27.9 C
Manila
Wednesday, February 28, 2024

MARIA MAKILING 101

 Sino nga ba ang hindi nakakakilala kay Maria Makiling? Siya ay naging bahagi na ng mayamang kalinangan at kulturang Pilipino. Ang kuwento tungkol sa maalamat na diwata ay nagpasalin-salin na sa mahabang henerasyon, at patuloy na mabubuhay sa pantasya at imahinasyon ng mga Pilipino.

Sino Si Maria Makiling?

        Si Maria Makiling ang diwata ng Bundok Makiling. Bago dumating ang mga Espanyol, kilala si Maria Makiling bilang si Dayang Masalanta o Dian Masalanta. May kapangyarihan siyang pigilan ang mga kalamidad tulad ng lindol, baha, at bagyo. Siya ang tagapag-ingat at tagapagyaman ng Bundok Makiling. Sinasabi rin ng ilan na siya ang dahilan kung bakit maraming huling isda sa Laguna de Bay. Ipinagpapalagay kasi na ang lawa ay bahagi ng kaharian ni Maria Makiling. Ayon sa mga matatandang kuwento, kadalasang nakikita si Maria Makiling na nag-aayos ng mga sirang sanga at humapay na puno pagkatapos ng malakas na bagyo.

Si Maria at ang Kaniyang Kaharian

        Ang Bundok Makiling ang siyang teritoryo o kaharian ni Maria Makiling. Ipinangalan ang bundok sa kaniyang karangalan.

        Pinapaniwalan na si Maria Makiling ay isang maganda at maamong diwata, ngunit nagiging mabalasik na halimaw sa sandaling lapastangin ang kaniyang bundok.

        Ayon sa alamat, dalawang mangangaso ang walang habas na humuhuli ng mga usa at ibon nang walang paalam sa bundok. Bilang parusa ay iniligaw sila ni Maria Makiling. Gabi na ay hindi pa rin makalabas ng kagubatan ang dalawang gahamang mangangaso. Bigla raw ay nakarinig ang dalawa ng napakalakas na atungal at mabibigat na yabag na tila tumatakbo patungo sa kanilang lugar. Sa takot ay nangaripas ng takbo ang dalawang mangangaso hanggang sa makalabas sila ng kagubatan. Kumalat ang balitang karanasan ng dalawa at napagtanto na si Maria Makiling ang nagparusa sa kanila. Magmula noon ay hindi na nangahas pa ang dalawang mangangaso na umakyat muli ng bundok.

        Kilala rin si Maria Makiling sa pagkakaroon ng ginintuang puso sa mga nangangailangan. Isang mangangahoy naman ang nakatikim ng kabutihan ng diwata. Naligaw diumano ang mangangahoy sa kagubatan nang may matanawan itong isang maliit na dampa. Nakituloy rito ang mangangaso upang makikain. Malugod naman siyang tinanggap ng matandang babae na may-ari ng bahay. Pagkakain ay pinabaunan pa raw siya nito ng isang sako ng luya. Nang pababa na ng bundok ang mangangahoy ay naramdaman nito na unti-unting bumibigat ang kaniyang dalang sako. Dahil dito ay itinapon ng mangangahoy ang ilan sa luyang laman ng dala niyang sako. Ngunit, anong pagkabigla at panghihinayang nito sapagkat pagkauwi niya ng bahay ay natuklasan niyang naging ginto pala ang mga luyang laman ng sako.

Pahuling Salita

        Hanggang ngayon ay wala pa namang nakakapagpatunay sa katotohan ng pag-iral ng diwatang si Maria Makiling. Siya ay manananatiling bahagi ng kuwentong-bayan at mga alamat.

Related Articles

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

- Advertisement -spot_img

Latest Articles

Join us today!

Get access to exclusive content

Are you ready to take your experience to the next level? Unlock a world of exclusive benefits by joining our premium content community. As a member, you'll gain access to a wealth of valuable resources, tailored specifically for you.