26.1 C
Manila
Wednesday, October 23, 2024

Halimbawa ng Talisman

Ang isang halimbawa naman ng Talisman ay ang mismong Anting-anting ni Nardong Putik o mas kilala sa tunay na buhay bilang si Leonardo Manicio ng Cavite.

Si Leonardo Manicio, A.k.a. Nardong Putik ay isinilang sa Sabang, Dasmarinas, Cavite noong Marso 25, 1925. Siya ay isang tsuper(driver) at minsan ay naglingkod  din bilang isang pulis sa bayan ng Dasmarinas. Si Nardong Putik ay anak ng isang leader  politiko kung saan, sinasabing pinatay din ang kanyang ama ng mga kaaway nito maaaring dahil din sa politika.

Nakilala siya dahil sa pagiging gangster,  public enemy number 1, pusakal na kriminal tulad ng pagnanakaw, pagkidnap,  pagpatay, protektor ng illegal drugs, at kung anu-ano pang krimen ang ibinibintang sa kanya, pero ang totoo si Nardong Putik ay kilala din bilang Robin Hood ng Cavite, dahil ang mga nakukulimbat niya ay ibinibigay din niya sa mga mahihirap at sa mga pangkaraniwang tao, lalo na sa mga magsasaka, tinutulungan niya na makamit ang “mabilisang hustisya” tulad ng pagpatay ni Nardong Putik sa mga magnanakaw ng kalabaw sa Cavite.

Maraming beses siyang nahuli ng mga pulis o ng mga alagad ng batas, ngunit paulit-ulit maraming beses din siyang nakatakas at nakaligtas. Ibig sabihin, pinaniniwalaang  dahil sa taglay niyang Talisman, Agimat o Anting-anting sinasabing lagi siyang inililigtas nito sa kanyang mga kaaway, – “hindi siya nakikita kapag nagbaon siya sa putik at hindi rin siya tinatablan ng bala.”

Ngunit noong umaga ng ika-10 ng Oktubre, 1971, sa pangunguna ng NBI (National Bureau of Investigation),  PC (Philippine Constabulary), at Pulis-Imus,  matapos ang maha-haba ring habulan ng mga sasakyan, mula Nobeleta, Alapan, Imus, at sa pagitan ng Panamitan at Tabon sa Kawit,  natambangan ang kotseng kulay pulang Chevrolet Impala, na kinalulunan ni Nardong Putik, nagkaroon ng matinding barilan na ng lumaon ay ikinamatay ni Nardong Putik.

 May ilang naniniwala na napatay si Nardong Putik sa nasabing engkuwentro dahil nawalan ng bisa ang kanyang Agimat o Anting-anting. Inabuso nya ang  kapangyarihan nito, hindi niya pinakain ng dasal at sumobra na talaga ang kanyang kasamaan.  

Ngunit, may isang bersyon na kumakalat sa mga taga-Cavite na sinasabing nilasing muna umano si Nardong Putik ng kanya ring mga katropa at matalik na kaibigan. Patraydor na pinagpapalo ng tubo sa ulo. At sinasabi ring patay na si Nardong Putik ng ito ay ilagay sa kotse, at saka niratrat ang kanyang sinasakyang kotse upang palabasing ang mga alagad ng batas ang nakapatay sa kanya.

Sa mismong araw ng kanyang libing sinasabing  ubod dami ang nakiramay, punong-puno ng mga taong ang kalsada na naghatid sa kanyang huling hantungan.  

Dalawang beses isinapelikula ang kanyang buhay, taong 1972 at 1984, na may titulong Nardong Putik (Kilabot ng Cavite) na ginampanan ni dating senador Ramon Revilla, Sr.

Anu’t anuman ang katotohanan, hindi maiaalis ang paniniwalang si Leonardo Manicio, A.k.a. Nardong Putik ay nagtataglay ng agimat o anting-anting na kapag nagtatago siya sa putik ay hindi siya nakikita ng kanyang mga kalaban. Siya rin ay pinaniniwalaang hindi tinatablan ng bala kaya naman maraming naniniwala na noong ika-10 ng Oktubre 1971, hindi si Nardong Putik ang napatay, sa halip ito ay nakatakas at nanirahan ng tahimik sa isang liblib na kabundukan sa Cavite hanggang sa namatay sa katandaan.

Pinaniniwalaang maraming taglay na anting-anting si Nardong Putik, kabilang dito ang “kulay pulang bato na tinatawag ding mutya ng lupa, scapular na may mga orasyong nakamarka, singsing na yari sa tanso at medalyong may dasal na may nakaukit na krus sa gitna sa magkabilang side, panyo na may trayangulong ‘AAA’ at marami pang iba.”   

Related Articles

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

- Advertisement -spot_img

Latest Articles

Join us today!

Get access to exclusive content

Are you ready to take your experience to the next level? Unlock a world of exclusive benefits by joining our premium content community. As a member, you'll gain access to a wealth of valuable resources, tailored specifically for you.