Tunghayan naman natin sa Isyu ang panaginip ni Anna tungkol sa maraming bahay na parang subdivision at napakaliwanag na bituin.
Ang panaginip ko po ay namasyal daw kami ng mister ko sa isang lugar na parang subdivision tapos ang dami-dami daw bahay doon na magkakamukha. Parang sa panaginip ko ay namimili raw po kami ng bahay na bibilhin yata namin o titirahan. Tapos na lipat ng tagpo ang panaginip ko, nasa bahay na raw kami, isang malaki pero lumang bahay na sira-sira. Magkasama na naman kami ng mister ko at pinaplano raw naming ipagawa ang sira-sirang bahay namin. Tapos bigla na namang naiba ang setting o lugar ng panaginip ko. Nalipat na naman sa isang subdivision ang aking panaginip at tatlong raw house unit daw na bahay ang sabay-sabay naming nabili. Kaya maluwang daw ang bahay namin dahil pag pinagsasama-sama ang tatlong raw house na bahay ay talaga namang napakalaki. Natuwa raw kaming mag-asawa sa nabili naming bahay habang pinapasyalan at in-inspection namin, tapos lumabas daw kami ng pinto ng bahay at ng nasa bakuran na kami ay nakakita kami ng napakaliwanag na bituin at pagkatapos ay nagising na ako. Ano po kaya ang ibig sabihin ng panaginip kong ito?
KASAGUTAN:
Kung sa totoong buhay, Anna, ay wala kayong house and lot ng mister mo o nang inyong pamilya, likas lamang o natural lamang na managinip ka ng bahay, tulad ng panaginip mo, na namamasyal kayong mag-asawa sa isang subdivision at tila tumitingin ng bibilhin ninyong house and lot.
Ang tawag sa ganyang uri ng panaginip ay “wish fulfillment dream” kung saan, dahil labis-labis ang paghahangad ng conscious self mo sa isang bagay na gusto mong magkaroon at gusto mong mangyari, kusa itong tinupad ng iyong unconscious self at nagkatotoo nga talaga, iyon nga lang, nagkatotoo at natupad ang iyong “wish” o ang isang “bagay na gustong-gusto mong makamit” sa panahong ikaw ay natutulog sa pamamagitan ng panaginip.
Ang isa pang katulad na panaginip na kinakategorya rin sa “wish fulfillment dreams” ay kapag may crush o gustong-gusto kang tao na maka-date o makasama. Hindi mo ito makasama sa walking life mo o sa aktuwal na buhay, pero ng natulog ka na, “bigla siyang lumutang sa iyong panaginip” at ang eksena ay magkasama kayo, magka-date at parang totoong-totoo talaga ang iyong panaginip. Tipikal o pangkaraniwang nangyayari ang mga bagay na ito, dahil may likas ngang mekanismo ang ating inner self, na papangyarihin sa panaginip ang mga bagay na gustong-gusto nating makamit at muli ang tawag nga sa ganitong uri ng panaginip ay ““wish fulfillment dream” .
Ngunit ang climax o lundo ng katanungan ay ganito, sa aktuwal na buhay o sa katotohanan, hindi na sa panaginip, magkaka-house and lot nga kaya kayo ng pamilya?
Samantala bago natin sagutin ang katanungang nabanggit sa itaas, tunghayan muna natin ang saktong kahulugan ng panaginip na bahay.
Sa makaluma o pang-tradisyunal na kahulugan ang bahay sa panaginipay nagpapahiwatig ng tranquility, kapayapaan ng isip at pagkakaisa. Dahil ang bahay ay ang tirahan ng pamilya at pahingahan ng mag-anak, sa sandaling ito ay napanaginipan ito ay nagpapahiwatig din pag-ibig sa kadugo o sobrang concern mo sa iyong family o sa bawat miyembro ng iyong pamilya kaya humulagpos sa unconscious mind ang larawan ng bahay.
Kung ikaw ay nag-iisa at walang sariling pamilya, “wish mong magkaroon ng family” na aagapay at makakakuwentuhan mo hinggil sa iyong mga pagkabahala at problema sa kasalukuyan.
Dahil ang buhay ay may pundasyon at kumpleto ang bawat bahagi nito, pintuan, bintana, silid tulugan, silid kainan, sala at iba pa, ang bahay sa panaginip ay nagpapahiwatig din ng harmony ng isipan at integridad ng inner self.
Sa moderno o pang-psychology interpretasyon, ang bahay sa iyong panaginip ay ikaw mismo. Ang kasalukuyang kalagayan ng iyong pagkatao. Kaya nga kung maganda ang bahay na napanaginipan mo ibig sabihin nito maganda din ang outlook in life mo sa kasalukuyan at puwede ding sabihing “spiritually at physically fit” ka sa mga panahong nanaginip ka ng maganda, aliwalas at maayos na bahay.
At dahil ang napanaginip mo ay mga bahay sa isang subdivision at alam naman nating magaganda ito, siguradong sa kasalukuyan maganda ang disposisyon mo sa buhay at ganoon din maganda ang kalagayan ng iyong pangangatawan at kalusugan sa kasalukuyan.
Ngunit, ang problema nga lamang sa ikalawang tagpo ng iyong panaginip ay ganito: “Tapos na lipat ng tagpo ang panaginip ko, nasa bahay na raw kami, isang malaki pero lumang bahay na sira-sira. Magkasama na naman kami ng mister ko at pinaplano raw naming ipagawa ang sira-sirang bahay namin.” Na nangangahulugang “dahil ang bahay ay ikaw din mismo” ito ay isang babala na maaaring magkaroon ka ng problema sa kalusugan sa susunod na mga araw, pero malulunasan mo rin naman agad, dahil ang ikatlong tagpo sa iyong panaginip ay naglalarawan ng ganito: “Nalipat na naman sa isang subdivision ang aking panaginip at tatlong raw house unit daw na bahay ang sabay-sabay naming nabili. Kaya maluwang daw ang bahay namin dahil pag pinagsasama-sama ang tatlong raw house na bahay ay talaga namang napakalaki. Natuwa raw kaming mag-asawa sa nabili naming bahay habang pinapasyalan at in-inspection namin, tapos lumabas daw kami ng pinto ng bahay at ng nasa bakuran na kami ay nakakita kami ng napakaliwanag na bituin at pagkatapos ay nagising na ako.”
Ibig sabihin, matapos na magkaroon ka ng problema sa iyong kalusugan ito ay madaling malulunasan at matapos na ikaw ay gumaling at muling bumuti ang iyong pakiramdam, maraming suwerte at magagandang kapalaran ang magdaratingan sa iyong buhay, na siya namang inilalarawan ng “napakaliwanag na bituin”.
Samantala subukan na nating ngayong sagutin ang naiwang tanong sa itaas na nagsasabing: “Sa aktuwal na buhay o sa katotohanan, hindi na sa panaginip, magkaka-house and lot nga kaya kayo ng pamilya?”
Sinasagot ng panaginip mo ang nasabing katanungan at ang sagot ay “Oo ”, dahil tulad ng nasabi na, “ang napakaliwanag na bituin ay nagpapahiwatig ng katuparan ng mga kahilingan at ambisyon sa buhay”, kaya nga siguradong kung wala pang house and lot ang pamilya n’yo sa kasalukuyan at ito ay tunay ngang matagal ng pinapangarap ninyong mag-asawa, walang duda, at walang sablay, magkakatotoo ang nasabing pangarap.
Ang tanong na lang ngayon na naiiwan ay kung kailan matutupad ang nasabing pangarap na pagkakaroon ng sariling house and lot?
Na agad naman sinagot ng panaginip mong “ang tatlong raw house na bahay ay talaga namang napakalaki” na nangangahulugang tatlong taon mula ngayon, walang duda at walang sablay, aktuwal at talagang magkakaroon na ang inyong pamilya ng sariling house and lot na malapit din sa inyong lugar sa isang exclusive subdivision.