Naranasan mo na bang magising sa kailaliman ng gabi dahil nakarinig ka ng mahinang tinig sa iyong teynga o isang bulong? Ang mga nakakaranas nito kalimitan ay iniisip na bahagi pa rin ito ng kanilang panaginip dahil sila ay galing dito at naalimpungatan lang. Pero parte pa nga ba ito ng iyong panaginip o isang senyales mula sa pamahiin? Narito ang sinasabi ng pamahiin tungkol dito.
Kapag ikaw ay nakarinig ng mga bulong sa hatinggabi, ito ay isang senyales na may taong malapit sa’yo ang magpapaalam. Maaaring siya ay isang kapamilya o kaibigan. Halimbawa, ikaw ay naalimpungatan dahil narinig mong tinawag ka niya, as in malinaw na malinaw sa pandinig mo na tila boses nga niya ang bumulong sa’yo at binanggit ang iyong pangalan, ito ay senyales ng isang pamamaalam. Kahit pa wala siyang ibang binanggit maliban sa iyong pangalan.
Kung ang bulong na naging dahilan naman ng iyong biglaang paggising ay hindi mo mawawaan o hindi mo maintindihan, ayon sa pamahiin, ito ay nagsasabi ng isang babala na meron kang dapat pag-ingatan sa iyong kasalukuyang sitwasyon. Ang halimbawa nito, kung ikaw ay nasa trabaho,dapat kang magfocus at huwag bigyang pansin ang mga negatibong bagay o tao sa paligid dahil maaari kang makagawa ng isang malaking pagkakamali na magpapahamak sa’yo at sa iyong trabaho.
Kung ang bulong naman na narinig mo sa iyong pagmulat ay tila paghihinagpis o yung akala mo ay umiiyak, ito ay may kinalaman sa iyong sariling kaligtasan. Ang bulong na ito ay binibigyan ka ng babala na dapat kang mag-ingat saan ka man pumunta dahil ikaw ay malapit sa kapahamakan. Maaari kang madisgrasya o kaya ay maka-encounter ng masamang tao. May katotohanan man o wala ang babalang hatid ng pamahiin, saan ka man magpunta at anuman ang iyong gagawin ay palagi ka pa ring maging alerto, doblehin ang pag-iingat at huwag kakalimutan na magdasal. Ito ay para na rin sa iyong ikakabuti.