27.8 C
Manila
Tuesday, September 10, 2024

Mga Pagsisiwalat ng Isang Dalagitang Ina

Ayon sa datos ng National Demographic and Health Survey noong 2013, isa sa bawat sampung Pilipina edad 15-19 ay isa nang ina o di kaya’y buntis na. Naitala naman ng United Nations Population Fund na ang Pilipinas ang tanging bansa sa Asya kung saan patuloy na tumataas ang bilang ng mga dalagitang ina sa loob ng nakalipas na dalawang taon.

Ikinapanayam ko si Andy, dalawampung taong gulang na estudyante sa kolehiyo at isang batang ina na nabuntis noong siya’y 14 anyos pa lamang.

Pagiging dalagang ina

Tanong: Ano yung pinakapangit at pinakamagandang bagay sa pagiging batang ina?

Pinakapangit siguro yung hindi mo na mae-experience yung pagiging teenager. Mapipilitan ka talagang tumanda agad kasi may iniisip ka nag ibang tao. Hindi mo na magagawa yung mga ginagawa ng mga kaibigan mo, di ka pwedeng lumabas, gumala, kahit simpleng pagbili ng mga gusto mo minsan hindi mo na rin pwede. Pinakamaganda naman para saakin yung relate ka sa anak mo. Kapag naglalaro yung anak ko nasasabayan ko siya tulad sa habulan, tago taguan, mga games sa gadgets. Di kasi yan nagawa nung parents ko saakin kaya feeling ko lamang naman ako doon.

T: Ano yung pinakamalaking pagsubok na hinarap mo bilang isang nanay?

Wala pa naman akong masyadong pagsubok kung baga, salamat sa Diyos, pero para sakin pinakamahirap yung pagba-budget ng pera. Although sinosoportahan kami ng tatay ng anak ko at ng parents namin, hindi padin talaga sapat. Ang mahal pala magpalaki ng anak.

T: Paano nabago ng pagiging batang ina ang buhay mo?

Sobrang nabago e, for the good and the bad. Mas responsable na ako ngayon at iniisip ko na yung mga consequence ng ginagawa ko. Negatively naman, pakiramdam ko I’m missing out on a lot of experiences. Yung mga kaibigan ko nagagawa nila yung mga gusto nila, mga ginagawa ng mga teenager, samantalang ako nagpapalit ng diaper. Hindi na nga ako nakasama sa prom dahil walang magbabantay sa anak ko, mga ganun. Maraming mga oportunidad at pagkakataon yung pinapalampas ko kasi hindi na ako pwedeng padalos dalos, kailangan ko na isipin kung makakabuti din ba sa anak ko.

Mga Panghuhusga

T: Hindi pa masyadong tanggap ang mga single mom dito sa Pilipinas kahit na maraming kabataan ngayon ang maagang nabubuntis. Nakaranas ka ba ng diskriminasyon o panghuhusga dahil bata kang ina?

Oo naman, sobra. Pinagpyestahan kaya yung kwento ko sa barangay namin, kahit sa school halos lahat pinagtsitsismisan ako. Nabuntis ako 2010 kaya medyo hindi pa ganun ka-open yung society sa mga batang nanay gaya ko, hindi tulad ngayon na parang normal na.

T: Nakaapekto ba yung mga panghuhusga na ‘yun sa araw araw na pamumuhay mo?

Medyo. Active ako dati sa simbahan pero siyempre nung nabuntis ako hindi na ako masyadong welcome. Mula nun hindi na ulit ako nakabalik sa simbahan namin. May mga simpleng bagay din gaya nung pag tinatawag ako ng anak ko na mommy sa mall may mga masama tumingin o halata na hinuhusgahan ka kasi bata ka pa tapos may anak ka na kaya noon hindi ako masyadong lumalabas. Pero okay na ngayon, hindi ko na napapansin masyado.

T: Ano ang gusto mo sabihin sa mga taong hinuhusgahan ang mga batang ina?

Sana lang hindi nila binabase yung respeto nila sa tao sa edad kung kalian ito nagkaanak. Oo nagkamali kaming mga teenage mom pero hindi nila alam kung gaano kami katapang para harapin yung sitwasyon na to kahit gaano kahirap.

Edukasyon

T: Nag-aaral ka pa ba ngayon?

Oo. Hindi ako tumigil mag-aaral. Kahit noong buntis ako pumapasok pa din ako. Actually pinapatigil na ako ng parents ko pero hindi naman ako maselan magbuntis kaya pinilit ko. Hanggang kabuwanan ko pumapasok ako, buti nga weekend ako nanganak. After one week rest, pumasok na ulit ako kaya hindi ako na-delay sa batch ko.

T: Paana mo pinagsasabay ang pag-aaral at pagiging ina?

Time management lang. Siyempre mahirap pero pinagtyatyagaan ko. Pag weekdays may yaya yung anak ko, pag weekends ako yung nag-aalaga. Pag-uwi ko galing school kahit pagod na nagma-mom duties padin ako, mag-aaral at review habang nagbabantay sakanya. Swerte na ako kasi pag hell week or may exams tumutulong yung mom ko mag-asikaso para makapag-aral ako.

T: Hindi ba naapektuhan ng pagkakaroon mo ng anak ang pag-aaral mo?

Siyempre oo. Hindi na ata maiiwasan yun kasi imbis na focused ka lang, may iba kang iniisip. Kapag may sakit yung anak ko siyempre bantay ako hindi ko naiiwan. Pag ganyan talagang nasa-sacrifice ko na yung school.

T: Hindi mo ba naisip na huminto muna para mas maalagaan ang iyong anak?

Hindi ko na kasi afford magpahinga. Dapat nga mas lalo akong mag sikap mag-aral para may mapangbubuhay ako sa anak ko. Hindi naman kasi ibig sabihin katapusan na ng buhay mo kapag nabuntis ka na. Yung sinasabi ng matatanda na nasisira lahat ng pangarap kapag maagang nabuntis? Kalokohan yun. Pag tyagaan mo. Hindi mo kailangan i-pause yung buhay mo porque dalawa na kayo. This year gagraduate na ako ng college at yung anak ko gagraduate din ng pre-school. Kung nakinig ako sa matatanda na huminto at unahin lang yung anak ko edi habangbuhay nalang ako aasa niyan sa magulang ko.

Mga Pagsisiwalat

T: Ayon sa datos ng Philippine Statistics Agency, 32% ng mga kabataan sa bansa ang gumagawa ng pre-marital sex, karamihan dito ay hindi gumagamit ng kahit anong uri ng contraceptive. Naging rason din ba ito at ang kakulangan ng sex education sa bansa sa maaga mong pagbubuntis?

Medyo. Ako kasi naturuan naman ako tungkol sa sex ed, ang problema hindi naman accessible yung contraceptive. Alam namin kung paano siya gumagana pero wala kaming paraan para makuha yung mga yun. Noon kasi bibili ka ng condom pag mukhang bata hinihingian ng ID kaya karamihan ng teens nahihiya o natatakot na bumili. Yung iba naman umaasa nalang sa dasal o pagpapalaglag.

T: Naisip mo bang ipalaglag yung bata?

Sa totoo lang, oo. May mga panahon na iniisip ko padin na sana pinalaglag ko nalang. Masama sabihin, pero nakakapagod kasi talaga magpalaki ng bata. Walang masyadong umaamin pero marami akong kilala na ganito din yung nararamdaman lalo yung mga iniwan ng asawa. Hindi lang sinasabi ng iba pero sigurado ako maraming mga nanay diyan ang nakapag-isip na din ng ganito, lalo na sa amin na mga bata pa.

T: Pinagsisisihan mo bang nabuntis ka ng maaga? Kung makakapili ka, gagawin mo ba ito ulit?

Mahal ko yung anak ko pero kung may choice ako, pipiliin ko na di muna magbuntis. Hindi pa talaga ako handa at mas magandang buhay sana yung mabibigay ko sakanya kung mas matanda na ako. Blessing naman siya saakin pero nandun padin yung pagsisisi na nangyari agad.

Payo sa kabataan

Sa kabataan in general:  hindi ko na sasabihin na mag abstain kayo kasi hindi nga ako nag abstain, pero practice safe sex. Yan ang pinaka importante. Mahirap maging magulang kaya wag muna kayo magmadali. Mas maganda padin yung stable ka na at hindi ka na umaasa sa iba para mabuhay mo yung pamilya mo.

Sa mga gaya ko na batang ina: magpakatatag lang at wag magpapaapekto sa mga sinasabi ng ibang tao. Mag-aral parin at pilitin na makatapos para mabigyan natin ng magandang buhay yung anak natin. Saka, madala na tayo sa isa, practice safe sex sa susunod.

-Julinda Gallego –

Related Articles

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

- Advertisement -spot_img

Latest Articles

Join us today!

Get access to exclusive content

Are you ready to take your experience to the next level? Unlock a world of exclusive benefits by joining our premium content community. As a member, you'll gain access to a wealth of valuable resources, tailored specifically for you.