Siguro naman ay alam mong hindi lang ordinaryong tubig ang holy water o banal na tubig dahil ito ay binasbasan kaya naman magagawa ka nitong mailigtas sa anumang kapahamakan. Kaya nga maraming tao ang tumatakbo sa Simbahan kapag mayroon sa kanilang nasasapian ng mga masasamang nilalang..
Ang mga nilalang na puno ng galit ay makapagbibigay ng parusa sa’yo at ang tanging makapagsasalba sa’yo sa kapahamakan ay ang banal na tubig sapagkat animo ito asido kapag ibinuhos mo o kahit na ipatak lamang sa nilalang na may kapangyarihang itim. Kaya nga masasabing masuwerte rin ang mga taong nakakapag-imbak ng banal na tubig sa kanilang bahay.
Nang magpunta nga sa Jerusalem ang aking mga magulang dalawampung taon na ang nakakalipas ay nag-uwi sila ng banal na tubig para raw makapagtaboy ito ng masamang espirito na maaaring naninirahan sa aming tahanan. Nang mga panahon kasing iyon ay hindi lahat ng kuwarto sa aming bahay ay natutulugan dahil ang dalawa sa mga kapatid ko ay nagsipag-asawa na.
Ang isang lugar kapag hindi nagagawang okupahin ng isang tao ay nagagawang pamugaran ng mga ligaw nakaluluwa. Kaya para hindi mangyari iyon ay kailangang maitaboy na ito bago pa man sila dumami at mangyayari iyon kapag nagawa mong wisikan ang paligid ng banal na tubig.