Bahagi na ng kulturang Pilipino ang paniniwala sa kakayahan at “galing” na taglay ng mga agimat at anting-anting. Bagama’t ito ay hindi orihinal na nagmula sa atin, ito ay ina-adopt na natin sa ating kultura at nagawang Pinoy na Pinoy.
Maraming kakatwa o kakaibang paraan ng pagkuha ng agimat at anting-anting. Palasak dito ang kuwento ng isang matandang ermitanyo na kailangan mong tulungan upang ikaw ay pagkalooban ng anting-anting o agimat. Sa ibang bersyon, ito ay nakukuha mula sa kalikasan tulad ng pagkuha nito sa puso ng saging habang ikaw ay nakanganga. Mayroon ding kuwento nang pakikipagtunggali sa mga maligno at engkanto gaya ng kapre, tikbalang, at duwende para makuha mo ang ninanais mong anting-anting at agimat.
Magkaiba ang bisa ng anting-anting sa agimat. Sa Ingles, ang anting-anting ay tinatawag na “amulet” Ito ay karaniwang nasa anyong medalyon o kaya ay panyo. Ito ay nagbibigay proteksyon sa nagmamay-ari nito. Samantala, ang agimat naman, o “talisman” sa Ingles, ay nagbibigay ng kakaibang kapangyarihan sa sinumang humahawak nito. Ito ay nasa iba’t ibang hugis at anyo.
Narito ang listahan ng mga Anting-anting at Agimat na makikita sa iba’t ibang panig ng Pilipinas.
Odom ng mga Bikolano o Satagabulag – nagbibigay kakayahang “taga-bulag” o maging invisible sa paningin ng taong iyong iniiwasan.
Sa Gabe o Wiga – Ang sinumang mayroon nito ay hindi mababasa ng ulan kahit pa suungin niya ay bagyo.
Sa Tagahupa – Ito ay may kakayahang paamuin ang isang taong nagagalit.
Pulang Korales – isang uri ng Coral na sinasabing may kakayahang humigop ng swerte sa paligid.
Karbungko -Ito ay pinapaniwalaang nasa pag-iingat ng mga ahas. Ang batong ito ay mainam sa mga treasure hunters dahil ito ay umiilaw kapag napatapat sa isang lugar na may nakabaong ginto.
Tagaliwas – hindi tatablan ng bala ng baril o kahit anong armas na makapamiminsala ang sinumang magtalay nito.
Kabal – ang taong may taglay nito ay hindi tatablan mga sandatang may talim tulad ng kutsilyo, itak o bolo, at samurai.
Agsam -ito ay isang uri ng baging na tanging sa mga kagubatan lamang ng Mindanao matatagpuan. Ginagawa itong bracelet na may kakayahang magtaboy ng masasamang espiritu, engkanto at mga lamang lupa.
Pamako -may kakayahang paralisahin ang mga nakakaalitan o sinumang naisin.
Pangil ng Kidlat – magtatagpuan sa mga lugar na tinamaan ng kidlat.Hindi masusukat na lakas ng pangangatawan ang ipinagkakaloob nito sa sinumang magmay-ari.
Libreto – ito ay nagtataglay ng sumpa, maaring malaki o maliit, at ang hugis ay kuwadrado, may bilog, may trianggulo at may pahabang aklat.
Insignias- kapirasong tela na may sagradong dasal at orasyong nakasulat.
Upang maging mabisa ang isang agimat at anting-anting, ang mga ito ay kinakailangang konsagrahin o buhayin sa tamang oras at araw ng pagganap, at saka alagaang pakainin ng mga orasyon at dasal.
Ang agimat at anting-anting ay karaniwang pag-aari ng isang tao na kinakailangang ipamana sa kanyang panganay na anak na lalaki o sinumang kapamilya. Ito ay patuloy na nagpapasalin salin sa bawat henerasyon. Ang tagapagmana ay kailangang sundin ang mga patakaran sa tamang paggamit nito dahil kung hindi, ang bisa ng agimat at anting-anting ay mawawala.
Ang agimat at anting-anting ay higit na malakas sa panahon ng Kuwaresma o Semana Santa. Kailangan din magsagawa ng panibagong ritwal o dasal sa mga panahong iyon upang maging mas mabisa ito at epektibo.