Kapag ang pag-ibig ay pumasok sa puso ninuman, hahamakin ang lahat masunod ka lamang. Ito ang mariing sinabi ni Francisco Balagtas sa librong niyang Florante at Laura. Matamis ang mga salitang nakapaloob sa librong ito kaya naman natitiyak kong maraming kabataan ang kinikilig. Masaya at masarap ang umibig kaya naman nauso ang mga romance pocketbook dahil maraming publisher ang naniniwalang mas kikita sila sa librong tumutukoy sa pag-ibig.
May pagkakataon na pinagtatawanan natin ang taong umiibig dahil pakiramdam natin ay nagpapakatanga siya sa taong hindi karapat-dapat para sa kanyang pag-ibig. Ang palagi kasing sinasabi ng isipan natin, kapag tayo ay nagmahal ay doon sa karapat-dapat ngunit kung minsan ay sadyang mapagbiro ang tadhana at tumitibok ang puso natin sa taong alam naman natin na hindi karapat-dapat sa ating pamantayan.
Ang pag-ibig kasi ay isang emosyon na napakahirap pigilan. Kahit na alam na natin kung ano ang tama at mali pero hindi natin magawa kung ano ang makabubuti kapag ang puso na natin ang nagsalita. Ito ang patunay kung bakit maraming taong nasisira ang buhay dahil sa pag-ibig. Kung bakit may mga taong pinipiling magpakamatay kapag hindi nila nakuhang pag-ibig na gusto nila.
Ang puso kasi natin ay hindi tumatanggap kung ano nga ba ang makabubuti para sa atin. Basta para sa kanya kapag nasaktan siya ay parang iyon na ba ang katapusan ng kanyang buhay. Kaya nga dapat ay lagi nating nagagawang kontrolin ang ating emosyon kung talagang ayaw nating tuluyang magpakabaliw sa pag-ibig.
Ang tanong nga lang, kaya mo ba?