Isa sa pinaka-karaniwang uri ng panaginip ay ang pagdalaw ng isang yumaong mahal sa buhay o kakilala.
Sa Psychology, ang pagkakapanaginip ng isang yumao ay pahiwatig na hindi ka pa nakaka-move on sa pagyao ng nasabing mahal sa buhay o kakilala. Maaaring ito ay mangahulugan rin nang pagwawakas ng isang kaganapan sa buhay, o pakiramdam na tila nawawalan ka na ng pag-asa sa waking life.
Sa spiritual world, tunay na ang panaginip ay ginagawang behikulo ng mga espiritu sa dako pa roon upang makipag-ugnayan sa mundo ng mga buhay.
Ang tanong, paano madi-distinguish kung ang panaginip kung saan nakipag-ugnayan sa iyo ang isang yumao ay totoong naganap sa dream realm o tinatawag na visitation dream, o bunga lamang ng iyong subconscious mind?
Sa psychological point of view, kung sa panaginip ay inaakala mong buhay pa rin ang yumao at gumaganap ng mga karaniwang gawain, nagpapahiwatig ito na ikaw ay nasasabik sa taong ito. Kung ang yumao naman ay nagbibigay ng payo, palatandaan ito na sa waking life, ikaw ay nangangailangan o naghahangad ng gabay, pagkalinga at proteksiyon. Ang pagkakapanaginip sa yumaong mahal sa buhay ay nagsisilbing scapegoat o defense mechanism upang makahugot ka ng lakas ng loob na ipagpatuloy ang paglaban sa buhay.
Sa spiritual point of view, ang pagkakapanaginip ng isang yumao sa buhay ay pahiwatig na hindi pa natatahimik ang taong ito at may mensaheng ibig iparating sa iyo.
Narito ang ilang palatandaan ng isang tunay na visitation dream.
1. Totoong-totoo siya sa iyong panaginip. Kitang-kita mo ang kaniyang emosyon at malinaw rin ang mensaheng ibig niyang iparating. Kung ang iyong panaginip ay nasa anyo ng simbolo, ito ay hindi matatawag na visitation dream.
2. Masaya at nasa maayos na kondisyon ang mukha at pangangatawan ng yumao sa iyong panaginip. Ayon kay Dr. Jaime T. Licauco ng Innermind Learning Institute (kung saan nakapag-training ang inyong lingkod), ang kaluluwa ng isang yumao ay nagpapakita sa estado ng kaniyang kabataan kung saan siya ay makisig, maganda, malakas, at kaaya-aya. Kung ang isang tao ay namayapa na matanda na, siya ay magpapakita sa edad ng kaniyang kabataan. Samakatuwid, ang isang yumaong dumalaw sa panaginip ay laging masaya at may positibong dating. Hindi magpapakita ang yumao sa panaginip na malungkot, maysakit, o hindi maayos ang porma.
3. May pagkakasunud-sunod ang panaginip. Kung ang paglitaw ng isang yumao sa panaginip ay by sequence, hangga’t sa maiparating niya sa iyo ang lahat ng kaniyang mensahe.
4. Natatandaan mo ang iyong panaginip. Malinaw at detalyado mong naaalala sa iyong paggising ang iyong panaginip. May kakaibang kurot sa iyong damdamin.
Ang pagdalaw ng isang yumao sa iyong panaginip ay tanda ng kanilang pagmamahal. Ito ang paraan nila upang iparating sa iyo na bagama’t sila ay nasa dako na roon, ang kanilang pagmamahal at paggabay ay nananatili.
Kung ang iyong panaginip ay maikakategorya mo bilang visitation dream, ang tanging magagawa mo ay mag-alay ng panalangin para sa yumaong dumalaw sa iyong panaginip. Ipatirik siya ng puting kandila. Hayaan mong baunin niya sa kanilang paglisan ang iyong pagmamahal at alaala.