Kung kailan nagsimula ang paggamit ng mga herbs o ugat ng mga punong kahoy at halaman sa mga ritual at salamangka ay hindi tiyak, ngunit ang mga sinaunang sibilisasyon tulad ng Romano, Griyego, Druids, Arabe, Ehipto, at iba pa ay gumagamit na nito. Ang mga herbs ay nabanggit din sa bibliya tulad ng frankincense at myrrh na dala-dala ng Tatlong Haring Mago sa kanilang pagbisita sa Messiah. Ang mga nagpa-praktis ng mahika ay nagdadala ng iba’t ibang mga herbs bilang anting-anting at agimat sa paniniwalang ito ay magdadala ng suwerte, makahihikayat ng pag-ibig, at makatutupad ng anumang kahilingan.
Naririto ang ilang karaniwang herbs na maaaring mabili sa mga grocery stores at ang mga taglay nilang galing at kapangyarihan .
1. Bay leaf–mas kilala bilang dahon ng laurel. Ilagay lamang ito sa apat na sulok ng bahay mahadlangan ang anumang negatibong enerhiya at kamalasan sa tahanan.
2. Black mustard seed–Ito ay karaniwang gamit sa magica negra sapagkat kaya nitong makapagdulot ng sakit at pagkabagabag sa iyong kaaway. Magbudbod lamang nito sa harap ng inyong pintuan o front door.
3. Snake root–Ito ay ginagamit kung nais mong matanggal ang pag-ibig sa iyo ng isang taong hindi mo gusto. Kumuha lamang ng isang sisidlang telang kulay itim at ilagay dito ang ilang hibla ng buhok o pinagputulan ng kuko ng taong hindi mo gusto at samahan ito ng snake root. Ibaon ito sa lupa. Ang taong hindi mo gusto ay iiwas na sa iyo.
4. Alfalfa–Maglagay lamang nito sa front door upang pumasok ang suwerte sa tahanan.
5. Basil–Maglagay ng ilang piraso ng sariwa o tuyong dahon nito sa isang mangkok ng tubig at saka iwisik sa tindahan o lugar ng inyong negosyo upang makatawag ng suwerte at makapanghalina ng mga parukyano.
6. Chamomile–Maglaga lamang nito na siyang ipanghuhugas sa kamay bago magsugal upang kapalaran ay sumaiyo.
7. Rosemary–Maglagay ng ilang piraso nito sa ilalim ng iyong unan upang ikaw ay suwertihin.
8. Coriander–Maglagay nito sa isang maliit na pouch upang makaiwas sa anumang uri ng sakit gaya ng sakit ng ulo, lagnat, trangkaso, at iba pa.
9.Thyme–Magsunog nito sa loob ng bahay upang makaiwas sa anumang sakit ang mga nakatira dito.
10. Anise Seed–Kapag ito ay inihalo sa nasusunog na insenso, ang usok nito ay kayang magpalayas ng masasamang elemento sa paligid.