May ilang relihiyon na naniniwala sa pilosopiya ng reincarnation kung saan sa sandaling ikaw ay mamatay, ang iyong kaluluwa ay muling mabubuhay sa panibagong katawan. Ang iba ay nagpapalagay na maaari kang maging hayop o halaman sa susunod na buhay, bagama’t mas marami ang naniniwalang ikaw ay magri-reincarnate pa rin bilang isang tao.
Bagamat ang reincarnation ay nananatili pa ring isang teorya magpasahanggang ngayon, ilang philosopher ang naglahad ng mga posibleng signs o palatandaan upang masabi mo na ikaw ay dumaan na sa proseso ng reincarnation.
1. Paulit-ulit na panaginip. Lahat tayo ay nananaginip at ito ay normal na proseso na pinagdaraanan ng ating utak kapag tayo ay natutulog. Mahalagang isaalang-alang ang paraan ng iyong panaginip upang masabi kung ito pahiwatig ng iyong nakaraang buhay. Kung ang panaginip mo ay may paulit-ulit o recurring dreams na nagaganap sa isang partikular na yugto ng kasaysayan, o eksena ng kamatayan, ito ay malinaw na palatandaan na ang iyong panaginip ay walang iba kundi bahagi ng memorya o alaala mula sa iyong past life.
2. Birthmarks at Birth defects. Pinaniniwalaang ang mga natamong pinsala ng ating katawan sa ating nakaraang buhay ay mababakas sa ating present-life body sa pamamagitan ng mga birthmarks o balat at birth defects. Sa loob ng 48 taong pagsasaliksik ng psychologist na si Dr. David Davidson ng Virginia sa larangan ng reincarnation, napatunayan niya sa mahigit 2,500 case study na kanyang ginawa na ang mga birthmarks at birth defects ay may kinalaman sa injury na tinamo ng isang tao sa kanyang pastlife. Isa sa kanyang test subject mula sa Turkey ang nakaalala ng kanyang past life at nagsabi na siya ay namatay sa tama ng shotgun sa kanang bahagi ng kaniyang ulo. Ang test subject nga niyang ito sa kasalukuyan ay may defects sa kanang tainga at ang kanang bahagi ng kanyang mukha ay underdeveloped. Sinabi na Dr. Davidson na ang mga balat sa katawan ay marka ng mga pahirap na posibleng tinamo ng isang tao sa kanyang nakaraang buhay. Ito ang paliwanag kung bakit ang ilan sa birthmarks ay tila hugis ng latay, bakas ng tanikala at bugbog.
3. Déjà vu. Minsan sa ating buhay ay nakararanas tayo ng ilang pangyayari na sa wari natin ay naganap na. Ngunit, kung ang déjà vu na nararanasan mo ay paulit-ulit na, ito ay palatandaan ng mga alaala o memorya mula sa iyong past life, na naa-associate mo sa kasalukuyan mong buhay. Isang batikang past life regressor na si Dr. Brown Weiss ang nagsagawa ng past life regression sa ilan niyang test subject. Ang mga ito ay malinaw na nakaalala ng ilang emosyon at pangyayari sa kanilang past life.Nang ang mga ito ay ikumpara sa kanilang kasalukuyang buhay, halos 90% ng past life events ay tumugma. Ito ay patotoo sa kasabihang, history repeats itself.
4. Mga special skills. Lahat tayo ay may natatanging kakayahan at talento na maaaring namana natin sa ating mga ninuno at magulang sa tulong ng genes at DNA o tinatawag na heredity. Ngunit, may ilang bata na kapansin-pansin at sadyang kagila-gilalas ang naipapakitang special talents at skills kahit sila ay dalawang taon pa lang! Ang iba ay marunong tumugtog ng mga instrumentong pangmusika. Mayroon ding mahusay mag-painting, sumulat ng mga tula’t kuwento, at sa numero. Ang mga batang hindi ay hindi dumaan sa kahit anong special training dahil kusa nilang naipapamalas ang kanilang special skills. Ito ay malinaw na indikasyon na ang mga talento nila ay nadala nila mula sa kanilang past life. Kaya kung ang isang bata ay mahusay tumugtog ng piano, walang duda na siya ay isang pianist noong nakaraan niyang buhay. Sabi nga ni Plato, knowledge is just a memory. Kaya hindi kataka-taka kung madala man natin ang ilang nating kaalaman at talento sa ating past life sa kasalukuyan nating buhay.
5. Phobia. Ang takot ay parte ng survival instinct. Ito ay maaaring ma-develop habang tayo ay nagkakaisip. Ang takot ay dulot ng mga masasamang pangyayari sa ating buhay na ayaw na nating maranasan muli. Samakatuwid, anumang kinatatakutan natin sa ating nakaraang buhay ay naka-record sa ating espiritu at madadala natin sa ating kasalukuyang buhay. Ito ang paliwanag kung bakit ang iba ay sobrang takot sa tubig o may hydrophobia. Ito ay nagsasabi na maaaring namatay ang taong iyon sa tubig sa nakaraan niyang buhay kaya ganoon na lamang ang takot niya sa tubig, dahil ayaw na niyang malunod muli.