Ituloy na natin ang pag-aanalisa ng mga panaginip na naitala sa Biblia at kung paano ito binibigyang kahulugan.
Tulad ng naipaliwanagna noong nakaraang araw, aanalisahin natin ang mga panaginip na naitala sa Banal na Kasulatan o sa Biblia, upang maunawaan natin ang istilo kung paano iniintrepret ang nasabing mga panaginip.
Noong nakaraan araw, dalawang panaginip ang ating itinampok, Una, ang panaginip ni Abimelech at ang panaginip ni Jacob.
Ngayon naman dadako tayo sa ikalawang panaginip ni Jacob.
3. Ang Ikalawang Panaginip ni Jacob
Sa Genesis 31:11-13 matatagpuan ang ikalawang panaginip ni Jacob, kung saan, “isang anghel ng Diyos ang sa kanya ay tumawaga.” Ganito ang kuwento:
“Sa panahon ng pag-aasawahan ng mga hayop, ako’y nanaginip.Nakita ko na pawang batik-batik ang lahat ng barakong kambing. Sa aking panaginip, tinawag ako ng anghel ng Diyos at ako nama’y sumagot. Ang sabi sa akin, ‘Jacob, masdan mo ang lahat ng mga barakong kambing, silang lahat ay may batik. Ginawa ko ito sapagkat alam kong dinadaya ka ni Laban.
Ako ang Diyos na nagpakita sa iyo sa Bethel na kung saan ay binuhusan mo ng langis ang isang bato bilang alaala. Doon ay gumawa ka rin ng isang panata sa akin. Maghanda ka na at umalis ka sa lupaing ito; umuwi ka na sa iyong lupang sinilangan.’”
Mapapansing matapos na magpakita kay Jacob ang anghel ng Diyos, sinunod niya ang lahat ng inutos nito – umalis si Jacob sa nasabing lupain. Bagamat hinabol siya ni Laban na kanyang biyenan, kinausap naman si Laban ng Diyos sa panaginip.
4. Ang Panaginip ni Laban
Ganito ang kuwento sa Genesis 31: 22-25
“Makaraan ang tatlong araw, nalaman ni Laban ang pag-alis nina Jacob. Isinama niya ang kanyang mga tauhan at hinabol nila si Jacob. Inabot nila ito sa bulubundukin ng Gilead pagkaraan ng pitong araw.
Nang gabing iyon, si Laban ay kinausap ng Diyos sa pamamagitan ng panaginip. Sinabi sa kanyang huwag pagbabantaan ng anuman si Jacob. Nang dumating si Laban, si Jacob ay nakapagtayo na ng kanyang tolda sa kaburulan. Nagtayo rin ng tolda si Laban sa kaburulang iyon ng Gilead.”
Kahulugan ng Anghel sa Panaginip
Sa nasabing dalawang panaginip, mapapansing ang isang taong kinalulugdan ng Diyos (tulad ni Jacob) ay talaga namang mananaginip ng mga “prophetic dreams”. Ang kadalasang napapanaginipan ay ang “pagpapakita ng anghel ng Diyos upang siya’y kausapin, bigyang babala o kaya naman ay may ipapagawa sa kanya ang Diyos at sa sandaling siya ay sumunod sa ipinapakagawa sa kanya ng Diyos siya ay tiyak na pagpapalain, hindi lang siya ang pagpapalain kundi ang kanyang buong angkan at ang kanyang salin at saling lahi.”
Sa sandaling ina-apply natin ang nabanggit na mga panaginip sa Bibliya na ating sinusuri sa aktuwal na buhay sa kasalukuyan, madali nyo ng mahihinuha ang ganitong katotohanan:
1. Kung ikaw ay isang taong matuwid at kinalulugdan ng Diyos, magpapakita ang anghel ng Diyos sa iyong panaginip.
2. Kakausapin ka ng Diyos sa pamamagitan ng kanyang anghel.
3. Bibigyan babala ka, may iuutos sa iyo at kapag sinunod mo ang kanyang utos, ikaw ay pagpapalain.
Nagpapatunay din ito na sa sandaling “nakapanaginip ka ng anghel, ito ay malinaw na pahiwatig na sa mga sandali ng iyong panaginip, maaring kinakausap ka mismo ng Diyos.”