Wala namang matinong tao na sasabihin niyang gusto niyang malasin dahil ang ibig sabihin nu’n ay maghihirap siya. No way! Hindi ko rin kasi nanaisin na makaramdam ako ng paghihirap. Minsan ko na rin kasing naramdaman iyon at ayoko na maulit pa. Kaya nga, nang dumating ang suwerte sa akin, hindi ko na gugustuhing ito ay matapos pa.
Ngunit, alam mo bang kahit gaano ka pa kayaman kapag tinaman ka ng ‘malas’ siguradong babagsak ang kabuhayang ipinagmamalaki mo. Gaya nga ng sinasabi ng marami, magagawa mo lang magkaroon ng magandang buhay kung wala kang nilalabag na batas. Ngunit sa pagakataong ito, hindi lang ito tumutukoy sa mga krimen na karaniwang ginagawa ng mga tao. Bagkus, lumalabag ito sa mga pamahiin.
Marami ang nagsasabi na ang pamahiin ay isa lamang paniniwala, na hindi dapat paniwalaan o dibdibin na maaaring magkatotoo. Ngunit, bakit, marami ang nagsasabi na nagdurusa sila dahil sa paglabag nila sa pamahiin?
Sa pagkakataong ito, ang pamahiin na ating tatalakayin ay tungkol sa Pamahiin Sukob.
Ano nga ba ang sukob?
Kung malakas ang ulan at nakita mong may payong ang kaibigan mo, siguradong makikisukob ka dahil ayaw mong mabasa. Sa mga sandaling iyon, ay nagagawa mong makibahagi sa suwerte niyang hindi mababasa ng ulan. Kaya, ganoon din sa pamahiin na tumutukoy sa sukob.
Naririto ang ilang pamahiin tungkol sa sukob…
Pamahiin sa kasal
Hindi raw maaaring magpakasal ang magkapatid sa iisang taon dahil magiging sukob sila. Ang ibig sabihin nito, hindi sila parehong susuwertehin. Ang isa ay maaaring magtagumpay at ang isa naman ay sobrang mamalasin.
Kung napanood mo ang pelikula nina Kris Aquino at Claudine Barreto tungkol sa Sukob, talaga namang kikilabutan ka. Dahil isinasaad talaga nito na may mga hindi magandang mangyayari kapag nagpumilit ang magkapatid na magpakasal sa isang taon. Kaya nga lang paano kung hindi naman magkakilala ang magkapatid? Tulad na lang ng sa pelikula na ito? Talagang kung minsan ay dapat ay kilala mo rin ang iyong sarili ang iyong mapapangasawa at pati na rin ang mga nakapaligid sa’yo.
Siguro naman ay hindi mo rin naman nais malasin, hindi ba? Kaya sana, huwag maging matigas ang ulo mo. Wala namang masama kung susundin mo na lamang ang pamahiin. Kung talagang malakas ang iyong loob na sumuway, sige lang. Buhay mo naman ang masisira. Pero, alam ko namang hindi mo gugustuhing mangyari iyon. Aya, makabubuti pang magbigayan na lang kayong magkapatid.
Pamahiin sa Patay.
Kahit na nakahanda na ang kasal mo, kung may biglang may namatay sa’yong pamilya, makabubuting ipagpaliban mo muna ang iyong kasal dahil hindi makabubuting may nagsasaya at nagluluksa sa isang taon. Maaari raw kasing mahigop ng patay ang suwerteng dapat na makamtan ng ikakasal.
Kung mamalasin ka ba, susuway ka pa ba? Sana ay hindi na dahil ito naman ay para rin sa’yong kabutihan. Mas maganda naman kasi talaga iyong mamuhay ng masagana kaysa miserable saka kung talagang nagmamahalan ang dalawang tao, matututo silang maghintay ng tamang panahon.