Sa mitilohiyang Pilipino, inilalarawan ang mga Engkantada bilang isang napakagandang dilag na may alon-alon at napakahabang buhok na umaabot hanggang tuhod. Sinasabi rin na siya ay nadadamitan ng napakaputing saya at napapalamutian ng mga bulaklak sa ulo. Sa ibang pangkat-etniko, inilalarawan naman ang mga Engkantada bilang mababangis na halimaw.
Ayon pa sa mitilohiyang Pilipino, ang mga engkantada ay bantay o tagapangalaga ng mga bundok at kaparangan. Ang matinding paniniwala ng mga Pilipino sa mga engkantada ay mababakas pa rin hanggang sa modernong panahon. Limang bundok sa PIlipinas ay kinategoryang mystical mountain dahil pinaniniwalaang ito ay tinitirahan ng Engkantada. Halimbawa na dito ay ang pamosong Mt. Makiling na siyang kaharian ni Maria Makiling, at ang Mt. Arayat na pinagyayaman ng diwatang si Maria Sinukuan.
Ang paniniwala sa mga nilalang na ito ay kasintanda na ng ancient world. Sa Greece, sila ay tinatawag na Daemons. Ang mga Daemons ay nahahati sa iba’t ibang uri. Mayroong tinatawag na guardian spirits, helpful spirits, four elemental spirits (air, water, land, fire), spiritus loci o espiritung nananahan sa isang lugar, Muses, at ang Higher Beings. Pinaniniwalaan ng mga Griyego na ang mga Muses at Higher Beings ay may kakayahang impluwensiyahana ng isip at damdamin ng isang tao. Pinaniniwalaan na si Socrates ay ay Muses na siyang nagdidikta sa kanya ng mga karunungan.
Ang physician, philosopher, at alchemist na si Paracelsus ang siyang nagkategorya sa mga Engkantada sa Apat na Klase. Ayon kay Paracelsus, hindi katulad ng mga tao na may sangkap na apat na element ng Daigdig, ang mga Engkantada ay may sangkap lamang ng alinman sa apat na element. Sinabi rin ni Paracelsus na kung ang tao ay nasa physical realm o three dimensional world, ang mga Engkantada ay nakapaloob lamang sa isang single vibration energy kung saan sila namumuhay. Pinaniniwalaan din ni Paracelsus na ang mga Engkantada ay may kakayahang magwangis tao upang makahalubilo sa mundo natin. Ang mga Engkatanda, hindi kagaya ng mga tao, ay walang nakapaloob na kaluluwa kaya hindi sila saklaw ng karmic state.
Narito ang apat na uri ng mga Engkantada ayon kay Paracelsus.
1. Earth Elementals
Saklaw ng kapangyarihan ng mga Engkantada ng Lupa na pamunuan ang mga bato, bulaklak, puno, at mga mineral na nasa ilalim ng lupa. Sila ay mga tagabantay ng mga nakatagong kayamanan. Sila ay naninirahan sa mga kakahuyan at mga kuweba. Pinangangalagaan nila ang iba pang engkantong-lupa tulad ng mga duwende. Sa Pilipinas, pinakakilalang Engkantada ng Lupa ay si Maria Makiling. Pinaniniwalaang ang mga Engkantadang ito ay may kakayahang magwangis tao at makihalubilo sa mga mortal. Sa sandaling ang Engkantandang Lupa ay lokohin at saktan, sila ay nagiging mabalasik at mapanganib na halimaw.
2. Water Elementals
Tinatawag ding mga Undin, ang mga Engkantadang Tubig ang silang tagabantay ng mga anyong-tubig tulad ng bukal, batis, ilog, lawa, talon, karagatan, at iba pa. Saklaw din ng kanilang kapangyarihan ang ulan at hamog. Pinamumunuan ng mga engkantada ng tubig ang iba pang mga engkantong-tubig tulad ng mga sirena at siyokoy. Ang mga engkantadang tubig ay may kakayahan ding mag-anyong tao. Sila ay emosyonal, mapagmahal, magaganda, at matulungin sa mga nangangailangan.
3. Fire Elementals
Pag-aari nila ang usok at apoy. Kaiba sa mga naunang engkantada, ang Engkantadang Apoy ay mailap sa mga tao. Sila ay naninirahan sa mga bulkan at bitak ng lupa. Ayon kay Parcelsus, ang mga Engkatandang Apoy nagpapakita sa mga tao sa anyo ng bolang apoy o “santelmo”. Pinamumunuan nila ang mga Lambana o maliliit na diwatang may pakpak na tulad ng sa mga tutubi. Ang mga nagkukumpulang alitaptap ay isang pahiwatig na nasa paligid ang engkantada ng apoy.
4. Air Elementals
Pinaghaharian ng mga Engkantada ng Hangin ang mga ulap, niyebe, damuhan, at siyempre, ang hangin. Ang mga engkantadang ito ay naninirahan sa ituktok ng mga kabundukan, o kaya ay nagpapalibot-libot sa daigdig sa anyo ng Hangin. Ang engkantada ng hangin ay iniuugnay din sa katalinuhan at inspirasyon. Pinaniniwalaan na sila ang nagbibigay ng inspirasyon sa mga manunulat, musicians, poets, at artist upang makalikha ng mga obra.
Napakarami nang naitalang anekdota tungkol sa mga Engkantada at kanilang mga taglay na kakayahan, karakter, at kapangyarihan. Ngunit, hanggang ngayon ay hindi pa rin kinikilala ng Siyensiya ang kanilang pag-iral. Gayumpaman, kung ang pagbabasehan ay ang mga testimonya ng ilang mga taong diumano ay kanilang pinagpakitaan, mapapaisip ka rin kung totoo ba sila o hindi. Pero, sabagay, marami pa namang bagay ang sadyang hindi pa naipapaliwanag ng Science. Kaya hindi dapat balewalain ang posibilidad na naririyan nga lang sila at nagbabantay.