobola,” naiinis na sabi ni Rain saka sinunod-sunod ang pagsubo ng kanin at dinuguan. Mabuti na lang at umalis ang kanyang Yaya Marcela kaya walang pumapansin sa pagbulong-bulong niya at sa naiinis niyang pagkilos. Kapag nabubuwisit siya’y lumalakas ang kanyang pagkain ngunit kahit na pairalin pa niya ang katakawan ngayon ay hindi pa rin mawaglit-waglit sa isipan niya si Adrian Ang mga halik na kanilang pinagsaluhan ay paulit-ulit din nagpa-flash sa kanyang isipan.

“Sinong nambobola sa’yo?” Natatawang tanong ni Adrian.

Iningusan niya ito. “Nagtanong pa.”

Tawa lang ang sinagot nito sa kanya.

So, totoo nga? Binobola siya nito? Umiling siya pagkaraan. Kilala niya ito kaya alam niyang hindi nito iyon magagawa sa kanya.

“Anong ginagawa mo rito?” inis pa rin niyang tanong kay Adrian, nanghahaba ang nguso. Lalo lang siyang na-bad trip dahil nalingunan niyang tatawa-tawa si Adrian.

“Dinadalaw ko ang maganda kong girlfriend,” wika nito sabay pisil sa kanyang ilong kaya napalo niya ang kamay nito.

“Girlfriend?” gulat niyang bulalas agkaraan ng ilang sandali. “Girlfriend mo ako?”

“Hindi mo pa ako sinasagot ng sabihin ko sa’yong let’s get married kaya girlfriend pa lang kita at hindi pa fiancee. Hindi ko rin namang best friend pa ang status natin dahil nasarapan na tayo sa halik ng isa’t isa. Ah,” wika nito sabay nganga, nagpapasubo. Umupo na rin ito sa kanyang tabi.

Kahit naman naiinis siya rito ay hindi niya ito makuhang tanggihan. Paborito kasi nito ang dinuguan kaya dinamihan niya ang kanin at ulam sa kanyang kutsara. Nang makita nga niyang may itim sa gilid ng labi nito ay pinunasan pa niya iyon ng kanyang daliri.

“Ang sarap.” Nakangiting sabi ni Adrian. Nagniningning ang mga mata nitong nakatingin sa kanya, wari’y gustung-gusto nito ang kanyang ginawa. Siya naman ay napakurap-kurap. Para kasing natural na natural ang pagkilos niya kapag si Adrian ang kasama niya samantalang kay Karl ay parang lagi siyang nakatuntong sa numero.

“Ikukuha kita ng plato at kubyertos.”

Pinigilan nito ang kanyang kamay ng umakma siyang tatayo. “Ayoko. Mas gusto kong subuan mo ako.”

“Ano ka, baby?”

“Pwede na nga tayong gumawa ng baby.”

Sa sinabi ni Adrian ay biglang nag-init ang kanyang pakiramdam. Naalala ang halikan nila at alam niyang hindi lang halik ang gusto ng kanilang mga katawan.

“You’re blushing. Hindi ka rin pala ganu’n ka-immune sa kaguwapuhan ko,” wika nito sabay halakhak.

Gusto niya itong paghahampasin dahil napapahiya siya sa pinagsasasabi nito. Tapos naiinis pa siya dahil sa na miss niya ito ng husto. Ngunit, nang masalubong niya ang nagniningning nitong mga mata ay biglang natunaw ang plano. “Akala ko kinalimutan mo na ako,” sabi niya ng muli niya itong subuan.

“Pwede ba naman iyon?”

“36 hours ka ba namang hindi nagpakita,” buwisit niyang sabi.

Bilang na bilang mo,ah! Buong kasarkastikuhan niyang sabi sa sarili. Mula kasi nang umuwi sila galing Batangas ay hindi na ito nagpakita pa.

Hinalikan muna nito ang nanghahaba niyang nguso bago nagtanong. “Na-miss mo ba ako?” malambing niyang tanong.

Pinalo niya ito sa balikat. “Nagpa-miss ka lang, ano?”

“Siyempre,” wika nito sa kanya sabay kindat.

Shucks, pakiramdam tuloy niya’y ang bilis-bilis ng tibok ng puso niya ngayon.

Related Articles

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

- Advertisement -spot_img

Latest Articles

Join us today!

Get access to exclusive content

Are you ready to take your experience to the next level? Unlock a world of exclusive benefits by joining our premium content community. As a member, you'll gain access to a wealth of valuable resources, tailored specifically for you.