Kapag may hawak kang rosaryo, ang agad sasabihin sa’yo ng makakakita ay relihiyosa ka. Isang mabuting halimbawa ka nu’n sa marami dahil ikaw ay Maka Diyos kaya ang pirming sasabihin sa’yo, siguradong sa langit ang punta mo kapag namatay ka. Maaaring totoo iyon pero huwag na huwag mong ibibilin sa pamilya mo na ilagay sa kamay mo ang rosaryo dahil may sumpang idudulot ‘yan sa’yong kapamilya.
Tulad ng rosaryo na balot ng misteryo, may hiwaga rin iyong ipagkakaloob sa’yo kapag ipinabaon mo ang rosaryo sa patay. ‘Yun nga lang, matinding kamalasan ang ibibigay noon sa pamilya ng namatay. Magkakasunod sunod din ang patay sa inyong pamilya sa iba’t ibang dahilan tulad ng sakit, aksidente o kung anu ano pa.
Kung noong nabubuhay pa ang iyong kapamilya na pirming may hawak na rosaryo, sa Diyos siya nagdarasal, sino pa ang dadasalan niya ngayong patay na siya? Hindi ba ang maaari na lang niyang bilangin ay kung ilan pa ang mga natitira niyang kamag anak? Kaya nga, parang hinihiling niya na samahan na lang siya ng kanyang mga kapamilya.
Kaya, makabubuting huwag na huwag mong pababaunin ng rosaryo ang namayapa kung ayaw mong mawalan ng kapamilya o kaya pwede mo lagyan ng rosaryo ang kanyang kamay pero kailangan ay putulin mo iyon para di ka sundan ng mga kamag anak mo sa hukay.