Bata pa lang tayo ay may paborito na tayong kulay. Ito ay ang kulay na maganda sa ating paningin. Kaya naman sa pagpili ng kasuotan ay pinipili rin natin ang kulay na babagay sa atin. Alam na natin na ang bawat kulay ay may kanya-kanyang kahulugan subalit sa likod ng mga kahulugang ito ay ang mga nakakubli ring pamahiin na dapat nating malaman. Alamin natin ang ilan sa paniniwalang ito.
PULA- Sinasabing ang pula ay isang masuwerteng kulay. Ito ay nakikita bilang positibo at makapangyarihang kulay. Pinaniniwalaan na kung ikaw ay magsusuot nito, ikaw ay papalarin.Halimbawa ikaw ay mag-aaply sa trabaho o kaya makikipagdeal para sa isang negosyo. Kung pula naman ang kulay na maghahari sa inyong tahanan, kayo ay susuwertehin at aakit ito ng maraming oportunidad. Masuwerte rin ito kung ipangreregalo, halimbawa ay damit na kulay red, bag na red o sapatos na red , ang tatanggap nito ay susuwertehin gayundin ang nagbigay.
BERDE- Ang kulay na berde ay pinaniwalaang malas sa mga bansa gaya ng U.K. at U.S. Sinasabing kapag nagsuot ka ng kulay berde ay inaakit mo ang kamatayan o napapalapit ka sa kamatayan. Noong 1778, ang swedish chemist na si Carl Scheele ay nag-eksperimento gamit ang substance na arsenic. Ginamit niya ang arsenic sa pag-imbento ng shades of green na tinawag niyang Scheele’s green. Ito ay malawakang ginamit sa paggawa ng wallpapers at fabrics. Bagamat alam ni Scheele na ang arsenic ay extremely toxic, hindi naman niya inexpect na kakainin ng tao ang kanyang damit. Natuklasan na kapag ang kasuotang ito ay natubog sa tubig, ito ay naglalabas ng nakalalason na gas. Nagdulot ito ng sakit sa mga tao na ang iba ay humantong pa sa kamatayan.
DILAW- Kapag narinig mo ang salitang “You’re yellow!” alam mo ba kung ano ang ibig sabihin nito? Ito ay nangangahulugan na ikaw ay isang duwag. Ang iba ay naniniwala na ang kulay dilaw ay simbolo ng mga karamdaman at kamatayan. Ito ay dahil inihahambing nila ang kulay na ito sa isang dahon na nalagas mula sa puno. Bago tuluyang malagas ang dahon ito ay nagkukulay dilaw muna. May iba namang naniniwala na ang mga taong mahilig sa kulay na dilaw ay magkakaroon ng mahabang buhay. Dahil ang dilaw ay sumisimbolo rin ng buhay tulad ng kulay ng araw.
ITIM- Ang kulay itim naman ay kilalang kulay na ginagamit sa mga black magic kaya hindi na nakapagtataka kung ikabit sa kulay na ito ang mga kamalasan. Sinasabing ang mga taong nahuhumaling sa kulay na itim ay ang mga taong nasa loob ang kulo. Sa ibang paniniwala naman, ang itim ay may kakayahan rin na makapaghatid ng suwerte kung ito ay gagamitin mo na may mabuti kang intensyon.