ni Geraldine Monzon
Childhood bestfriend sina Trixie at Vince. Kaya alam na alam nila ang likaw ng bituka ng isa’t-isa.
“Vince, mauna ka na ha.”
“Teka, anong mauna, bilin na bilin ng nanang mo na pagtapos ng klase ihahatid kita sa inyo.”
“Sus, para namang ngayon lang natin gagawin ‘to, sige na naman please, mag-uusap lang naman kami ni Hector, kakain ng fishball, tapos uuwi na rin.”
Napahugot ng malalim na buntong hininga si Vince. Kinapitan siya ni Trixie sa braso.
“Sige na please?” naglalambing na wika nito.
Kapag sumandal na ang ulo ni Trixie sa balikat niya ay wala na siyang magawa kundi pumayag sa kagustuhan nito.
“Ok fine, pero hanggang 4pm ka lang, hihintayin kita sa kanto at ihahatid kita sa inyo pag di ka tumupad sa usapan, hindi ka na makakaulit.”
“Opo.” Maluwang ang pagkakangiting sagot ni Trixie.
Nasa high school pa lang sila non. Dahil nag-aaral pa kaya bawal pang magboyfriend si Trixie. Pero laging nasa tabi niya si Vince para saluhin ang mga kalokohan niya. Hanggang sa maging ganap na dalaga at binata sila at makatapos pareho ng kolehiyo. Nasa tabi pa rin ni Trixie si Vince para maging tagapagtanggol niya sa lahat ng oras.
Hapon. Naabutan ni Vince si Trixie na nakapangalumbaba sa bintana ng bahay nila.
“O, anong ginagawa mo dito, nakapangalumbaba ka pa, malas ‘yan ah.”
“Si James kasi..”
“Si James na naman, ano na naman ba ginawa sa’yo ng walang kwenta mong boyfriend?”
Umupo si Vince sa tabi ni Trixie.
“May nagsabi sa’kin na nakita raw siya sa milktea haus na may kasamang ibang babae,…”
“O tapos, kinompronta mo, nag-away kayo, tapos dito sa akin ang takbo mo?”
Inis na tiningnan ni Trixie ang binata.
“E bakit, nagsasawa ka na ba sa pakikinig sa kuwento ko?”
“Hindi sa ganon, pero sana lang magsawa ka na rin sa kakapatawad don sa gago mong jowa, hindi ka naman mahal non e, ilang babae na ba ang dinala non sa milktea haus, ni hindi man lang siya nangiming magdala ng kung sinu-sinong babae don e alam naman niyang cashier don ang kaibigan nating si Emily.”
Natahimik si Trixie. Tama naman si Vince. Pero kapag sinuyo na siya ni James para siyang nahihipnotismo ng mga titig nito. Kung paano siya nainlab noon kay Hector ay parang naulit lang kay James ngayon.
“Buti pa magmerienda na lang tayo, treat kita dyan sa karinderya ni Aling Iska?” pukaw ni Vince sa saglit na pagmumuni-muni ni Trixie.
“Buti pa nga, nakakawala ng heartache yung pansit ni Aling Iska eh.”
“Susunod ikaw naman manlibre ha, dami mo ng utang sa’kin.” Biro pa ni Vince sa dalaga.
“Oo promise yan, pag ikaw naman ang na-heart broken” sabay halakhak ni Trixie.
Sa kabila nang madalas na pag-iyak ni Trixie dahil sa pagiging babaero ni James, umabot pa rin sila sa puntong…
“Pakiulit nga Trixie?” kunot noong tanong ni Vince.
Magkatabi silang nakaupo sa putol na punongkahoy sa tabing ilog nang ipagtapat ni Trixie ang isang mahalagang bagay kay Vince.
“Ang sabi ko…nagpaplano na kami ni Vince na magpakasal…” sabay pakita niya ng engagement ring nila.
Parang binuhusan ng malamig na tubig ang binata.
“Oh, hindi mo man lang ba’ko icocongratulate?”
Tumayo si Vince at bahagyang lumayo sa kaibigan.
“Trixie, pinag-isipan mo ba’to?”
“Kailangan pa bang pag-isipan kapag mahal mo ang isang tao?”
“Pero …”
Tumayo rin si Trixie at hinawakan sa kamay si Vince.
“Bestfriend, sa halip na magpero ka dyan, diba dapat maging happy ka na lang for me? At least mapapatunayan na sa’kin ni James na ako talaga ang mahal niya dahil pakakasalan niya ko, diba?”
Napailing na lang si Vince. Wala naman siyang choice e. Kahit deep inside ay may itinatago siyang lihim na pag-ibig para sa kanyang matalik na kaibigan, wala siyang magagawa kundi tulad ng dati ay sumunod sa kagustuhan nito.
Kaya naman sa araw ng kasal ni Trixie ay nagluluksa ang puso ni Vince. Kung pwede lang na hindi siya umattend ay gagawin niya.
Pero mukhang hanggang sa kanilang kasal ay stress lang ang dulot ni James kay Trixie.
“Vince, ba’t hanggang ngayon wala pa si James, diba dapat nauna siya sa’kin dito?” nag-aalalang tanong ni Trixie sa kaibigan. Nasa isang sulok sila ng simbahan.
“Relax ka lang, may oras pa naman eh.”
Anumang pagpapakalma ang gawin ni Vince sa kaibigan ay wala na siyang magagawa dahil lumipas na ang buong maghapon nang walang James na nagpakita sa simbahan. Sa isang sulok ng simbahan ay muling sumandal sa balikat ni Vince ang dalaga habang sige ito sa pag-iyak. Hindi alam ni Vince kung dapat ba niyang ikatuwa na hindi natuloy ang kasal o dapat siyang malungkot para sa sugatang puso ng matalik niyang kaibigan.
Hindi na lumutang pa si James mula noon. Wala silang balita maski ang pamilya nito ay wala rin daw alam. Dahil doon ay nagpasya si Trixie na tanggapin ang alok ng kumpanya na pasukan ang branch nila sa Dubai.
Dahil naman sa pasyang ito ng dalaga ay labis din ang pagkalungkot ni Vince.
“Sigurado ka na ba diyan?” tanong ni Vince habang naglalakad sila ng dalaga pauwi.
“Hindi pa…pero kailangan kong gawin eh…”
“Trixie, pwede ba, kahit ngayon lang pag-isipan mo naman ang gagawin mong desisyon?…”
“Yun lang kasi ang naiisip kong paraan para madali akong makalimot…”
“Nandito naman ako eh, tutulungan kitang makalimot…”
“Pa’no? Nagmahal ka na ba? Nabroken hearted ka na ba?”
Hindi nakasagot ang binata. Hindi niya masabi na matagal na siyang nagmamahal dito at araw-araw siyang nabobroken hearted dahil sa iba ang minamahal nito.
Sa araw ng pag-alis ni Trixie ay nagdahilan na lang si Vince para hindi niya ito masamahan. Hindi na niya kakayanin na makita pa itong palayo na walang katiyakan kung kailan babalik. Ituturing na lang niya na ang paglayo nito ay kamatayan ng kanyang puso.
Habang naghihintay ng flight niya sa airport ay nagbasa muna ng horoscope mag si Trixie.
“Sheep- Kung tatalasan mo lang ang iyong pakiramdam ay malalaman mo na wala sa malayo ang tunay mong kaligayahan kundi nasa tabi mo lang. May pagkakataon ka pa para baguhin ang iyong kapalaran sa usaping pag-ibig.”
Napaisip si Trixie.
Sa karinderya ni Aling Iska. Isusubo na lang ni Vince ang mainit na pansit nang biglang may magsalita mula sa likuran niya.
“Aling Iska, ako na po ang magbabayad ng pansit ni Vince ha.”
Natigilan si Vince at di agad nakalingon kahit alam na alam niya kung kanino ang boses na ‘yon.
“Diba sabi ko naman sa’yo ako naman ang manlilibre kapag ikaw naman ang na-broken hearted?”
Marahang nilingon ni Vince ang dalaga.
“Una sa lahat, bakit nandito ka? Pangalawa, sino maysabing broken hearted ako?”
“Sa tingin ko kasi hindi masosolusyunan ng pag-alis ko ang problema ko, kasi nandito ang solusyon…ikaw ang clue.”
“Ano?”
“Parang mas lalala ang problema ko kapag nalayo ako sa’yo, alam mo ‘yon, yung pakiramdam ko na nakadepende na ang buhay ko sa’yo sa sobrang tagal at dami na ng pinagsamahan natin…”
Tumayo si Vince at humarap sa dalaga.
“Teka, naguguluhan yata ako…”
“Ako rin naguguluhan eh…kasi nung hindi mo ako inihatid sa airport, yung pakiramdam ko na mag-iisa ako sa malayong lugar at hindi na kita makakasama, wala na’kong balikat na masasandalan…may isang bagay akong natiyak sa sarili ko…na hindi ko pala kayang ikaw yung mawala sa’kin.”
Hindi makapaniwala si Vince sa mga narinig.
Nagpatuloy si Trixie.
“Kaso ang nakakainis dun, hinayaan mo lang ako sa mga desisyon ko…”
Hinawakan ni Vince ang kamay ng dalaga.
“Alam mo namang kung ano ang makakapagpasaya sa’yo hindi kita makakayang pigilan kahit pa kalungkutan ko ang kapalit nito. Ang tagal ko ring tinatanong sa sarili ko kung bakit hindi na lang ako…bakit hindi na lang ako ang mahalin mo? …siguro kasi nasa akin din ang diprensya, dahil hindi kita niligawan…Pero salamat dahil sa tagal ko nang nabo-broken hearted sa’yo ngayon mo lang ako maililibre.”
Halos magkasabay na sumilay ang ngiti sa mga labi nila.
Marami pa silang dapat sabihin sa isa’t-isa pero wala na silang maisip sa mga sandaling ‘yon. Isang mahigpit na yakap na lang ang iginawad ni Vince kay Trixie bilang tugon sa mga ipinagtapat nito.
“Mahal na mahal kita…:” bulong ni Vince.
“Mahal din kita…”pabulong ding tugon ni Trixie.
Sapat na ang mga katagang ‘yon para higit nilang maunawaan ang damdamin nila para sa isa’t-isa.
wakas