Sa tunay na buhay, may mga pinaniniwalaan tayong pamahiin kaugnay sa pagtatayo ng building. Kung anong dapat na maging lokasyon nito, yung mga pampasuwerteng ibinabaon sa pagtatayuan nito, kahit pa yung mga nakakatakot na sakripisyong buhay daw para maging matatag ang pundasyon ng isang building, yung bilang ng palapag na wala dapat 13th floor at kung anu-ano pa. Kung may paniniwala tayo sa pamahiin na may kinalaman sa pagtatayo ng building, ano naman kaya ang kahulugan ng pagguho nito sa ating panaginip?
Nakakatakot ang makakita ng gumuguhong building lalo na kung ikaw ay nasa loob nito. Kalimitan ay napapanood lamang natin ang mga ganitong pagguho sa mga palabas sa telebisyon at pelikula. Subalit mayroon din namang nakakaranas nito lalo na kapag may mga kalamidad at delubyo. Kung sa panaginip mo ito mararanasan, hindi mo dapat balewalain ang nais nitong ipahiwatig sa’yo.
Hindi maganda ang senyales ng ganitong klaseng panaginip. Ang pagguho ay kumakatawan sa isang malaking kabiguan bunga ng isang pagpapasya. Ito ay nagpapahiwatig na meron kang gagawing pagdedesisyon na hindi basta-basta at kailangang pag-isipan mo munang mabuti. Sa desisyong ito, nakasalalay ang maraming bagay. Mga aspeto ng buhay mo na kailangan mo munang timbangin. Nakasalalay din dito ang sitwasyon at relasyon mo sa iyong pamilya. Ibig sabihin ay halos apektado nito ang buong buhay mo’t pagkatao kaya naman kung magkakamali ka ay siguradong babagsak ka na parang isang gumuhong building.
Sa kabila nito, ang panaginip ay maari nating gamitin bilang babala. Kung sa paggising natin ay may basehan ang panaginip na’to sa ating buhay, dapat nating bigyan ng halaga ang babalang hatid nito. Kung may gagawin nga tayong pagdedesisyon, kung ayaw nating gumuho ang ating mundo dahil sa maling pagpapasya, dapat natin itong pagtuunan ng pansin at masusing atensyon. Kailangan na maging maingat tayo sa bawat hakbang na ating gagawin upang maiwasan ang pagkakamali. Hindi masamang maniwala sa nais nitong ipahiwatig kung makakatulong naman ito sa atin.