Sa tuwing tayo ay daratnan ng kalamidad, marami sa atin ang napapahamak. Dahil marami sa atin ang hindi handa. Marami ang ipinagsasawalang bahala ang mga babala ng kalikasan. Kung aalamin natin at bibigyan din ng pansin ang sinasabi ng pamahiin tungkol dito, baka sakaling ito ay makatulong sa atin. May mga senyales tayong dapat tandaan bilang babala sa paparating na kalamidad.Kung tayo ay may mga alagang hayop, maaaring dumaan sa pamamagitan nila ang mga senyales ng padating na delubyo.
Halimbawa, kung ang aso mo ay kahol nang kahol na wala namang tinatahulan at nakatingala sa kalangitan, ito ay isang babala na may kalamidad tulad ng bagyo, malakas na ipo-ipo o pagputok ng bulkan. Kung ang pusa mo naman ay makikita mo na nagmamanhik manaog sa hagdanan o kaya ay akyat baba sa pasimano ng bintana at labas masok sa pintuan, na tila ba hindi mapakali, ito ay nagbibigay ng babala na isang pagyanig ang paparating o isang pagbabadya ng tsunami.
Kung nakita mo naman ang tila napakaraming imahe sa kalangitan na pawang nakakatakot, ito ay isang babala rin na may hindi magandang kaganapan ang nakatakdang mangyari. Maaaring isang giyera, malawakang pagpoprotesta o paglubog ng barko na puno ng pasahero. Ang walang tigil na pagtiktik ng butiki sa kisame ay isa ring babala na magkakaroon ng hindi magandang sitwasyon sa inyong lugar. Ang babala ay maaari ring dumaan sa iyong panaginip. Kung nakabukas ang third eye mo ay posibleng makita mo ang mangyayari na delubyo sa hinaharap. Pwedeng pumasok sa iyong panaginip ang mismong magaganap. Saka mo lamang ito mare-realize kapag nangyari na.
Ang mga babala ng pamahiin ay maaaring hindi mo mabigyan ng pansin lalo na kung ikaw ay hindi naniniwala rito. Subalit ang pagkilos ng mga hayop ay sadyang may kakabit na hiwaga. Gayundin ang mga senyales na nagmumula sa kalangitan. Nasa sa atin na kung paano natin ito tatanggapin o babalewalain na lang. Gayunpaman , sikapin pa rin natin na laging maging handa sa anupamang sakuna na posibleng dumating.