Kung sa tingin mo ay sobra na ang kamalasan na iyong dinaranas sa buhay, panahon na upang alamin mo kung paano mahahanap ang suwerteng laan sa’yo. Yung tipong malas ka na nga sa pag-ibig malas pa sa trabaho. Malas na sa kaibigan, malas pa sa pera. Ito ang mga sitwasyon na mapapaisip ka talaga. Kaya narito ang tips na makakatulong sa’yo kung paano ka naman susuwertehin sa buhay. Hindi man sa lahat ng aspeto at least sa ibang bagay.
1.Dapat mong alamin kung saan ka magaling. Kung minsan ay hindi lang natin alam at hindi pa natutuklasan na may itinatago pala tayong talento sa isang bagay. Kadalasan kasi ay nagpopokus na lang tayo sa kung ano ang nakagawian nating gawain o trabaho kaya hindi tayo nagkakaroon ng pagkakataon na tuklasin pa ang ating kahusayan. Malalaman mo ito kung pag-iisipan mo kung ano ang bagay o gawain na nagbibigay sa’yo ng labis na interes. Maaaring ito ang maghatid ng suwerte sa’yo.
2.Walang masama kung susubukan din ang mga ritwal na mula sa mga pinagkakatiwalaan mong tao na may kaalaman dito. Kung minsan ang maigting mong paniniwala ang siyang magbubukas sa’yo ng pagkakataon na makamtan ang benepisyo ng mga ritwal para makamtan ang suwerte. Kung hindi naman sapat ang iyong paniniwala sa mga ritwal para makuha ang suwerte ay huwag mo na lang itong gawin dahil mabibigo ka lang.
3.Ang pagkakaroon ng positibong pananaw ang kadalasan na nagiging daan upang mahanap natin ang suwerte. Tunay na mailap ang suwerte sa mga tao na walang inisip kundi ang kapangitan ng buhay. Yung tipong mas binibigyan ng oras ang pagrereklamo, pagmumukmok at galit sa kanilang buhay kaysa tumanaw sa mganadang umaga at gumawa ng paraan sa mas higit pang ikagaganda nito. Kung ikaw ay magiging positibo sa kabila ng mga pagsubok at kamalasan ay hindi hahayaan ng tadhana na hindi mo ito malampasan dahil may matibay kang pananalig na may mangyayaring positibo at ang suwerte ay darating sa’yo.