(Reprint)
Noong ika-15 ng Disyembre 2016, lubhang binatikos ang Miss Universe organization matapos nilang magsagawa ng swimming activity kasama ang mga butanding (whale shark) sa bayan ng Oslob, Cebu sa kabila ng pagtutol ng mga environmental group.
Ang whale shark, o butanding sa Tagalog, ay ang pinakamalaking marine species sa karagatan. Umaabot sila ng hanggang 420 metro sa haba, at tumitimbang ng halos 20.6 tonilada. Sa kabila ng kanilang nakamamanghang laki, sila ay mababait at hindi nananakit gaya ng mga great white sharks. Sila ay mga ‘filter feeders’ na karaniwang kumakain ng mga plankton bagamat sila ay mga carnivores. Nagsisimula silang magparami sa edad na 25 at maaaring mabuhay ng hanggang sa 100 taong gulang.
Ang mga butanding ay itinuturing ng International Union for Conservative Nature (IUCN) bilang highly endangered species.
• Noong Hulyo 2016, inanunsyo ng IUCN na mula sa pagiging vulnerable (higit sa 25% na pagbaba ng populasyon) naging endangered (higit sa 50% na pagbaba ng populasyon) na ang mga ito, papalapit sa kanilang tuluyang pagkaubos.
Ang pagbisita ng mga butanding sa Oslob ay naging isang mahusay na pinagkukunan ng kabuhayan ng mga mamamayan dito. Bago ito makilala bilang isang whale shark haven, isang mahirap na bayan ang Oslob na ang pangunahing pinagkukunan ng kabuhayan ay ang pangingisda at pagsasaka. Ang mga butanding ay nagdala ng malaking kita sa syudad dahil sa biglaang pagdagsa ng turismo. Sa katunayan, ayon sa regional Economic Development Council, kumita ang Oslob ng P35 milyon siyam na buwan matapos nilang simulan ang operasyon noong Enero 2013. (http://newsinfo.inquirer.net/428527/oslob-urged-to-stop-feeding-whale-sharks#ixzz2WWg1Ce38)
Magandang balita man ito para sa turismo ng bansa, mapanganib naman ito sa kalagayn ng mga butanding. Ayon sa ulat ng IUCN, ang lumalaking atensyon na binibigay ng mga tao ay may pinsalang dala sa mga naturang hayop. Sa katunayan, bumaba ng 63% ang populasyon nila sa loob ng 75 taon dahil sa panghuhuli at pagkamatay dahil sa mga aksidenteng pagtama sa elesi ng barko.
Ecotourism
Hindi na bago ang paggamit ng mga butanding bilang panghakot ng mga turista, sa katunayan matagal na itong ginagawa sa mga bansa gaya ng Mexico at Australia. Kung maayos na maisasagawa, malaking tulong ang maibibigay nito sa komunidad. Subalit ang maling pamamalakad dito ay maaaring humantong sa malaking kapinsalaan sa mga hayop.
Para mapangalagaan ang mga butanding, ang Australian government for ecotourism sa Ningaloo Reef ay nagtakda ng code of conduct na binubuo ng mga sumusunod: 1) pa isa isa lamang na bangka ang maaaring lumapit sa mga butanding 2) hindi hihigit sa anim na tao ang pwedeng lumangoy kasama ng mga butanding 3) kailangang magpanatili ng 3 metrong layo mula sa mga hayop 4) hindi pwedeng hawakan o harangan ang mga hayop. (http://www.sharks.org/blogs/science-blog/report-from-oslob)
Sa Pilipinas, ang Donsol ay matagumpay na nakapagtayo ng whale shark sanctuary sa pamamagitan ng pagkonsulta sa World Wildlife Fund. Mahigpit nilang ipinagbabawal ang paghawak at pagpapakain sa mga butanding. Sinisigurado din nila na hindi naaapektuhan ang natural na gawi ng mga hayop.
Problema sa Oslob
Ang problema ng Oslob ay wala itong pinatutupad na mga kongkretong panuntuan para masiguro ang kaligtasan ng mga hayop at pagtagal ng kanilang negosyo. Halimbawa, ang mga mangingisda ay patuloy na pinakakain ang mga butanding upang mapalapit ito sa baybayin. Bilang resulta, natututo ang mga hayop na dumepende sa tulong ng mga tao at unti-unting inuugnay ang mga bangka sa pagkain. Dahil dito, maraming mga butanding ang lumalapit sa mga bangka na karaniwang humahantong sa banggaan, aksidente, o pagkamatay ng mga ito dahil sa sugat na nakukuha mula sa pagtama sa mga bangka.
Nagdudulot rin ito ng pagbabago sa migratory process ng mga ito. Ang mga butanding ay nagtutungo sa mga tropikal na bansa tuwing taglamig at bumabalik sa Atlantic pagkatapos para doon manganak. Dahil sa pagpapakain sa kanila, mas pinipili nilang manatili ng mas matagal o kaya nama’y tuluyan na lamang na manirahan sa Oslob sa halip na bumalik sa Atlantic. Maiuugnay dito ang tuloy-tuloy at mabilis na pagbaba ng kanilang populasyon.
Isa pa sa mga problemang kinahaharap ng mga butanding ay ang mga ilegal na mangingisda. Naibebenta ng mahigit sa 30,000 dolyar ang karne ng mga butanding dahilan upang sila ay puntiryahin ng mga ito. Malaki ang demand sa kanilang karne at palikpik sa mga mamahaling restarant, samantalang ang iba pang mga bahagi katulad ng kanilang balat at langis ay ibinibenta sa mga kumpanyang gumagawa ng mga bag at gamot.
* Daan-daang mga butanding ang hinuhuli taon-taon sa mga bansa gaya ng China at Oman – kung saan kinukuha ang kanilang mga palikpik at tinatapon ang iba pang mga parte. http://www.australiangeographic.com.au/news/2016/07/whale-sharks-now-endangered/
* Itinatayang aabot sa 38 milyong mga pating ang namatay noong 2009 upang matugunan ang demand ng Asya para sa sharksfin ayon sa pag-aaral ng University of British Columbia sa Canada. http://www.abc.net.au/news/2013-06-04/an_shark-tourism-worth-more-than-shark-fisheries/4731406?site=brisbane
Matagal nang nagpoprotesta ang mga environmentalist at biologist upang matigil ang whale shark attraction sa Oslob, ngunit wala paring nangyayari. Ang mga mamamayan pati na ang mga lokal na opisyal ng pamahalaan ay patuloy na nakikipaglaban at naninindigan na kailangan nila ito para sa ikauunlad ng kanilang komunidad.
Paano tayo makatutulong
Ang Pilipinas ay isang napakagandang bansa na hitik sa mga likas na yaman. Ang problema, mas pinagtutuunan natin ng pansin ang paghanap ng paraan para tayo ay dayuhin sa halip na protektahan at linangin ang ating mga yaman na kusang makapanghihikayat ng turismo. Sa laki ng kita na nakukuha natin mula sa kalikasan, nararapat lamang na ito’y mapagtuunan ng higit na atensyon at pangangalaga. Walang mali sa paghahangad ng Oslob na mapabuti ang kanilang syudad buhat ng mga butanding, ngunit kailangan rin nilang isaalang-alang ang kapakanan ng mga ito.
Sa kabilang dako, makatutulong tayong protektahan ang mga butanding sa pamamagitan ng pag boycott ng mga produkto at serbisyong gumagamit ng mga ito, lalo na ang mga pagkaing hango sa karne gaya ng sharksfin soup at ang bersyon ng Pilipinas na sharksfin siomai. Ang pagbabahagi at pagkalat ng impormasyon tungkol sa kalagayan ng mga ito ay kinakailangan din upang maipalaganap ang kaalaman sa lahat ng mamamayan. Sa panggigipit at hindi pagtangkilik sa mga nasa likod ng nagpapatakbo nito, masisiguro natin ang pagbabago.