Tunghayan naman natin ang panaginip ni Gina tungkol sa nagka-boyfriend siya at binigyan ng singsing.
Ganito po ang panaginip ko, may boyfriend na raw ako. Tapos, may ibinigay siyang singsing. Ngayon, hinahanap ko sa daliri ko e wala, hindi ko suot. Tapos, lumapit ako sa BF ko, tinanong ko, “wala ang singsing ko, na sa‘yo ba?” Walang sagot. Pero sabi niya, “Nasa ‘yon!” Kaya, hinanap ko sa lalagyan ng accessories ko. Una, hindi ko makita, pero nakita ko rin at sinuot ko. Mga silver lang ang laman ng accessories ko pero bakit sa panaginip ko may mga gold na hikaw, tapos ang singsing ko ng makita ko’y gold din na may baro na maliit. At ng suot ko na sa palasinsingan ko sa kaliwang kamay pati ang paborito kong singsing na silver na pang-engagement na binili ko dati ay naging gold din. Kaso parang hindi maganda kapag pinagsama mo silang isinuot pareho kasi daw silang malapad. Tapos nagising na ako.
KASAGUTAN:
‘Yung “may boyfriend ka na sa panaginip mo” pero sa totoong buhay ay “single ka pa rin o wala ka pa ring boyfriend” ito ay nangangahulugang tinupad ni “unconscious self mo” ang “wish ni conscious self”, kaya naman tulad ng nangyari na at totoong naganap, pero sa panaginip mo nga lamang ikaw ay nagka-boyfriend.
Ang ganitong uri ng panaginip ay tinatawag ng psychologist na si Sigmund Freud na “wish fulfillment dreams” kung saan, katulad ng madalas ko ng nile-lecture at sinasabi sa inyo, “kadalasan kapag natulog ka ng gutom, malamang na ang mapanaginipan mo ay mga pagkain!”
Ganoon din naman kapag may babae o lalaking crush na crush ka sa inyong school at pagkatapos ay hindi mo siya magawang kausapin man lamang, dahil sa sobrang mahiyaain ka, “sa’yong pagtulog malamang na mapanaginipan mong magkasama kayo ng crush mo, nag–uusap at parang magkasintahan.”
Ang mga ehemplo o halimbawang binanggit na sa itaas, ay mga uri ng “wish fulfillment dreams” kung saan, sa ating pagtulog “dahil love tayo ng isa pa nating sarili o mahal tayo ng ating inner self”, sa ating pagtulog sa pamamagitan ng panaginip, “tinutupad at binibigyang katotohanan ni unconscious self” ang mga bagay na hindi nangyayari kapag tayo ay gising.”
Kaya, sa’yong panaginip, Gina, malinaw na malinaw may boyfriend ka na at binigyan ka pa ng engagement ring kahit na sa totoong buhay ay single ka pa rin sa kasalukuyan.
Samantala, ano ba ang ibig sabihin ng “ring o singsing” sa panaginip lalo na at ito ay kulay ginto?
Tunay ngang dahil ang “singsing ay hugis bilog” ito ay walang sulok, at wala ring katapusan, ito ay nagpapahiwatig ng “eternity”. Kaya nga kung ibibigay mo ang singsing sa iyong minamahal, ito ay nagbabadya ng isang walang katapusan at walang kahulilip na pagmamahalan.
At dahil “gold ang elementong sangkap na kadalasang uri ng singsing na ginagamit sa wedding ring” bukod sa ang engagement ring ay nagpapahiwatig ng “walang katapusang pagmamahalan, ito rin ay nagbabadya ng isang masagana at maligayang pag–iibigan habang buhay.”
Halos ganoon din ang ibinabalita sa’yo ng iyong panaginip, Gina, kung saan, sa malapit na hinaharap, pupuwedeng sa totoong buhay ay magkaka-boyfriend ka na.
Ang naging problema nga lamang sa iyong panaginip ay “Oo nga’t isinuot mo ang singsing na bigay sa iyo n iyong boyfriend, ito ay bigla namang nawala sa iyong daliri.”
Ibig sabihin, may isang panahong minsan ka ng pinagkalooban ng isang wagas ay masaya sanang relasyon, pero dahil hindi mo ito iningatan, ito ay agad ding binawi sa iyong kapalaran.
Pero, wag kang malungkot, dahil tulad sa pinapahiwatig ng iyong panaginip, “may isang lalaki uling darating na susuutan ka ng singsing sa iyong mga daliri” pero ang payo ng iyong unconscious self kung sakaling may dumating uling lalaki sa buhay mo, “wag mong iwawala o sikapin mong bantayan ang iyong singsing sa iyong daliri, pahalagahan mo ito at mahalin” na nagpapahiwatig ding kung may dumating mang bagong relayson sa iyong buhay o sa iyong karanasan, ito ay sobrang iingatan mo na talaga.
Sa ganyang paraan lamang, iningatan mo ang ugnayang paparating na sa kasalukuyan, sa muli mong panaginip, hindi na uli mawaala ang singsing sa iyong daliri.
Pero may isa pang problema sa iyong panaginip, Gina, kung saan, ‘yong tagpo na “suot mo na iyong singsing” ay nagawa mo pang pintasan ng sinabi mong “Kaso parang hindi maganda kapag pinagsama mo silang isinuot pareho kasi daw silang malapad.” Ibig sabihin, tulad ng nasabi na, pinagkalooban ka na dati ng karelasyon pero dahil sa mapili ka at palapintas, ang relasyong dapat ay pang habang buhay na, ay humulagpos at nakawala pa sa iyong piling.
Kaya tulad ng payo o advice na binanggit na sa itaas, sa susunod kapag binigyan ka uli ng ka-relasyon ng kapalaran, anuman ang itsura ng nasabing lalaki, anuman ang ugali niya, hindi mo siya dapat pansinin o kilatisin pa ng todo, kumbaga, “ano ngayon kung “malapad o hindi maganda ang singsing” ang mas mahalaga, “may wedding ring ka, ang mahalaga may engagement ring ka” na sumasagisag ng isang maligaya at pang habang buhay na pag-aasawa.
Kaya nga sa sandaling sinunod mo ang mga payo at advice na tinuran na sa itaas, Gina, sa iyong pagtulog at kapag muli kang nanaginip ganito na ang iyong panaginip: “may magsusuot uli sa mga diliri mo ng gintong singsing, iingatan mo na itong mabuti, hindi mo na ito pipintasan pa at mananatili na ito sa iyong mga daliri at hindi na mawala kailanman”, – tanda na kapag nagkaroon ka na uli ng mamahalin, ang bubuuin ninyong relasyon ay magiging maligaya at magiging pang habambuhay na.