Kulam. Ito ang huling alas ng mga taong inapi, sinaktan, at binusabos. Ang kulam ay nakapaloob sa black magick ritual sapagkat ito ay nagdudulot ng kapinsalaan sa isang tao.
Bago mo maisipang mangulam, sasabihin ko na na na sadyang masama ang pangkukulam. Para higit na maunawaan kung bakit masama ang pangungulam, hayaan mong ipaliwanag ko ang Batas ng Ikatlo o Threefold Law. Ang universal law na ito ay nagsasabing anumang masamang mahika ang ipukol mo sa iyong kapwa ay makatlong beses na babalik sa iyo. Ang batas na ito ay ginagabayan ng dakilang Cosmic Force. Ang kulam ay isang uri ng salamangkang itim o majica negra na nagpapahirap at nagbibigay ng karamdaman sa isang tao. Samakatuwid, anumang mahika na may layuning makapagdulot ng ligalig, sakit, at kaguluhan sa isang tao ay maituturing na masama. Bagama’t ang mga Pagano ay naniniwalang ang Threefold Law ay hindi applicable sa mga taong hindi naniniwala rito.Kung babasahin ang kasaysayan ng Black Magic, maraming mangkukulam ang walang habas na nagpa-practice ng mga mapaminsalang mahika na nagpapahirap sa kanilang biktima. Ang mga mangkukulam ay hindi naniniwala sa Threefold Law at para sa kanila, nakatutulong pa sila sa mga naapi. Itinuturing nila ang mga sarili bilang tagapagpataw ng batas.
Kahit sino ay may kakayahang gumawa ng pangungulam. Opo, lahat. Isa lang ang pinakamahalagang sangkap upang maganap ang kulam, at ito ay ang matinding poot at pagkasuklam mo sa isang tao na nais mong kulamin. Sa katunayan, hindi mo na kailangang gumamit ng altar, voodoo dolls, karayom, mga kandilang itim, at kung anu-ano pang “props” upang kulamin ang isang tao. Kapag ikaw ay nasa sukdulan nang pagkaapi at pagkabusabos, maaari mong sumpain ang taong gumawa sa iyo ng kabuktutan. Lalo na kung ang luha mo ay hinugot mula sa puso mo at kaluluwa, ikaw ay maririnig. Magkakaroon ng higit na kapangyarihan anuman ang sumpa o salitang binitiwan mo patungkol sa taong umapi sa iyo.
Ngunit, hindi por que kaya mo ay gagawin mo na. Babala sapagkat naririyan ang isa sa 12 Batas ng Universe—ang Batas ng Karma. Kung ikaw ay isang taong may malalim na espiritualidad, mauunawaan mo ang simpleng batas ng universe—what you sow is what you reap—kung ano ang itinanim ay siya mong aanihin. Gumawa ka ng mabuti at ikaw ay pagpapalain—siksik, liglig, at umaapaw. Ganoon din kung gagawa ka ng kasamaan. Ito ay boomerang na babalik sa iyong humahagupit, lumalatay, at nakababaliw. Ito ang Threefold Law. Lagi mong tatandaan, punuin lamang ng positibong pananaw ang iyong puso at isip. Anuman ang sumpang ibinulalas mo, maaari ring bumalik sa’yo. Para kang dumura paitaas. Kaya, sa halip na gumanti ka, ipagpasa-Diyos mo na lamang ang lahat. Dahil ang batas ng karma ay laging naririyan lamang.