May mga tao na nagnanais pabuksan ang kanilang third eye. May mga nagnanais naman na ipasara ito. Pero ano nga ba ang kanilang dahilan? May naniniwala na suwerte ang tao na nagtataglay ng nakabukas na third eye. Subalit may naniniwala rin na may hatid itong kamalasan. Pero ano nga ba ang katotohanan tungkol dito?
Ang third eye ay maaaring mabuksan sa pagsilang pa lang. Maaari rin itong mabuksan dulot ng isang aksidente. At sinasabi rin na nagagawa itong pabuksan sa mga may kaalaman sa kakaibang kapangyarihan. Ang mga naniniwalang suwerte ang hatid nito, sila yung nagnais na mapabuksan ang kanilang third eye. Ayon sa kanila, kapag bukas ang third eye ng isang tao, siya ay may kakayahang makakita ng mga nilalang na hindi nakikita ng pangkaraniwan.Tulad ng mga duwende, engkanto at mga kaluluwa. Kung magiging matalino ang may third eye, maaari niya itong gamitin sa pagpapasunod ng mga duwende halimbawa at bigyan siya ng kayamanan. Sinasabi rin na ang mga may third eye ay suwerte sa sugal.
Gayunpaman, ang mga sadyang nakabukas na ang third eye, sila yung nagsasabi na hindi suwerte kundi kamalasan ang hatid nito sa kanila. Hindi lang basta kamalasan kundi maaari pang humantong ito sa kamatayan. Ito ay dahil malaki ang posibilidad na sila ay hindi patahimikin ng mga nakikita nilang nilalang. Lalo na kung sila ay nanggagamot at tumutulong sa mga nakulam gamit ang kakayahan ng kanilang third eye. Dahil dito ay nalalagay sila sa panganib at sa mga alanganing sitwasyon. Sa pagkakaroon din ng third eye, ang madalas nilang pagkakita sa mga ligaw na kaluluwa, multo o anupamang negatibo at positibong elemento ay nagtutulak sa kanila para mabuhay sa hindi normal na mundo.Ang takot at pangamba ay nagiging pangkaraniwan na lang sa kanilang dibdib subalit hindi sa kanilang utak. Palagi pa ring naroon ang mga agam-agam sa maaaring mangyari anumang oras sa kanilang buhay lalo na kung sila ay walang pamilya at mga kaibigang gumagabay at nagpapaliwanag sa kanilang isipan.