Bago pa man dumating ang mga mananakop, ang mga sinaunang komunidad sa Pilipinas ay naniniwala na sa mga aswang. Iba’t ibang klase ng aswang ang kinatatakutan ng mga Pilipino. Sila ay nahahati sa dalawang pangkat: ang mga bangkilan at karaniwang aswang.
Ang bangkilan ay uri ng mga aswang na sinasabing nagmula sa angkan ng mga ka-Datuan, May kakayahan silang magsa-anyong hayop tulad ng aso, ibon, o baboy-ramo. May kakayanan din silang gawing aswang ang karaniwang tao sa pamamagitan ng pag salin ng perlas na itim mula sa kanilang bibig sa taong nais nilang maging aswang.
Samantala, ang mga karaniwang aswang na tinatawag ay iyong mga mukhang tao sa umaga. Sila ay nakikihalubilo sa mga karaniwang tao, nagtatrabaho, kumakain ng karaniwang pagkain, nagsisimba, at gumaganap ng iba pang aktibidad ng mga normal na tao. Ngunit, pagsapit ng kabilugan ng buwan, sila ay nagpapalit anyo upang lumamon ng lamang loob at uminom ng dugo ng mga tao. May iba’t ibang uri ng karaniwang aswang. Ang Asbo at Awok ay nagpapalit anyo bilang malaking aso at baboy ramo upang kumain ng laman-loob ng mga tao, samantalang ang Abwak ay naninila ng kanilang biktima sa anyong bayawak. Pinakapopular sa mga karaniwang aswang ang mananaggal at tiktik. Ang manananggal ay may kakayahang hatiin ang katawan sa dalawa at magkaroon ng pakpak na katulad ng isang paniki samantalang ang tiktik ay kayang pahabain ang dila upang higupin ang ang sanggol mula sa sinapupunan ng isang nagdadalang-tao. Sa bandang katimugang bahagi ng bansa, kilala ang Mandurugo bilang isang maganda at maamong dilag sa umaga ngunit nagiging ibong mandaragit sa gabi. Pinapaniwalaang sila ay mga dating Kinnari o kalahating diwata at kalahating tao o engkantao na naging aswang matapos lokohin ng lalaking iniibig. Pinapangilagan naman tuwing may lamay o burol ng patay ang pag-atake ng Balbal na isang uri ng aswang na kumakain ng karne ng patay na tao. Matalas ang pang-amoy ng balbal sa bangkay. Pinapalitan niya ng katawan ng saging ang bangkay upang hindi malaman ng mga kaanak ng namatay na nilamon na niya ang bangkay. Kinatatakutan naman ng mga mangingisda ang Magindara na isang aswang-tubig. Sila ay kawangis ng mga sirena ngunit lumalamon ng tao. Ginagamit nila ang maganda nilang mukha upang malinlang ang mga mangingisda.
Sa Pilipinas, ang mga aswang ay pinaniniwalaang naka-sento sa mga isla ng Panay, Capiz, at Siquijor. Ang pagiging aswang ay maaaring namamana o hereditary (katulad ng mga psychic ability), o acquired o maaaring aralin. Yaong mga ipinanganak sa lipi ng mga aswang ay may natural kakayahang magpalit anyo sa anumang hayop na kanilang naisin upang malansi ang kanilang biktima. Sa ibang salita, sila ay may kapangyarihang “shape shifting” sa terminolohiyang Ingles. Yaong mga nag-aaral naman ng itim na mahika ay umuusal ng mga orasyon, nagpapahid na langis sa katawan, o kaya ay lumulunok ng “mutya” o maliit na batong itim o puti upang makapagpalit ng anyo bilang halimaw o hayop.
Ang pagiging aswang ay maihahanay sa ilang active psychic power kagaya ng telekinesis, levitation, at materialization o pagpapalabas ng pisikal na bagay gamit lamang ang isip. Ang pagkain ng lamang-loob o pag-inom ng dugo ay maaaring parte lamang ng seremonyas upang mabuhay ang kanilang kapangyarihan, o maaaring na-type cast lamang sila sa ganoong sistema.
Gayunpaman, sa aking pananaw, ang pagkakaroon ng kapangyarihan upang magkapagpalit ng anyo o shape shifting ay isang napakalakas at kakaibang kapangyarihan na maaaring makuha ng isang tao. Hindi matiyak kung ang shape shifting ay itim o puting salamangka. Kagaya ng aking sinasabi, ang salamangka o mahika ay neutral. Ito ay nagiging mabuti lamang o masama depende sa paraan ng paggamit at layunin ng gumagawa.