Sa panahon ngayon, tanggapin man o hindi ng lipunan, may mga babae na talaga ang may lakas loob na nanliligaw sa lalaking natitipuhan nila. Iba ang panliligaw ng isang lesbian sa kapwa niya babae at iba rin ang panliligaw ng isang babae sa ka-opposite sex niyang lalaki. Ayon sa mga nakausap kong modern women, halos iisa ang opinyon nila tungkol sa panliligaw. Para sa kanila, ito ay isang karapatan. Isang malayang pagpapahayag ng damdamin ng isang babae. Hindi lamang daw ang lalaki ang dapat na may kalayaang ihayag ang kanyang nararamdaman sa kanyang napupusuan kundi maging ang babae ay dapat ganoon din. Kung hindi ito gagawin ng babae, sisikilin niya ang kanyang sariling damdamin at maghihintay na lang kung matitipuhan ba siya ng lalaking kanyang nagugustuhan. At kung hindi dumating ang panahon na mapansin siya nito ay wala siyang magagawa kundi ang masaktan at damhin ang kanyang kabiguan.
Pero dahil sa iba na nga ang panahon ngayon, babae man o lalaki, bakla o tomboy ay wala nang nakakapigil sa pagpapahayag ng kanilang damdamin. Nasasabi na nila ang nilalaman ng kanilang puso sa ayaw man at sa gusto ng iba na hindi pa nakakatanggap sa ganitong istilo lalo na ng mga kababaihan. Ayon pa sa mga nakausap ko tungkol dito, sinasabi nila na mas masugid ang babae pagdating sa panliligaw. Dahil taglay ng isang babae ang likas na pagiging matiyaga at pagkakaroon ng mahabang pasensya kaysa kalalakihan. Taglay din ng mga kababaihan ang likas na pagkamaalalahanin, sweet at romantic. Ang mga katangiang ito ang dahilan kung bakit nila nasabi na mas masugid sa panliligaw ang mga kababaihan. Gayunpaman, sa kabila nito ay marami pa rin ang hindi sumasang-ayon sa ganitong istilo ng mga modernong babae. Mas binibigyang papuri pa rin ang mga kababaihan na hindi nanliligaw sa lalaki, sa halip ay matiyagang hinihintay ang tamang lalaki na kusang iibig sa kanila sa tamang Panahon.