27.4 C
Manila
Wednesday, September 11, 2024

Mga Anghel na Walang Langit: ‘Sa Bukas Namin, Ano Ang Gagawin?’

Ang Kuwento ng mga Batang Kalye at Kabataang Pulubi

Sabado ng umaga ng makarinig ako ng malakas na pagkanta sa baba ng aming kwarto. Ako’y labis na nagulat at nagtaka nang makita ko na ang aking pinsan at pamangkin (pawang mga babae) ay kumakanta ng OPM at ito’y hindi pamilyar sa akin kaya nama’y pinakinggan ko ito nang mabuti.

Ngunit dahil nawawala sila sa tono, pinatigil ko sila sa pagkanta at kinuha ang aking cellphone (na kanilang ginagamit) para personal kong mapakinggan ang kantang may pamagat na, “Anghel na Walang Langit.” Matapos kong mapakinggan ang madamdaming kanta, hinanap ko ang liriko nito sa Internet at napag-alaman ko rin na ang kanta ay hango sa isang palabas sa telebisyon na naglalarawan ng mga buhay ng mga kabataang naghihirap at mga biktima ng pagsasamantala o eksploytasyon.

“Masdan kami batang kulang sa pagtingin

Kalinga ang hanap hindi makita pa rin

Pag-ibig lamang ang aming hiling

Bakit pinagdamot mga bagay na naisin

Kaya nangangarap na lamang ng gising

Na sana’y marating

Mga munting pangarap namin ay

Maging abot-kamay

At sana’y marating namin

Mga anghel kaming walang langit

Dinggin aming hiling

Ang aming panalangin

Sa bukas namin

Ano ang gagawin?

Sana’y marating

Ang hanap naming langit”

Kung ating aanalisahin nang mabuti ang makabagbag-damdaming liriko ng kanta sa itaas, ang bawat salita ay tila’y naglalarawan ng bawat hirap, pait, sakit, at lungkot na naranasan ng ilang kabataang Pilipino. Sila ay tinuturing na “pag-asa ng bayan,” ngunit parang nakakalimutan natin ang katotohanang kinahaharap ng iilan sa kanila kung saan sila ay naiiwang mamuhay nang mag-isa sa mga lansangan.

Tulad ng kanta sa itaas, may iilang katanungin din na binigyang-diin ni Jamie Rivera sa isa sa kanyang mga kanta na pinamagatang, “We are All God’s Children.” (Ang orihinal na liriko ay nasa Ingles ngunit isinalin ko ang unang talata sa wikang Tagalog na makikita sa ibaba).

“Nakikita niyo ba ang mga bata sa lansangan? Nilalakaran niyo ba ang mga bangketang tinutulugan nila? Naramdaman niyo ba ang kanilang kamay nang bigyan niyo sila ng limos? Binigyan mo ba sila ng tinapay na makakain?” — Ang mga katanungang ito ay payak lamang pero ang bawat sagot natin ay sumasalamin sa ating tunay na damdamin at pangunawa sa isyung ito.

Ang bawat tao ay may iba’t-ibang reaksyon tuwing tayo ay makakakita o makakasalubong ng mga batang pulubi o mga batang kalye. Ang iba ay naaantig at naaawa habang may iilang nagagalit o naiirita, at ang iba nama’y walang reaksyon, walang pakialam o deadma lamang.

Ngunit para sa isang bansang naniniwala sa mga salita ng Diyos, hindi ba’t pantay lamang tayong lahat sa Kanyang mata? Hindi ba’t hinihimok niya tayo na tulungan ang mga mahihirap, mga nangangailangan at mga mahihina na may tunay na kabaitan at kapakumbabaan? Pero bakit tila’y wala pa ring pagbabago?

Ang mga mahihirap ay lalong naghihirap. Ang ibang kabataan ay napapabayaan at ang karamihan sa atin ay nagbubulag-bulagan sa mga nangyayari sa ating paligid kaya naman ang mga batang ito ay kadalasang naiiwang naghihirap sa kadiliman at umaasa sa mga pangakong laging napapako.

Ang Pilipinas ay mayroong tinatayang 1.5 milyon na mga batang kalye at 1.8 milyon na mga inabandunang bata na nasa edad 17-taong-gulang pababa. Batay sa istatistika, karamihan sa mga kabataang ito ay mga lalaki. Mas kaunti ang mga batang babae dahil bukod sa iba pang mga kadahilanan, kadalasan tumutulong ang mga ito sa pag-aalaga ng kanilang nakababatang kapatid.

Sila din ay karaniwang pinapapasok bilang katulong sa mga pribadong tahanan, habang ang iba nama’y naaakit o natutukso o pinagbibili sa prostitusyon. At ang nakalulungkot, mahigit kalahati ng kabuuang populasyon ng mga batang kalye o street children sa Pilipinas ay lulong, gumagamit o lumalanghap ng solvent o rugby (isang uri ng toluene-based glue).

Ngunit ano nga ba ang dahilan kung bakit dumarami ang populasyon ng mga batang kalye? Ayon sa mga pag-aaral, mayroong tatlong pangunahing kadahilanan na nagtutulak sa mga kabataan na manatili o manirahan sa mga lansangan. Ang mga ito ay ang kahirapan ng pamilya, relasyon ng pamilya at ang impluwensya ng mga kagrupo o mga kaibigan.

Kapag pinagsama ang kahirapan, impluwensiya ng mga kaibigan, mga problema at istress sa buhay pampamilya tulad ng pagkawasak ng pamilya, pang-aabuso at pagpapabaya, karahasan sa kamay ng mga madrasta at amain, mga walang trabahong magulang atbp. ay lilikha ng hindi nararapat na presyur sa bata upang lisanin ang kanyang tahanan at maghanap ng kaaliwan, proteksyon at suporta mula sa kanyang mga kaibigan na naglalagi sa lansangan at sa kalaunan sila ay nagiging madaling maimpluwensiyahan ng kanilang mga ugali at uri ng pamumuhay.

Dahil sa paglaki ng populasyon, urbanisasyon, at paglilipat o pandarayuhan, ang mga kabataan ay kadalasang napipilitan (dahil sa mga pangyayari) na tulungang buhayin ang kanilang pamilya o buhayin ang kanilang mga sarili habang nasa mga lansangan. Karamihan sa kanila ay mga anak ng mahihirap na mga magulang na lumipat mula sa malalayong lugar sa pag-asa na makakahanap sila ng mas magandang oportunidad sa trabaho sa lungsod ngunit dahil sa kakulangan ng edukasyon, sila ay nahiripang makipagsabayan sa buhay sa kalunsuran at sa gayon ay nakakulong sa isang buhay ng labis na kahirapan.

Para sa mga batang kalye, ang pamumuhay sa mga lansangan ay isang walang-tigil na pakikipaglaban at pakikipagsapalaran upang mapagtagumpayan ang iba’t ibang mga negatibong elemento na nagbabanta sa kanila at sinisira ang kanilang pag-asa para mabuhay.

Nagtatrabaho sila sa ilalim ng init ng araw o sa kadiliman ng gabi mula anim hanggang 16 na oras, pitong araw kada linggo, at kadalasan ay nagkakaroon sila ng maraming o iba’t ibang trabaho, kung saan ang bawat isang gawain ay itinuturing na isang lehitimong paraan upang mabuhay.

Dahil ang mga batang kalye o batang pulubi ay naging bahagi na ng istrakturang panlungsod, gayon din ang mga sanhi nito — ang di-makatwirang sosyo-ekonomikong istraktura at kahirapan ng karamihan ng populasyon.

Ang mga sosyo-ekonomiko at pampulitikang mga kadahilanan ay direktang bumabangga sa pisikal, pang-ekonomiya, at psychosocial na dinamika at kundisyon sa loob ng pamilya at ang mga ito ay malaganap at patuloy na nagbabanta sa pamumuhay at kaligtasan ng pamilya.

Samantala, sino nga ba ang dapat sisihin o may pananagutan sa mga kabataang ito na sa halip ay nagsisipag pumasok sa paaralan, sila ay nakikipagsapalaran sa mga lansangan? Ayon kay Tony Katigbak ng Pilipino Star Ngayon, “kasalan ng mga pabayang magulang kung bakit nalilihis sa tamang landas ang kanilang mga anak.”

“Tayong mga magulang ang dapat maging modelo sa ating mga anak,” dagdag ni Katigbak. “Tayo ang unang tao na nakagisnan nila sa mundo. Tayo ang huhubog at mag-aakay sa kanila patungo sa tamang landas ng buhay.”

Kung iisipin natin nang mabuti, may punto at tama naman ang sinabi ni Katigbak. Ngunit ang mga magulang lamang ba ang dapat sisihin sa pagdami ng mga batang kalye sa Pilipinas? Hindi ba’t may pananagutan din ang lipunan at ang mga mamamayan nito? Sabi nga ng kandidatang nanalo sa Miss Earth 2017 pageant na si Karen Ibasco, “Ang tunay na problema ay tayo dahil sa ating ignoransiya at kawalan ng interes. Ang kailangan nating gawin ay simulan ang pagbabago sa ating mga sarili at simulan baguhin ang ating mga pananaw at isipan at ibahin ang ating mga hakbang dahil kung tayo ay magkakaisa, matutulungan nating iligtas ang ating mundo.”

Hindi ba’t tama naman siya? Kung tayo ay may malasakit sa mga kabataang Pilipino, nararapat lng na gawin natin ang ating makakaya para mailigtas sila sa mapariwarang buhay. Kaya siguro panahon na na tayo ay magkaisa at gawin ang ating bahagi. Huwag na nating hintayin na ang mga dayuhan pa ang hihimok sa atin para tulungan ang ating mga kababayan.

Tayo na’t pakinggan natin ang kanilang mga tinig at daing at nawa’y maging matapang at ipaglaban ang mga karapatan ng mga kabataang ito upang maibalik sa kanila ang karangalan, pag-asa at pagmamahal na karapat-dapat sa kanila. At mabigyan sila nang magagandang oportunidad at pagkakataon na magkaroon ng mas maliwanag at magandang kinabukasan.

Related Articles

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

- Advertisement -spot_img

Latest Articles

Join us today!

Get access to exclusive content

Are you ready to take your experience to the next level? Unlock a world of exclusive benefits by joining our premium content community. As a member, you'll gain access to a wealth of valuable resources, tailored specifically for you.