Ang mga anghel ay isang uri ng positive energy. Sila ay nagba-vibrate sa higit na mataas na frequency kumpara sa mga tao. Ang kanilang presensiya ay may hatid na kaginhawaan, kaligayahan, at katiwasayan.
Nakatala sa Bibliya ang mga Anghel. Sila ay inilarawan bilang mga nilalang na may pakpak at nadadamitan ng busilak na kasuotan.
Isa sa pinakapopular na klase ng anghel ay ang mga Archangel. Bahagi sila ng tinatawag na hierarchy ng mga Anghel. May pitong arkanghel na itinuturing, at isa sa kanila ay si Archangel Uriel.
Si Archangel Uriel ay may hatid na kaliwanagan ng kalooban at katiwasayan ng kaisipan. Kung may bumabagabag sa iyo, hindi ka makapagdesisyon ng wasto, o kaya ay nalilito ka sa direksiyon ng iyong buhay, tawagin mo si Archangel Uriel.
Sa pitong Arkanghel, sinasabing si Archangel Uriel ang pinakamadaling tawagin, o accessible, ika nga.
Kilalanin Si Archangel Uriel
Si Archangel Uriel ay isa sa pitong celestial messenger na pinaniniwalaang pinakamalapit sa luklukan ng Diyos. Ayon sa popular na representasyon, si Archangel Uriel ay kulay pula, gold, garnet, red o ruby red; kaya naman binansagan siyang “Ang Apoy ng Diyos” o “Liwanag ng Diyos”.
Sinasabing si Archangel Uriel ang pinakamatalino sa lahat ng angel. Angkop siyang tawagin kung ikaw ay nangangailangan ng wisdom para sa isang sitwasyong kinapapalooban, halimbawa ay sa decision making, intellectual thinking, creative thinking, analyzation, at iba pang gawaing nangangailangan ng talas ng pag-iisip.
Paano Tatawagan si Archangel Uriel
Gaya ng aking nasabi kangina, si Archangel Uriel ang pinaka-accessible sa lahat ng anghel. Hindi na kailangan pa ng masalimuot na rituwal o mga komplikadong panalangin o dasal para siya tawagan.
Simple lamang ang dapat gawin. Umupo sa isang tahimik na lugar na komportable sa iyo. I-visualize na ang iyong buong pagkatao ay nalulukuban ng pulang liwanag o ulap. Tiyakin na ang kulay pulang ibi-visualize ay matingkad o maalab.
Gamit ang iyong spiritual eyes (o imagination), isipin na ikaw ay nasa gitna ng pulang bola ng liwanag. Dito ay kausapin mo na si Archangel Uriel sa paraan na gusto mo na parang nakikipag-usap ka lamang sa isang karaniwang tao o kaibigan. Maging open ka sa kaniya. Maging matapat sa lahat ng iyong kahilingan. Tanggalin mo ang iyong ego. Magpakumbaba sa paghiling; at ikaw ay tiyak na kaniyang pagbibigyan.