Ang maging isang empath o taong may kakayahang basahin ang emosyon at enerhiya ng kaniyang kapuwa ay tunay namang espesyal. Isa itong regalo at may mahalagang kahulugan sa spiritual world.
Bagama’t may mga tinatawag na inborn empath, kahit ikaw ay maaaring maging empath kung matututo kang maging sensitibo sa nararamdaman ng iyong kapuwa. Magagawa mo ito kung ilalagay mo ang iyong sarili sa kaniyang sitwasyon. Napakahalaga ang pagiging empath, dahil kung ikaw ay may pagsaalang-alang sa damdamin ng iyong kapuwa, maiiwasan mong gumawa ng anumang bagay na alam mong makasasakit sa damdamin ng iba.
Narito pa ang ilang tips kung paano ka magiging isang empath. Madali lang. Sa mundong puno ng mga mapanghusga at mapagmataas, napaka-importante na maging empath ka.
1. Alamin mo ang iyong mga emosyon. Yakapin mo ang iyong espirituwalidad at maging makatotohanan ka sa lahat ng pagkakataon. Tanggapin mo ang iyong inner self at kilalanin mo ang iyong spiritual being. Mahalagang baguhin mo ang ilang aspeto ng iyong behavior na alam mo naman negatibo ang epekto sa nakararami. I-focus mo ang iyong sarili sa iyong mga kalakasan na makatutulong sa iyong kapuwa.
2. Matutong makipagkapuwa-tao. Hangga’t maaari, matuto kang makisalamuha. Hindi ko naman sinasabi na tuluyang mong i-open ang lahat ng tungkol sa iyo. Sakto lamang dapat. Basta’t naririyan ka para sa iyong kapuwa sa oras na alam mo na kailangan nila ng kadamay.
3. Maging aware ka sa iyong body language. Ang body language ay manifestation ng iyong emosyon. Kung ikaw ay nakararamdam ng takot, ikaw ay pinagpapawisan. Ikaw ay nanginginig kapag ninenerbiyos. Nangyayari ito dahil ang katawan at isipan natin ay iisa. Magagawa mong mabasa ang emosyon at iniisip ng isang tao sa pamamagitan lamang ng pagtingin sa ekspresiyon ng kaniyang mukha.
4. Maging objective ka sa lahat ng pagkakataon. Bawat indibidwal sa mundong ito ay unique at may natatanging paraan ng pag-iisip, emosyon, pananaw, at aspeto ng pagkatao. Mahalagang maging objective ka sa lahat at huwag hayaang pangimbabawan ng sariling emosyon. Maging patas sa lahat at makipagkapuwa-tao na walang pagkiling.